Ginanap noong Lunes, December 1, ang pagbibigay parangal ni German "Kuya Germs" Moreno sa ilang piling artista sa local showbiz para mabigyan ng kanilang sariling star sa Walk of Fame, na makikita sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Ito ang ikatlong pagkakataon na kinilala ni Kuya Germs ang mga artistang sa palagay niya ay may naiambag na maganda sa local showbiz industry. Immaterial kung ang artistang ito ay matagal nang namayapa o aktibo pa sa showbiz.
Kung pagbabasehan ang pagdating ng mga artistang pinarangalan ni Kuya Germs last Monday, masasabing successful ang naturang event na brainchild ng veteran TV host.
Ang mga honored stars ngayong taong ito ay sina Gina Alajar, Helen Gamboa, Albert Martinez, Dawn Zulueta, Herbert Bautista, Dina Bonnevie, Tirso Cruz III, Dulce, Claudine Barretto, Marian Rivera, Dingdong Dantes, and the late Dindo Fernando.
In attendance lahat ng honorees this year for Walk of Fame at napakarami rin taong nanood sa taunang pagbibigay ni Kuya Germs ng parangal sa mga artista. Ang nag-represent naman kay Dindo ay ang kanyang asawang si Mrs. Cora Fernando.
Para sa mga hindi nakakakilala kay Dindo, isa siya sa itinuturing na pinakamahusay na dramatic actors ng bansa. Ilan sa mga nagawa niyang pelikula ay ang mga sumusunod: Langis at Tubig, Karma, T-Bird at Ako, Gaano Kadalas ang Minsan, Init Sa Magdamag, Palabra de Honor, Sana Bukas Pa ng Kahapon, Baby Tsina, Muling Buksan ang Puso, Sana'y Wala Nang Wakas, at Magdusa Ka. Kilala rin siya bilang si Col. Leo Alicante sa soap opera na Flordeluna Namatay siya noong 1987 dahil sa heart attack
Pumarada isa-isa ang lahat ng artista at pumunta na sa kani-kanilang stars. Sabay na naglakad papunta sa magkasunod na stars nila ang magka-love team na sina Marian at Dingdong dahil sa pag-alalay ng aktor sa kapareha, na naka-saklay pa dahil hindi pa niya puwedeng iapak ang paang naka-cast.
Yun nga lang, hindi na halos nakabalik si Dingdong sa mismong venue ng program dahil pagkapuwesto niya sa kanyang star, nagpaalam na rin ito dahil ilang oras na lang ay kailangan na niyang magpunta sa airport papuntang Los Angeles.
Si Marian din ay nagpaalam agad dahil kailangan naman niyang magpunta sa presscon ng Desperadas 2.
Nakita na PEP na nag-stay pa sa program na inihanda ni Kuya Germs ang ibang honorees.
Ipinahayag ni Kuya Germs ang dahilan kung bakit niya naisipang maglagay ng Walk of Fame sa Pilipinas tulad ng sa Hollywood.
Naniniwala si Kuya Germs na malaking bagay ang nagagawa ng mga artista para sa bansa kung kaya't karapat-dapat lang naman daw parangalan at bigyan ng importansiya ang mga artistang may naiaambag sa ikauunlad ng industriya.
During the Walk of Fame parade din nalaman ng PEP na nagdadalangtao pala si Dawn sa kanilang second child ng asawang si Anton Lagdameo. May paalala kasi ang nagsilbing host ng event na si John Nite na pakialalayan daw mabuti si Dawn dahil kasalukuyan nga itong nagdadalangtao. Five weeks na ang ipinagbuntis ng aktres.
