Michelle Madrigal out to prove she deserves to be one of Richard Gutierrez's leading ladies in Zorro

IMAGE 0


"Pagbigyan sana ako ng mga hindi makapaniwalang puwede akong magbida. Bilang artista, kailangang maging versatile ako at hindi dapat every project, iba ang nakikita ng tao sa 'yo. May mga gusto pa akong ilabas na talent ko at gusto kong i-enhance yun," says Michelle Madrigal.


Nag-last taping na sina Michelle Madrigal at Pauleen Luna sa GMA-7 telefantasya na Luna Mystika. Parehong lambana ang role na tumutulong sa kambal na sina Celestina at Luna, na parehong ginagampanan ni Heart Evangelista.

Nalulungkot si Michelle dahil natapos ang Luna Mystika nang hindi sila masyadong makapag-bonding ni Pauleen sa ibang cast. Ang call time kasi nila ay ala-una o alas-dos ng madaling araw at madalas silang dalawa lang ang magkaeksena.

Kuwento ni Michelle sa PEP (Philippine Entertainment Portal), "Sa studio lang ang shoot namin at isinasama na lang sa show. Hina-harness kami. Masakit, pero ang saya-saya 'pag lumilipad na kami.

"Masaya akong mapasama sa Luna Mystika," patuloy niya, "at ang isa sa magandang naidulot sa buhay ko ng show, nagbati kami ni Pauleen. In between takes, nakakapag-usap kami at pagkatapos naming magkabati, ayaw ko nang makipag-away. Ang hirap ng may kaaway lalo't kasama mo sa trabaho."

Kahit hindi nila nakikita masyado ang mga kasama sa Luna Mystika, napansin namin na close pa rin si Michelle sa ibang cast members. Nagbibiruan sila ni Jace Flores sa last presscon ng show. Bago rin umalis si Heart, nag-usap muna silang dalawa. Masaya ring sumama sa picture-taking si Michelle with the other cast members.

RICHARD'S LEADING LADY. Hindi maghihintay nang matagal si Michelle para masundan ng bagong project sa GMA-7. Kasama siya sa cast ng Zorro bilang isa sa tatlong leading ladies ni Richard Gutierrez; ang dalawa pa ay sina Rhian Ramos at Bianca King. Gagampanan ni Michelle ang role ni Juana. Abangan na lang daw kung ano ang gagawin niya sa Zorro.

Ano ang feeling niya na leading lady na siya at si Richard pa ang makakatambal niya?

"Masaya siyempre!" bulalas ni Michelle. "Natuwa nga kami ni Bianca dahil pareho kaming kontrabida ni Marian Rivera sa Dyesebel; ako sa dagat at siya sa lupa. Ngayon, pareho na kaming bida. Malaki ang role namin ni Bianca sa Dyesebel, pero kontrabida kami. Sa Luna Mystika mabait ako, pero lambana. Itong Zorro ang biggest break ko. Grabe na 'to!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ikinuwento ni Michelle sa PEP na noong una niyang malamang isa siya sa tatlong bidang babae sa Zorro, hindi siya agad naniwala. Kahit tinext siya ng publicist ng Royale Era na si Jun Lalin na magpaganda nang husto sa storycon ay hindi pa rin siya makapaniwala.

"Up to now, hindi pa rin ako makapaniwalang bida na ako at sobrang bigatin ang makakasama ko rito. May Mark Gil, Jaclyn Jose, Sandy Andolong, TJ Trinidad... Kami nina Bianca at Rhian ang mag-aagawan kay Richard. Kara ang name ni Bianca, hindi ko maalala ang name ni Rhian, pero siya ang mala-Catherine Zeta-Jones dito," saad ng Star Circle Quest alumna.

May mga hindi pabor na maging leading lady ni Richard si Michelle, lalo't hindi siya homegrown talent ng GMA-7 at hindi rin nag-audition. Ano ang reaction niya rito?

"Hindi ako nahe-hurt sa kanila. Patutunayan ko na lang sa mga nagdududa na gagawin ko ang best ko sa role na ipinagkatiwala sa akin. Tinanggap ko lang ang trabaho na ibinigay sa akin at nagpapasalamat ako sa management ng GMA-7 sa pagtitiwala nila sa akin," sagot ni Michelle.

Dagdag niya, mag-e-effort siya para ipakitang puwede ring magbida ang mga kagaya niyang madalas kontrabida ang role.

"Pagbigyan sana ako ng mga hindi makapaniwalang puwede akong magbida. Bilang artista, kailangang maging versatile ako at hindi dapat every project, iba ang nakikita ng tao sa 'yo. May mga gusto pa akong ilabas na talent ko at gusto kong i-enhance yun. Kung sa Zorro ang chance na maipakita ko ang iba ko pang talent, suportahan n'yo ako. Pangako, hindi ko kayo bibiguin," wika ni Michelle, na alaga rin ng ina ni Richard na si Annabelle Rama.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN