Pinoy Fear Factor's Fearless 4 answer intrigues and issues

IMAGE 0


(From left) Marion dela Cruz, Manuel Chua, Janna Dominguez, and Jommy Teotico are the Fearless 4 of Pinoy Fear Factor. The winner will be revealed this Friday, February 20.


Sa Biyernes, February 20, ay magtatapos na ang Pinoy Fear Factor: Argentina, South America sa ABS-CBN. Malalaman na kung sino sa tinaguriang Fearless 4 na sina Manuel Chua, Jommy Teotico, Marion dela Cruz, at Janna Dominguez ang tatanghaling El Ultimo Participante at mag-uuwi ng premyong P2 milyon at house and lot.

Mas matitinding hamon ang kinaharap ng Fearless 4 sa huling ronda de eleminacion, na kinabibilangan ng nakakatakot na pagbabaon sa kanila sa ilalim ng lupa, ang pakikipaglaro sa mga makamandag na tarantula, at delikadong car stunt. Sa huli, dalawang participante lang ang maghaharap sa El Ultimo Duelo at ang mananalo rito ay siyang hihiranging El Ultimo Participante.

Habang nagaganap ang mga hamon at elimination rounds ay binigyan ng Pinoy Fear Factor host na si Ryan Agoncillo ng title ang bawat isa sa mga participantes.

Sa Fearless 4, si Manuel ay nakilala bilang si "Supermanuel" dahil na rin sa lagi niyang pangunguna sa mga stunts, kung saan nakapagtala pa siya ng dalawang world records. Siya rin ang tanging participante sa kasaysayan ng Fear Factor na nakapagpahinto ng kabayong kumakaladkad sa kanila.

Si Jommy naman ay nakilala bilang si "Scorpion King" dahil sa pagkain niya ng buhay na mga scorpion, kung saan natusok pa siya ng makamandag na buntot nito na ikinamaga ng kanyang labi.

Si Marion ay tinawag namang "Quintin Tarantahin" noong una dahil sa pagiging matarantahin niya na nakatulong naman sa kanya para manguna siya sa ilang stunts. Nitong huling linggo ng eliminasyon ay binigyan siya ng bagong title ni Ryan na "Kryptonite," dahil siya raw ang maaaring makapagpahina kay "Supermanuel."

Si Janna naman ay nakilala bilang si "Janna Bonana" dahil sa pagdadala niya ng lucky charm sa mga stunts, ang favorite niyang stuffed toy na si Bonbon. Ang bonana raw ay tawag sa isang batang babae.

INTRIGUES AND ISSUES. Sa presscon ng Pinoy Fear Factor na ginanap noong Lunes, February 16, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN, nilinaw ng Fearless 4 sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mga isyung nabuo sa kanila noong nasa Argentina pa sila. Bukod kasi sa mga kinaharap nilang mga hamon, humarap din sila sa mga iringan at iba pang mga banggaan ng emosyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipinaliwanag nina Manuel, Jommy, Marion, at Janna na kung anuman ang nangyaring problema sa kanila sa Argentina ay napag-usapan na nila ito at naayos na nila lahat. Ngayon daw na nasa Pilipinas na sila ay magkakaibigan silang lahat. Lumalabas din sila kasama ang iba pang participantes na nauna nang na-eliminate na kinabibilangan nina Gail, Ram, Phoemela, Jose, Elmer, LJ, RJ, at Savanah.

Kahit anong gawin ng PEP at ng iba pang entertainment press para paaminin sa Fearless 4 kung sino talaga ang nanalo sa kanila ay hindi kami nagtagumpay dahil na rin sa confidentiality clause na kasama sa pinirmahan nilang agreement. Magmumulta raw sila ng limang milyong piso kapag napatunayang inilabas o sinabi nila ang resulta kahit kanino. Kaya kahit sa mga kapamilya, kamag-anak o mga kaibigan nila ay hindi nila puwedeng ikuwento ang mga huling kaganapan sa Pinoy Fear Factor, lalung-lalo na kung sino ang nanalo.

Ipinaliwanag ni Manuel ang tungkol sa tila pag-iba ng personality niya isang gabing nalasing siya, na humantong pa sa pagkakaroon nila ng gusot ni Marion.

"Kasi po, ang tagal na namin sa Argentina, e, kaya gusto naman naming lumabas at magsaya. Malapit na po kaming umuwi noon at 'yon na lang ang chance namin na lumabas at mag-good time. Pero hindi ko po ine-expect na ako po yung mag-spoil sa kasiyahan namin.

