Tumaon sa Pride Month ang pag-iisang dibdib ng transgender woman na si Geraldine Mendoza, 38, at Joevert Berin, 26.
“Kinasal kami ng June 3, 2023 sa Luntian Resort sa Balagbag Lipa, Batangas. Ang nagkasal po sa amin ay si Reverend Cresencio Agbayani ng LGBTs Christian Church po,” kuwento ni Geraldine sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Isa at kalahating taon silang naging magkarelasyon bago ang kanilang union.
“Kasal” kung tawagin ni Geraldine ang nangyaring seremonya sa kanila ni Joevert, bagamat hindi pa legal sa bansa ang same-sex marriage.
Pero hindi iyon ang mahalaga kina Geraldine at Joevert, dahil para sa kanila, “kasal” ang nangyari sa pagitan nila sa ngalan ng pag-ibig.
Read: "Di na ako magiging June bride!" Bride-to-be’s fiancé dies weeks before wedding
Si Geraldine ay isang online English and Science teacher, habang si Joevert ay dating security guard at baker.
Sa kabila ng mapait na karanasan nila sa pag-ibig, natagpuan nila ang isa’t isa para muling buksan ang kanilang mga puso.
Nagkaroon ng apat na karelasyon noon si Geraldine, subalit nauwi lahat iyon sa hiwalayan.
Nagkaroon ng pitong girlfriend si Joevert, subalit kadalasan ay nakikipagrelasyon lang ang mga ito dahil may kailangan lang sa kanya.
Sabi ni Joevert, “Marami na akong naging girlfriend. Puro lang simula. Madali magsawa. Hinihingian ako ng load.”

HOW THEir LOVE STORY BEGAN
Nagkakilala sina Joevert Geraldine via online. May nakilalang isang babae si Joevert online.
“Hindi ako intentionally ang hinanap niya, yung girl. Pero nakita niya ako sa mutual [friends],” ani Geraldine sa interview ng Brigada Batangas.
Nag-message si Joevert kay Geraldine.
Ani Joevert, “Sinabi ko sa kanya, ‘Puwede ba kitang makita sa personal?’ Sabi niya [Geraldine] sa akin, ‘Sure, pero sasabihin ko sa ‘yo hindi ako tunay na babae.’ Sinabi niya agad sa akin.”
Nauwi sa ligawan ang kanilang pagkakakilala.
Um-effort si Joevert sa panliligaw, kahit na sa mga panahong iyon ay may isang Italian guy na ine-entertain din si Geraldine via long distance.
Naging bukas si Geraldine sa dalawang lalaki sa kanilang set-up at pareho silang pumayag.
Ika nga, may the best man win. Nahulog ang loob ni Geraldine kay Joevert dahil sa effort nito.
“Basta trato niya sa akin girl. Walang stress,” pahayag ni Geraldine.
“Ganun pala yun, pag di mo inaasahan saka dadating.
“Siya ay mabait, di nagte-take advantage, malambing, maginoo, at tinatrato ako na babae. Kaya super happy po ako ngayon.”
“Itinuring ko siyang isang tunay na babae,” sundot ni Joevert.
Tuluyan nang nagpaalam na si Geraldine sa Italiano para makarelasyon si Joevert.
Read: Bride, may agaw-eksenang standee ng kapatid sa kasal
TAKING IT TO THE NEXT LEVEL
Para patunayan ni Joevert ang pagmamahal kay Geraldine, isinama niya ito sa Samar at ipinakilala sa kanyang mga magulang at mga kamag-anak.
Tinanggap sa kanilang pamilya si Geraldine kahit na miyembro ito ng LGBT community.
Ani Joevert, “Sabi ng nanay ko, ‘Oo, tanggap naman kita. At least di ka magbabago.’”
Dahil tanggap na rin siya ng mga kamag-anak ni Geraldine, niyaya ni Joevert si Geraldine na magpakasal.
At nangyari nga ito noong June 3 sa isang resort sa Batangas.
Pag-amin pa ni Geraldine, dumating sa buhay niya si Joevert sa panahong hindi na siya naghahanap.
Payo naman niya sa iba pagdating sa pag-ibig, “Basta buksan lang natin ang isipan natin.
“Be wise. Wag papaabuso at hanapin niyo ang may busilak na kalooban.
“Opo, mahirap at rare ang tulad ng asawa ko, pero may tatangap at tatangap sa atin basta maging mabuting tao lang kayo.”
ON CRITICISMS AGAINST THEIR RELATIONSHIP
Alam ni Geraldine na may mga taong humuhusga sa kanilang pagsasama.
Sabi niya, “Hindi natin maiwasan yan. Iba-iba tayo ng personality, iba-iba ng pang-unawa.
“Basta may nagmamahal sa akin, okay na yon. Ayokong isipin ang iisipin ng iba.”
Himutok pa niya, hindi niya maunawaan kung bakit ginagamit pa ng ibang tao ang salita ng Diyos para lang mahusgahan ang mga katulad niya.
“For me, walang ginawang masama si God. What can we do? Ipinanganak kaming LGBT.
“Yun ang nararamdaman namin. Hindi po puwedeng sabihing, ‘Naku, mali yan. Kailangan dapat maging straight man o woman ka.’”
Samantala, nakasaad sa website ng LGBTs Christian Church na isa itong religious organization na itinayo ni Rev. Crescencio “Ceejay” Agbayani Jr. para magbigay ng safe space of worship para sa LGBTQIA community.
Ipinanawagan din nila ang marriage equality.
Nakasaad din sa website na nagsasagawa sila ng “wedding ceremonial ritual for two consenting adults that promise to live together for the rest of their lives, in building their own family suited and fitted for their desire base on love, responsibility and communion with GOD.”
Sabi pa rito: “The difference of Holy Union and Matrimony is that Matrimony has its legal entity while the Holy Union is pure ritual. Unfortunately, the Philippines we have no Marriage Equality Law or the Same-Sex Marriage Law yet.”
