Biglang naiba ang mood sa press conference ng Banana Split kagabi, Oktubre 6, nang balikan ng isang entertainment columnist ang dati nang napabalitang breakup ng showbiz couple na sina Angelica Panganiban at Derek Ramsay.
Mula sa mga nakakatawang tanong tungkol sa saging, naiba ang ihip ng hangin nang tanungin siya kung totoo ang nasabing isyu.
"Hindi po. May problema po kami noon," matipid na sagot ni Angelica.
Kinuha na rin ng 21-year-old actress ang pagkakataong ito upang linawin ang bali-balita na ilan sa mga sinisisi niya sa hindi pagkakaunawaan nila ni Derek ay ang entertainment media at ang kanilang trabaho.
Paliwanag ni Angelica, "Hindi po, never po naming pinag-awayan ang trabaho namin at 'yong nakapaligid sa trabaho namin. Kasi po, every time na magkasama kami, as much as possible, hindi kami nag-uusap tungkol sa trabaho para nga maiwasan 'yong mga intriga, 'yong mga tsismis.
"Pero kasi 'yong nangyari 'yong issue na kinulit ako, mga dalawang linggo ako hinabol ng mga TV na 'yan, reporter... Kinulit nila ako and ilang araw na ako, walang tulog, hindi nagpapahinga and hindi naman talaga totoong hiwalay kami.
"So, kapag tinatanong nila ako kung hiwalay kami, [sagot ko], ‘Hindi,' kasi hindi talaga. So, noong araw na 'yon, sinabi ko nga na may problema kami, 'yon ang sinabi ko sa TV. Hindi ko naman siguro kasalanan kung maging emotional, kasi tao po ako, nasasaktan po ako, napapagod po ako."
Matapos nito, nagulat na lamang siya sa ilang mga nasulat sa diyaryo na medyo nakasakit sa kanyang damdamin.
"Pag-uwi ko galing Amerika, ang dami ko nang write-up sa newspaper na baliw ako, gumagawa ako ng kuwento, ginagamit ko 'yong relationship namin para sumikat ako. Kilala niyo ako simula bata ako, hindi ko po gawain 'yon, kaya po nasaktan ako."
Gayunman, nilinaw ni Angelica na tapos na ang isyu at maayos pa rin ang relasyon nila ni Derek. Dagdag pa niya, "'Yong problema po kasi namin... Kumbaga, kung ngayon namin iisipin, maliit lang siya pero kinailangan lang namin bigyan ng pansin. Kasi kung hindi, puwede nga siyang mag-end up na maghiwalay kami."
While Angelica is busy with the all-girls gag show Banana Split and primetime series Iisa Pa Lamang, her boyfriend Derek will soon appear in the upcoming primetime soap opera, Humingi Ako sa Langit, on ABS-CBN.