"Yun po ang isang bagay na pinagsisihan kong ginawa ko sa Argentina, yung paglalasing ko. Nandun na po 'yon, e, nangyari na. Ang maganda naman doon ay nagkaayos na kami ni Marion, tapos naunawaan na rin ng iba pang mga kasama namin," esplika ni Manuel.

Nilinaw rin ni Marion ang isyu tungkol sa kanyang tunay na kasarian. Dahil kasi sa mga ginawa niyang kalamyaan sa Argentina ay inakala tuloy ng mga tao na siya ay bakla.

"Joke-joke lang po yun. Noong una ko po kasing ginawa yun at nakita kong nag-enjoy yung mga tao sa paligid ko ay itinuluy-tuloy ko na," wika ni Marion.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa niya, kung bakla raw talaga siya, bakit liligawan pa niya si Janna.

In connection sa panliligaw ni Marion, nalaman ng PEP na pagbalik ng Pilipinas ay hindi na natuloy ang panliligaw na ito at naging magkaibigan na lang sila ni Janna. Ang rason ay mas napapalapit na pala si Janna ngayon sa participanteng nakagat ng ahas sa Argentina, si Jose Sarasola. Aminado naman si Janna na simula pa lang sa pagpunta nila sa Argentina ay crush na niya si Jose. Ito raw ang special friend niya ngayon.

"Siya po ang nakatabi ko sa plane. Tapos nakatulog ako sa balikat niya. Actually, hindi ko po alam kasi nakapiring nga kami. Nalaman ko na lang nung tinanggal na yung piring. Umpisa pa lang po kasi, siya na ang crush ko," kuwento ni Janna, na tuwang-tuwa last Valentine's dahil pinag-bake siya ng heart-shaped cake ni Jose, na isang aspiring chef.

Nang tanungin ng PEP kung ise-share ng mananalo ang cash prize sa ibang participantes, heto ang paliwanag ni Jommy: "Nag-usap po kami before pa noong 12 pa po kami, na kung sino po yung mananalo ay manlilibre na lang. Mag-iisip po siguro kami ng outing. At saka bibili kami ng sapatos na pare-pareho kaming lahat."

Bukod sa premyong dalawang milyong piso, nagkaroon din ng dalawang non-elimination stunts na may premyong P50,000 each. At ang nanalo sa mga stunt na ito ay sina Manuel at Jommy.

WILLING TO ENTER SHOWBIZ. Willing naman daw pasukin nina Manuel, Jommy, Marion, at Janna ang showbiz kung mabibigyan sila ng pagkakataon. Matapang din daw nilang haharapin ang mga hamon sa showbiz.

Kung tutuusin, si Janna ay naging guest co-host na ng Wowowee bago pa ang Pinoy Fear Factor. Nakasama na rin siya sa nagtapos ng teleserye na Eva Fonda at pati na rin sa gag show na Banana Split. Isinama rin daw siya ni Direk Lauren Dyogi sa cast ng isang pelikulang gagawin nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wish nga ni Janna na dumami pa ang offers sa kanya. Okay rin daw siya sa pagpapa-sexy at wish niyang maging cover girl ng men's magazines gaya ng FHM.

Ayon naman kay Marion, pumasok na raw sila sa iba't ibang workshops. Gusto raw niyang i-try ang acting, pati na ang dancing at modeling. Pero kung walang mangyayari ay ibang field na lang daw ang papasukin niya.

Si Jommy naman na dating model at swimmer ay gusto ring maging isang artista. Wala na rin daw siyang masyadong hiya pagdating sa pagpapa-sexy dahil sa pictorial pa nga lang daw nila for Pinoy Fear Factor ay naka-trunks na silang mga lalaki. Si Mariel Rodriguez ang gusto niyang maging leading lady.

Matapang naman na sinabi ni Manuel na willing siyang gumawa ng isang kissing scene sa kapwa niya lalaki kung maganda ang script at project. Pero sana raw ay hindi ito ang unang maialok sa kanya dahil baka ma-typecast daw siya.

Flexible daw siya kaya kahit bida, supporting o kontrabida roles ay tatanggapin niya. Gusto raw niyang makatrabaho sina Sarah Geronimo at Bea Alonzo.

Subaybayan ang pagtatapos ng Pinoy Fear Factor sa mga huling gabi nito sa ABS-CBN Primetime Bida pagkatapos ng SNN (Showbiz News Ngayon). Abangan kung sino ang tatanghaling El Ultimo Participante.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN