Mommy Eva Carino-Padilla gives all-out support to her sons and grandchildren

IMAGE 0


"Ganyan naman ang isang ina, di ba? Kung ano ang kaligayahan ng iyong mga anak, susuportahan mo. Wala ka namang ibang choice, di ba? Diyan mo maipapakita na tanggap mo ang anumang pasukin at gawin ng iyong anak," says Mrs. Eva Cariño-Padilla.


Ayaw ma-miss ng ina ni Robin Padilla na si Mrs. Eva Cariño-Padilla ang big launch ng bagong primetime series ng anak sa GMA-7, Totoy Bato.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Mommy Eva sa loob ng Studio 5 ng GMA Network Center kagabi, February 15, sinabi nito na bumiyahe pa siya galing Nueva Ecija. Hindi raw siya papayag na hindi mapanood ang bonggang launching ng Totoy Bato. Bukod kasi kay Binoe ay kasama rin sa Totoy Bato ang dalawang apo niyang sina Queenie Padilla (panganay ni Binoe) at Ralph Padilla (panganay naman ni Rommel).

"Bilang ina ay hindi ako puwedeng mawala sa mga ganitong mga okasyon," sabi ni Mommy Eva. "Noong tanungin nga ako ni Binoe kung gusto ko bang manood, hindi ako nagdalawang-isip. Gusto ko talaga kahit na bumiyahe pa ako. Hindi lang naman kasi si Binoe ang nandito sa show, kundi pati na si Omeng [Rommel] at ang dalawang apo ko. Gusto ko silang mapanood na pinapalakpakan ng mga tagahanga nila."

Gaya pa rin noon ay kinabahan na naman daw si Mommy Eva dahil sa ginawang pagharurot ni Binoe sakay ang motorsiklo nito habang ina-unveil ang giant billboard ng Totoy Bato sa harapan ng GMA Network Center. Sabi nga ni Mommy Eva, never nawala ang takot niya sa mga ginagawa ni Binoe.

"Oo naman. 'Yang batang 'yan naman kasi, parati na lang malapit sa disgrasya!" sabay tawa ni Mommy Eva. "Hindi nga ba't may bakal na 'yan sa likuran niya at nasabugan na 'yan ng ilang beses? Pero bilib ako sa lakas ng loob ng batang 'yan. Hindi natatakot at gagawin niya ang lahat para sa mga naniniwala sa kanya.

"Ako naman, parati kong sinasabi, hindi lang kay Binoe kundi lahat sa mga anak ko na mag-ingat sila parati. Magdasal sila para maprotektahan sila. Kay Binoe kasi, panay ang dasal ko sa batang 'yan talaga. Pero nagandahan ako sa presentation ng GMA-7 sa bagong show niya. Talagang all-out ang suporta nila kay Binoe kaya naman natutuwa talaga ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bago kasi ang presscon ng Totoy Bato, kasabay ng unveiling ng giant billboard nito ay nagkaroon din ng photo exhibit sa harapan din ng GMA Network Center. Ang mga larawang ito na nagpapakita ng training ni Robin sa Mountain Province at pictorial ng major cast ng Totoy Bato ay kuha ni Jun de Leon. Kasabay rin nito ang magarbong fireworks display.

PROUD LOLA. Masayang-masaya rin si Mommy Eva dahil pagkatapos ng apo niyang si Kylie, si Queenie ang susunod na mag-aartista. Matagal na panahon daw inalagaan ni Mommy Eva ang mga anak ni Binoe kaya naluluha siya sa tuwa dahil ngayon ay sinusundan na nito ang yapak ng kanilang ama.

"'Yang mga anak ni Binoe, matagal kong inalagaan ang mga 'yan. Nakita kong lumaki ang mga 'yan. Hanggang sa paglipat nila sa Australia, nasubaybayan ko pa rin sila. Pati na ang training nila ng Muay Thai sa Bangkok, e, sumama ako sa kanila.

"Noong unang mag-artista si Kylie sa Joaquin Bordado, ako'y natuwa dahil katulad siya ng ama niyang mahilig sa stunts. Noon pa man, e, maliksi na ang batang 'yan. Pero itong si Queenie, talagang pangarap niyang maging singer at artista. Pinayagan na rin siya sa wakas ni Binoe.

"Noong pinapanood ko nga siya sa stage, ako ay hindi makapaniwala na itong batang ito na dati ay karga-karga ko ay isang dalaga na. At very talented ang mga batang ito. Noong magsabi nga sa akin 'yan na she will be having her first TV show, tuwang-tuwa siya. Ako naman, nakasuporta sa mga gusto nila sa buhay," saad ni Mommy Eva.

Hindi nga raw magugulat si Mommy Eva kung pila-pila ang mga manliligaw kay Queenie dahil lumaking maganda ang panganay ni Robin.

"Noon pa naman, meron nang mga manliligaw ang mga batang 'yan," pambubuking ni Mommy Eva. "Istrikto lang talaga si Binoe at hindi sila pinapaligawan noon. Takot na takot, kasi nga tatlong babae 'yang babantayan niya. Pero ngayon, e, medyo maluwag na siya pagdating sa mga manliligaw ng mga anak niya. Basta ang rules ni Binoe, unahin ang pag-aaral bago ang magkaroon ng boyfriend. At gusto niya na sa bahay sila ligawan at hindi sa kung saan-saan na lugar."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE OTHER SON/DAUGHTER. Tinanong din ng PEP si Mommy Eva tungkol sa isa pa niyang anak—ito ay walang iba kundi si Rustom Padilla na mas kilala na ngayon bilang BB Gandanghari.

Sabi ni Mommy Eva, nagkausap na raw sila sa telepono ni BB pero hindi pa sila nagkikita nang personal. Maganda naman daw ang napag-usapan nila, pero hindi na lang daw niya ito ise-share.

"Kung ano ang napag-usapan namin, sa amin na lang 'yon ng anak ko. Personal na namin 'yon. Ang alam ko kasi ay nasa Batangas siya ngayon."

Dagdag ni Mommy Eva, bilang isang ina, kung ano raw ang pasukin ng kanyang mga anak ay handa niyang suportahan ang mga ito, sang-ayon man siya o hindi.

"Ganyan naman ang isang ina, di ba? Kung ano ang kaligayahan ng iyong mga anak, susuportahan mo. Wala ka namang ibang choice, di ba? Diyan mo maipapakita na tanggap mo ang anumang pasukin at gawin ng iyong anak.

"Balang araw ay magkikita rin kami ng anak kong 'yan. Sa ngayon, okey na yung nagkausap kami at alam kong maayos siya. Lagi ko naman siyang pinagdarasal gabi-gabi," pagtatapos ni Mommy Eva.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN