Isa sa well-wishers ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr. ang komedyante at dating vice-mayor ng Paranaque na si Anjo Yllana. Wish ni Anjo kay Senator Bong na kung anumang posisyon ang tatakbuhin niya sa 2010 ay maging matagumpay siya. Si Anjo naman ay may ilang taon na ring natigil sa pulitika.
"Kung ako ang tatanungin n'yo tungkol sa career ko sa pulitika, ngayon, wala pa, e. Parang ang sarap din ng buhay after ng nine years ko sa serbisyo, may time na ako sa family," pahayag ni Anjo nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal).
GETTING BACK WITH JACKIE. Kamakailan ay nabalitang nagkabalikan na sila ulit ng misis niyang si Jackie Manzano.
"Right now we're working on it. Ah, nasabi ko kasi sa isang interbyu na hindi pa formal kasi nga we are still working on it. Although, nagkabalikan na kami."
Gaano ba sila katagal naghiwalay ni Jackie?
"Four months," mabilis na sagot ni Anjo. "Pero naghiwalay din kami before, mga one year. ‘Tapos naayos namin yun. So, ngayon, inaayos din namin. Kasi, gusto namin tuluy-tuloy na, yung maayos na maayos na."
Paano naganap ang balikan nila ni Jackie?
"Wala. Ah, na-miss namin ang isa't isa. ‘Tapos, ‘ayun, nag-usap kami kung puwede pa, ganun-ganun. Hanggang ngayon inaayos pa rin namin. Mukhang papunta naman sa maganda."
Ano yung inaayos pa nila?
"Yung mga dating problema namin. Kaya nga kami naghiwalay dati kasi nga meron akong mga ayaw, meron siyang mga ayaw. Pero so far, okey naman. Maayos naman yung usapan namin kaya mukhang papunta na doon."
Magkasama na raw sila ngayon ni Jackie sa isang bahay. Kaya halos wala nang problema basta't magawa nila ang mga pangako.
"Actually, wala na, e. Kung kakayanin lang talaga namin yung mga pangako namin."
Anu-ano ang mga pangako nila sa isa't isa?
"Secret na lang yun, e. Secret ng mga mag-asawa."
Sino ang unang sumuko kanino?
"Wala naman. Ah, nagsimula sa text-text. ‘Tapos usap-usap," lahad ni Anjo.
Nagte-text pa rin sila sa isa't kahit nung hiwalay sila?
"After a long time, yun na. Siguro na-miss namin ang isa't isa. ‘Tapos yun nag-usap. ‘Tapos yun ang nalaman namin, hindi ko kasi alam dahil hindi kami nag-uusap. Nalaman ko na mahal pa niya ako. ‘Tapos sabi ko sa kanya ikaw pa rin ang mahal ko."
Paano niya nalaman na mahal pa rin siya ni Jackie?
"Sinabi niya," kasunod ang tawa ni Anjo.
Paano niya naman nasabi na mahal pa rin niya si Jackie?
"Siyempre tinanong niya rin. So, tinanong niya kung meron akong iba."
Ano ang natutunan niya sa paghihiwalay nila ni Jackie?
"Ah, natutunan? Siguro natutunan naming ayusin yung dapat ayusin."
PLANNING FOR CHURCH WEDDING. Habang kausap namin si Anjo ay biglang lumapit sa kanya ang talent manager na si Lolit Solis.
"Ninang," sabi ni Anjo. "Ninang, kung saka-sakali."
Sumagot naman si Lolit sa kanya, "Bakit, hindi pa ba tuloy?"
"Tuloy," sagot naman ni Anjo.
Ang tinutukoy ni Anjo ay ang plano niya na wedding nila ni Jackie sa simbahan.
"Ah, wala pa, e. Kasi siyempre inaayos ko muna yung, yun nga....inaayos namin yung problems."
Legal ba ang problema?
"Hindi naman tungkol sa legality. Yung sa aming dalawa lang, husband and wife."
Sa Las Vegas daw naganap ang civil wedding nila ni Jackie at dito naman sa Pilipinas niya gustong ikasal ulit sila ng misis niya sa simbahan.
"Yun sana ang gusto kong mangyari eventually kapag maayos na. Kasi, siyempre, also
for the kids."
Anong klaseng church wedding naman ito?
"Wala pa. Hindi pa namin actually napag-usapan. Nasabi ko lang na, ‘If ever naging maayos na tayo ng matagal, e, gusto ko sana yung next year siguro, e, magkaroon naman tayo ng church wedding.'"
FOR THE KIDS. Anong reaksyon ng mga anak nila?
"Siyempre, sila yung pinaka-happy. Para silang dinalaw ni Santa Claus at dala lahat ng regalo."
Iniwan ba sa kanya yung mga bata ni Jackie nung naghiwalay sila?
"Hindi. Dati kasi ang setup namin, weekends nasa akin. So, siyempre, nahirapan din yung mga bata. Although, binibigyan namin ng maraming oras. Kaya lang, iba siyempre kapag yung dalawa na kayo, binibigyan ninyo ng oras ang mga anak ninyo."
Nag-trigger ba nang husto sa hiwalayan nila yung natsismis si Jackie sa ibang lalaki?
"Ah, part lang yun. Kaya lang hindi naman totoo yun, e. Ah, sinabi naman niya sa akin, hindi totoo. Wala naman akong naririnig na iba. Ah, parang ano lang yun, slight lang."
Posible raw na akusahan si Anjo na pagpapa-pogi lang niya sa publiko ang balikan nila ni Jackie para sa political career niya.
"Well, hindi naman mawawala yun. Pero natutuwa ako ngayon, kasi hindi ko kasi rin alam yung reaksyon ng mga tao rin. E, natuwa naman ako kasi everywhere I go, yung mga tao naman, ‘Uy, sobrang saya kami nagbalikan kayo,' na parang kahit hindi kayo masyadong close o kilala, talagang parang affected din pala sila noon.
"Siguro dahil public figure din kami. Mas gusto nila na ‘pag public property ka, set an example also na, kasi kunsabagay kung ako, ‘pag nakaririnig ako na naghihiwalay na artista, nalulungkot din ako."
BYE BYE POLITICS? May plano ba siya na bumalik sa pulitika?
"Parang ayaw na rin kasi niya, e. Yun yung isa sa mga napag-usapan namin."
Willing ba siya na i-sacrifice ang kanyang political career?
"Oo," sambit ni Anjo. "Kung talagang hindi ko siya makumbinsi... Kasi siyempre hinahanap-hanap ko yung paglilingkod din, e. In fact, actually, hanggang ngayon naglilingkod ako dahil marami pa rin ang lumalapit sa akin. Nakaka-miss yung maglingkod sa bayan, e. Pero kung talagang ayaw niya, wala na akong magagawa. Talagang ano na ako, taong-bahay."
