Kumpirmado na nga ang kasalang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa taong ito. Yun nga lang, kinakailangan pa raw nilang magpakonsulta sa isag feng shui expert para naman sa eksaktong date ng kasal nila.
Nakapanayam ng Startalk si Juday sa ginanap na party para sa Ploning and at the same time, ang announcement na magtatayo sila ng foundation para tumulong sa mga pelikulang lokal na gustong makapasok sa Oscar Awards.
Tinanong ng Startalk si Juday kung hindi raw kaya mas negatibong tingnan ang lantarang pagtutol mismo ng kanyang manager na si Alfie Lorenzo sa nalalapit nilang kasalan ni Ryan?
"Napag-usapan namin, mukhang naiintindihan naman na niya. Ipinangako ko sa kanya na hindi ako mag-aasawa nang maaga just because gusto ko. I think, nasa tamang edad na 'ko. Nasa tamang estado ako ng buhay ko at nailagay ko na sa ayos ang mga taong dapat kong ilagay sa ayos.
"I came to a point na I have to grow at kailangan ko rin magbuo ng sarili kong pamilya."
Nakapanayam din naman ng Startalk ang mismong manager ni Juday na si Alfie at diretsahan nga niyang sinabing hindi siya excited sa nalalapit na kasal ng kanyang alaga.
"Ay, naku! Hindi ako excited sa kasal na 'yan, 'no! Tinatanong ko nga sila. Sabi ko, 'May pambayad na ba kayo sa bahay? Ipinasok n'yo lahat sa bangko, inutang n'yo!' Sabi ko, 'Kung inutang n'yo lang yun tapos magpapakasal kayo, paano kayo makakabayad?' Siyempre, bababa ang mga offer. Kokonti yung mga endorsements, di ba?"
Dugtong pa nito, "'Tapos lahat ng katwiran nila, matanda na naman siya, 31 na! Hindi ko naman pinapakialaman ang pera niya pero yun ang fear ko. Sinasabi nga ni Juday, meron naman po kaming ipon. Pero, hanggang saan? Hanggang pang-ilang anak?"
Ngunit hindi raw kaya ang puno't dulo ng pag-ayaw na ito ni Alfie ay dahil siya ang sinasabing the last to know sa mga plano ng alaga?
"Parang I'm out of the picture. Yun lang ang kinabubuwisit ko. Kung anuman ang nararamdaman ni Mommy Carol [Juday's mom], yun din ang nararamdaman ko. Sinasabi nilang, 'You will gain a son-in-law.' Hindi! 'I will lose a daughter!'
"Hindi naman nila 'ko sinama sa plano nila, e."
Katwiran naman ni Juday sa bagay na ito, "Hindi sa itinatago namin sa mga tao. Wala pa talaga. Kahit sino pa sa inyo, puwede po kayong magtanong sa mga simbahan kung naka-rehistro po kami, pero, hindi po talaga.
"Siguro, naiisip lang ni Tito Alfie na parang ang dami na kasing announcement na nagagawa, pero wala pa rin kaming nilalapit sa kanya. So, maybe, he was thinking na itsa-puwera siya."
Sa interview nga ng Startalk pa rin kay Alfie, sinabi nga nitong naitsa-puwera siya.
Pero sabi naman ni Juday, "Hindi puwedeng mangyari yun kasi... Hindi talaga! Parte siya ng buhay ko. Napaka-ingrata ko naman kung hindi ko siya isasali rito sa wedding."
Tuloy, tila ang plano na lang daw ni Alfie ay ang magpunta sa ibang bansa.
"Sabi ko nga, mag-i-stay na lang ako sa New York throughout the month of May. Ikasal man sila, at least, hindi ko nakita."
Kaya sabi tuloy ni Juday, "Napi-pressure ako sa mga taong sumasama ang loob sa akin! My God!" nakangiti pero halatang seryoso nitong pahayag.
