Nakatakdang manganak si Angelika dela Cruz sometime in April 2009. Ayon sa recent ultrasound niya, 90 percent ang posibilidad na lalaki ang magiging panganay ni Angelika at ng boyfriend nitong si Orion Casareo.
Sa pagdaan ng mga araw, wala namang hirap na dinaranas si Angel sa kanyang pagbubuntis, kahit nga first time niya ito.
"Hindi ko lang alam kung magkakaroon ako ng post-natal blues na tinatawag. Pero sabi ng mga doctor, karaniwan lang nangyayari ang heavy feeling and depression sa pagbubuntis kung kulang sila sa alaga ng asawa," sabi ni Angelika nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa isang phone interview.
"I must say that Orion loves me so much, that he really pampers me. Lagi nga akong nai-spoil. Ang mahirap lang, ngarag din ako ngayon sa trabaho. Nasa Una Kang Naging Akin ako at kailangang matapos na ang taping ko this December. Hanggang January pa ako matatapos sa La Lola, at lalabas talaga akong buntis sa teleseryeng 'yan, kaya okey lang na makitang malaki ang tiyan ko," sabi pa ng aktres.
Nagagawan pa rin ng paraan sa pananamit at camera shots ang pagtatago sa kanyang lumalaking tiyan.
Ayon kay Angelika, "Sa ngayon, oo, kaya nga pinapaspasan ang trabaho ko sa Una Kang Naging Akin. Kasi yung role naman ni Dawn Zulueta sa original movie na siyang na-assign sa akin, hindi naman nabuntis, di ba? Alangang baguhin ang takbo ng istorya dahil lang sa nabuntis ako?
"Sa La Lola, ipapakita talagang mabubuntis ako, kaya okey lang na ma-delay. By January, around six months na ang tiyan ko. Hindi ko alam kung biglang lalaki yun, kasi ngayon, hindi pa masyadong halata.
"Feeling ko, para akong manananggal sa mga eksena ko!" tawa niya. "Iniiwas lagi ng camera sa tiyan ko ang shots, kung tipong mahahalata. Pero talagang ganoon. Hindi naman ako pupuwedeng mag-stop sa pagte-taping sa dalawang teleseryeng 'yan dahil wala namang kasalanan ang network sa pagbubuntis ko. Commitment ko pa rin ito sa GMA-7, kahit ano pa ang mangyari."
IT'S A BLESSING. Blessing para kay Angelika ang pagbubuntis niya ngayong rumaratsada ang career niya sa GMA-7 at maalaga ang mister niya.
"Wala namang regrets sa akin, pero hindi talaga ito naiplano," banggit ni Angelika sa kabilang linya. "Kasal na rin kami ni Orion kaya wala akong nakikitang problema. O kahit nga hindi pa kasal, just the same, anak ko itong ipinagbubuntis ko. So I should really be proud.
"At saka bilib din ako sa mister ko. Hindi ko akalaing prepared din siya. Hindi lang financially, pati emotionally and mentally as well. Kaya nga siguro wala akong heavy feeling sa pagbubuntis kong ito. Happy ang pagbubuntis ko, at wala rin nga akong nararamdamang parang paglilihi. Carry lang," dugtong ng aktres.
Gabriel daw ang ipapangalan nina Orion at Angelika sa kanilang panganay. Isusunod daw ito sa pangalan ng lolo ni Angelika.
"Gusto ko nga sana, Orion, Jr. Pero sabi ng mister ko, hindi na raw uso 'yang mga junior-junior. Mas okay raw na ipinapangalan na sunod doon sa mga lolo. Kung magkakaapo raw kami, doon lang niya magugustuhang ang magiging anak ng aming anak ay papangalanang Orion. Bagay yung Gabriel, gusto ko. Kasi yung apelyido ng mister ko, very Spanish. Mukhang Spanish din kasi ang combination namin ni Orion," saad ni Angelika.
Gusto ring linawin ni Angelika na hindi masama ang loob ng ama niyang si Ernie dela Cruz sa pagpapakasal nang lihim ng aktres kay Orion.
"Alam niya yun," paglilinaw ni Angelika. "Secret lang yun sa mga hindi close sa family. May blessings niya kahit paano. Balak din talaga naming magpakasal sa simbahan talaga, pero hindi pa in the near future. Maski itong pregnancy ko, hindi talaga kasama sa plano.
"Pero sabi ko nga, pinapanagutan namin ito at gusto kong maging maganda ang takbo ng lahat at positibo ang mangyayari sa pagbubuntis at panganganak ko. Nagulat lang si Daddy na nabuntis ako agad. Hindi nga kasi napapag-usapan yun, pero after that, tuwang-tuwa siya. Siyempre, magkakaapo na siya. Pati ang mommy ko [Mrs. Angelika Egger], tuwang-tuwa sa sitwasyon ko ngayon.
"Ito ang dahilan kung bakit magaan ang takbo ng lahat sa akin. Kasi lahat ng nagmamahal sa akin at mahal ko, tanggap nila ang sitwasyon, where I am in right now. Sooner or later, itutuloy pa rin namin ang church wedding na binabalak namin," pagwawakas ni Angelika.