Kalat sa mga tindahan at sa iba't ibang sulok ng bansa ang D’ Original Tipas Hopia.
Isa itong magandang indikasyon na may demand sa kilalang panghimagas at meryendang ito.
Bukod sa masarap, kilala ang naturang hopia brand dahil sa iba’t ibang flavors nito, tulad ng munggo, ube, pandan, at yema. Mayroon din itong pastillas flavor, pati na rin ube pastillas, chocolate pastillas, at marami pang iba.
Sinong mag-aakala na mula sa puhunang PHP500 ay lalago ang business na ito na ine-export din sa ibang bansa?
Read: Bakeshop in Pampanga sells 8K-10K pieces of cheese bread a day
THE START OF TIPAS HOPIA
Nagsimula ang kuwento ng D’ Original Tipas Bakery noong 1965.
Nagtayo ang mag-asawang Pedring at Belen Flores ng isang bakery noong ‘60s sa Ibayo-Tipas, Taguig City.
Tipikal ang mga produkto nila noon tulad ng pandesal, monay, at iba pa. Pero wala pang hopia.
Sabi ng 95-anyos na si Belen, siya ay 19 anyos lamang noon.
Pagsapit ng 1988, sinubukan ni Belen na gumawa ng hopia.
Ang lola raw niya noon ay bumibili ng hopia na hugis parisukat.
“Ang ginawa ko, nag-ano ako ng hopia… sarili. Kasi iba naman ang aking ginawa.
“Naging mabili kaagad. Lahat ng gawin ko ubos araw-araw,” aniya sa Kada Umaga na morning talk-show ng Net 25.
Sinimulan lang niya ang paggawa ng hopia sa halagang PHP500 para sa mga sangkap. Kalaunan, ito ang pumatok sa kanyang bakery.
Sa simula, hopiang munggo lamang ang flavor ng kanyang produkto.
Sa kasalukuyan, marami na itong varieties na pumapatok sa panlasa ng customers.

DIFFERENT FLAVORS OF HOPIA
Ikinuwento naman ng anak ni Belen na si Alicia Flores Sta. Ana kung paano nagsimula ang paggawa nila ng iba-ibang flavors ng hopia.
“Because the original flavor is munggo and then we created, we formulated the ube, the hopiang baboy... And from then on, we continued to innovate into different variants.
“Kasi yung mga suki naghahanap sila ng mga ibang flavors. So from the munggo, the ube, the hopiang baboy, there came the pastillas and the yema hopia, and the variety of variants of hopia.
“We cater to our customers as long as it’s acceptable to the market. We continue to innovate and produce various variants.”
Read: Tix Dula-Laurel: The Woman Behind the Success of Goto King
THE SUCCESS, THE CHALLENGES
Kuwento pa ni Belen, naging matalino siya noon sa paghawak ng pera nang pumatok ang kanyang hopia business.
Tiniyak niyang matuturuan nang tama ang mga anak sa paghawak ng negosyo at pera.
Bumili si Belen ng mga lupa at tinatayuan niya ito ng bakery para sa mga anak.
Sabi ni Alicia, ang unang binili ng kanyang ina ay mga sasakyang pang-deliver ng kanilang produkto, at para lumawak ang reach ng kanilang hopia business.
“After makapundar siya ng mga sasakyan, mga lupa. Bumili siya nang bumili ng lupa. Kaya kaming magkakapatid, napamanahan niya ng kanya-kanya naming puwesto ng aming bakery,” ani Alicia ukol sa ina.
Pagdating naman sa negosyo, natutunan ni Alicia at ng kanyang mga kapatid sa kanilang mga magulang ang pagiging matipid at matiyaga.
May mga hamon na pinagdaanan din ang kanilang negosyo, tulad ng problema sa puhunan.
Ang isa pa nilang problema noon ay ang pagsulpot ng fake hopia na ginagamit ang kanilang packaging.
“Especially sa Middle East. Maraming nagsulputan na fake products, ‘tapos kami yung narereklamo because of that fake products,” ani Alicia.
Hindi naman nabanggit ni Alicia kung patuloy pa nilang nararanasan ang problemang ito.

ADVICE TO KIDS
Dahil sa katandaan ni Belen, sina Alicia na ngayon ang nagma-manage ng D’ Original Tipas Bakery.
Pero sa pamamahala ng business ay bitbit nila ang mga itinuro ng mga magulang.
“Kailangan mahalin daw namin yung mga tauhan namin kasi sila yung bumubuhay sa amin. Sila yung nagwo-work. Yung hard work nasa kanila.
“Yung dedication nila hindi naman matatawaran.
“So ang sabi ng mother ko and also my father, mahalin ninyo ang hanapbuhay ninyo sa pamamagitan din ng pagmamahal sa mga tauhan ninyo.”
Sa mga nagnanais magtayo ng negosyo, ibinahagi ni Alicia ang payo sa kanya noon ng kanyang ama.
“Ang laging sinasabi ng father ko, if you want to put up a business, find the need and then supply the need.
“Kung ano yung need ng community, hanapin mo siya and then supply that need. ‘Tapos, ‘yon, magbu-bloom na yung business mo.”
