Tanging pasasalamat ang meron si Jerome Manalili, 30, dahil sa wakas ay naipagpatayo niya ng magandang bahay ang ina at lola.
Sobrang layo ito sa dati nilang maliit na bahay sa Valenzuela na laging binabaha kapag umuulan.
Naranasan pa nila noong 2009 na ang tubig ay lampas tao dahil sa Bagyong Ondoy.
Pero dahil sa pangarap at pagsisikap, si Jerome ay may sarili nang bahay, sasakyan, at tinutulungan ang mga mahal sa buhay na magkaroon ng magandang buhay.
Mula sa pagiging hair stylist, meron na siya ngayong salon business na may walong branches.
Read:
- From kubo to mansion: success story ni Adelio Garcia
- Pintor, naipatayo ang eleganteng bahay sa Nueva Ecija mula sa pagpipinta sa gitna ng pandemya
Sa Facebook community na Home Buddies, ipinost ni Jerome ang kanyang bahay noong July 2022.
Mensahe ni Jerome sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ang kanyang two-story house ay nakatayo sa lote na 168 square meters. Inabot sa PHP1.5 million ang pagpapatayo nito sa loob ng tatlong buwan.
Napakaganda ng bahay ni Jerome na siya mismo ang nagdisenyo.
“Yung mga design po, nakuha ko thru Pinterest, Home buddies… more on Internet po,” mensahe niya sa PEP.



Sabi ni Jerome, nasa pamilya nila ang pagiging hairstylist.
Panggugupit din ang ikinabubuhay ng kanyang tiyuhin, kapatid, at mga pinsan.
Sa ngayon ay single dad si Jerome sa kanyang 7 anyos na anak, na siyang naging inspirasyon niya para magsipag.
“Nagsimula magbago ang buhay ko nung dumating po sa akin ang baby ko nung 23 yrs old po ako. Mas sinipagan ko magtrabaho.
Hanggang sa makaipon po ako at makapag-business na ng solo,” ani Jerome na isang high-school graduate.
Ang kanyang salon business ay tinawag niyang Jeromized Hair Studio.
“Yung business ko, Sir, mag-six years pa lang po siya sa August. Ngayon ang branch po niya ay 8 branches na po.”

JEROME’S SUCCESS STORY
Sa kanyang Facebook post sa Home Buddies noong nakaraang taon, ikinuwento ni Jerome ang kanyang success story.
Narito ang buod (published as is):”Nanay, lola .. eto na!
“eto na yung bahay na pinapangarap ko para sainyo
“eto na yung bunga ng mga pagod ko sa araw araw kong trabaho. napaka sarap pagmasdan. at napaka sarap sa pakiramdam na yung dating pinapangarap kong maayos na tahanan para satin.
“eto na matutuluyan na natin, walang imposible sa itaas basta manalig ka lang sakanya."
Hindi madali, pero malaking bagapy para kay Jerome na tuparin ang kahilingan ng mga mahal niya sa buhay.
Ani Jerome (published as is): “nung bata ako naalala ko minsan kapos talaga kame. kasi si nanay lang ang nagtatrabaho samen single mother sya sameng dalawang magkapated…
“nakita ko yung hirap nya para mabigay lang ung gusto namen at pangangalaingan namen.
"si lola naman tumatanda na sabe nya gusto nya daw magkaroon ng maganda bahay bago man lang daw sya mawala. sabe ko nmn lola wait ka lang.
“age of 18 nagwork nako.. namamasukan pero. napaka liit naman ng sahod noon 3k monthly? pero di naman ako sumuko. kasi nga may pangarap ako. para sa kanila.
“and proud and loud to say na ako yung naging bread winner ng pamilya simula nung nagwork ako. kaya mejo natagalan din sa pag iipon.
Inabot daw ng apat na taon si Jerome para masimulan ang pagpapatayo ng kanilang bahay.
Paglalahad niya (published as is): “ngayon napaka sarap sa pakiramdam pag naririnig ko sa nanay ko at lola ko na sobrang proud sila. at sasabihing APO KO PALA ANG MAKAKAPAGBIGAY SAKIN NG MAGINHAWANG BUHAY..
"nanay, lola para sainyo yan. sobrang saya ko na nakikita ko na ang lahat ng pinaghirapan ko
"kahit bumaha hindi na tayo mangangamba kung san tayo matutulog, hindi na tayo mapupuyat, kasi dati pag bumabaha samen pinapasok yung bahay namen.. dto ko rin naranasan samen bumaha ng lagpas tao
"nanay, lola ? pano ba yan ?
“makaka asa kayo na hindi ko kayo pababayaan hanggang sa huli, hanggang sa abot ng aking makakaya!”
Ang motto sa buhay ni Jerome: "Let your actions be louder than your words and vour dreams bigger than your fears."
