Dahil nakapanayam na ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si KC Concepcion bago pa man magsimula ang Supreme to the Extreme Awards ng Philippine STAR kagabi, October 17, sa Embassy Super Club, na-inform na ni KC ang press na hindi makakadalo ang kanyang ama na si Gabby Concepcion. Instead, ang kanyang tita raw na si Sandy Concepcion ang tatanggap ng award for her father.
Si KC ay nominated din sa ilang categories, at dalawa rito ay kasama niya ang kanyang leading man sa kanyang debut film na For The First Time, si Richard Gutierrez. Pero si KC lamang ang dumalo dahil hindi nakarating si Richard.
Paliwanag ni KC, "Si Richard po kasi, I think may event ang network [GMA-7] nila, may inauguration. Pati nga ang Presidente [Gloria Macapagal-Arroyo], wala sa event ng Department of Foreign Affairs namin kanina dahil nandoon siya sa inauguration."
Biniro ng entertainment press si KC nang tanungin siya kung ano na ang level ng relationship nila ni Richard dahil tila alam nila ang schedule ng isa't isa.
"Hindi, hindi! Si Tim [Yap, one of the organziers of the event] ang nagsasabi kung sino ang nandito, kung sino ang wala. But some of our friends are here naman daw," depensa ni KC.
SHARON-GABBY PEACE. Sa panayam ng PEP sa ama ni KC na si Gabby ay sinabi ng aktor na nagkabati na sila ni Sharon Cuneta. (Click here to read related article.) Ano ang masasabi ni KC tungkol sa pagkakasundo ng kanyang mga magulang?
"Well, that's good!" sambit niya. "Kasi noong time na pinuntahan ko rin si Papa, three years ago, yun naman talaga ang goal ko na sana maging bridge ako. Maging tulay ako para magkabati silang dalawa. Kahit isang usapan lang na hindi nag-aaway dahil, siyempre, alam naman ng lahat na naghiwalay sila noong bata ako.
"So, kung nagkatotoo na pinangarap ko noon, yung pagpunta ko ng San Francisco, kahit man lang na-delay yung proseso ng peacemaking sa kanilang dalawa, at least, nangyari na," nakangiting pahayag ni KC.
Nakikita o naririnig niya ba kapag nag-uusap ang mga magulang niya?
"Hindi ko po...wala po ako sa kuwarto kung nag-uusap man sila or kahit text man yun. I'm sure kung may isa man na magsasabi ng ganoon, siguro yun ang totoo and I'm happy naman na nagkatotoo rin yung munting pangarap ko na magkabati silang dalawa. I think, pangarap naman yun ng every anak na may broken family para lang peaceful ang lahat," saad ni KC.
Wala naman daw siyang personal na sinabi sa mga magulang o request na magkabati na sila. Pero siguro raw, nararamdaman din ng mga ito kung ano talaga ang gusto niyang mangyari.
"Well, I think action speaks louder than words when it comes to that naman," pananaw ni KC. "Nakikita naman nila na kahit hindi ko hingin na sana magkabati sila, nakikita naman nila na ako mismo nakikipagbati ako sa Papa ko para alam din ng mga tao na okey naman kami.
"Wala namang sinasabi si Mama tungkol sa kanya na masama. Kung kinalakihan ko yung masasamang words about him, wala naman siguro. Hopefully, sana, yung hindi nag-aaway, wala na, sobrang naka-move on na silang dalawa. It's just good. It's such a happy feeling naman."
KC'S HALF-SISTER. Kinumusta rin ng PEP kay KC ang pagkikita nila ng isa pa niyang kapatid sa ama na si Gabrielle, ang anak ni Gabby kay Grace Ibuna. Nagkita sila sa burol ng kanilang yumaong lolo na si Rollie Concepcion.
Ayon kay KC, magmula noon ay patuloy na ang communication nila.
"Masaya siyempre, kasi kaming lahat [na magkakapatid], babae kami. Nanay ko...babae kaming lahat at ako ang pinaka-ate nilang lahat. And all in all yata, lima na kami or anim na kami. At siya [Gabrielle] yung second na dumating after me.
"Isang bagong yugto na naman siya sa buhay ko. Sa buhay naming dalawa na magkakilala kami. Magka-textan na kami. At meron din akong pasalubong na binili for her, yung sa European trip namin [ni Richard]. And maayos naman," lahad ni KC.
Nagkita na ba silang muli na magkapatid?
"Not yet, pero yun nga, pinaplano naming magkita."
SHARON-KIKO RUMOR. Sa huli, hiningan din namin ng pahayag si KC tungkol sa kumakalat na balitang on the rocks na ang marriage ng Mama niya at ng kanyang stepfather na si Sen. Kiko Pangilinan. Itinanggi ni KC ang balitang ito.
Aniya, "Okey naman sila. Siguro intriga lang ang lumalabas talaga. At saka, wala namang major na nangyayari sa bahay right now. So, wala rin naman akong masasabi about that.
"Normal naman sa house. Okey naman yung kids [her sisters]. Masaya naman kaming lahat. At next week, meron kaming family vacation," saad ni KC, na ang tinutukoy ay ang Caribbean cruise nilang mag-anak.
Pero napag-uusapan ba nila yung mga naglalabasang intriga ngayon?
"Normally po kasi, hindi namin pinag-uusapan yung showbiz sa bahay. So, pagdating sa intriga, mas lalo na. Kinaklaro na lang namin kung ano ang totoo at hindi. Pero after na iklaro, okey na."
Sinabi rin namin kay KC na may naglabas na diumano ng pangalan ng babaeng sinasabing karelasyon ng stepfather niya. Ano ang masasabi niya rito?
"E, siguro ganoon talaga. Pinaghalo yung showbiz saka politics, talagang magkakagulo!" natatawa na lang niyang sabi.
Masasabi ba niyang going stronger pa rin ang marriage ng Mama niya at ang itinuturing niyang daddy?
"Well, opo, sa nalalaman ko, okey naman sila. Going strong pa rin po," nakangiting sabi ni KC.