Sa huling biyahe ni Charice Pempengco papuntang U.S., sinabi niya na magkakaroon siya ng song number sa post-party ng katatapos lang na Oscar Awards sa Hollywood, California. Ngayong nasa bansa siya uli ay masaya niyang ikinuwento sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ang magandang experience niya roon.
"Masaya ako, marami akong na-meet na mga celebrity. Yung favorite actresss ko na-meet ko na, si Ms. Kate Winslet, super-sigaw ako nang makita ko siya!
"Tapos si Ms. Paris Hilton, napapanood ko lang siya palagi at napakakontrobersyal niya. Ang dami ngang issues sa kanya, so ine-expect ko na siguro masungit siya kasi mayaman, maarte, makikita mong sosyal siya. Pero nung kinausap niya ako, super bait siya tapos nagpa-picture pa siya sa akin. Big fan ko raw siya at gusto niya raw akong iuwi kasi ang liit-liit ko raw. Mabait talaga siya. Super happy ako na na-meet ko siya," kuwento ni Charice.
Parang ginagawa na lang na Quiapo ni Charice ang U.S. Ilang araw nga lang ang bibilangin ay balik-States uli si Charisse dahil sa international album na tinatapos niyang gawin doon.
"Nag-start na akong mag-recording. Na-record ko na yung single ko titled 'Fingerprints,' original yun under Warner Bros. Babalik ako ng States uli para ipagpatuloy ang recording ko. Hopefully ma-release siya by May and kasabay nun yung concert namin sa Mandalay Bay. Hindi pa sure kung sino-sino ang makakasama ko, but may mga makakasama akong new artists din," pagbabalita ni Charice.
CHARICE VS. SARAH. Hindi naman maiwasang maikumpara at pagsabungin kung sino ba ang sikat at mas magaling kina Charice at Sarah Geronimo. May mga ilang artikulo na lumabas na nagsasabing insecure diumano si Sarah sa kung anuman ang kasikatan at achievements na natatanggap ni Charice.
Walang duda na nakuha na ni Sarah ang pulso ng masang Pinoy. Patunay nito ang kanyang titulo bilang Box-Office Queen dahil sa tagumpay ng mga pelikula niyang A Very Special Love at ang sequel nitong You Changed My Life. Sold out din ang concerts niya at bestselling ang mga album niya.
Sa international music naman ay nakagawa na ng sarili niyang pangalan si Charice. Mula sa guesting niya sa mga programang Oprah at Ellen hanggang sa performance niya sa post-party ng Oscar Awards this year.
Pero nilinaw ni Charice na walang dapat maging issue sa kanilang dalawa ni Sarah, lalo't malapit naman sila sa isa't isa.
"Kung mataas ang respeto niya sa akin, mas mataas ang respeto ko sa kanya," sabi ni Charice. "I mean, si Ms. Sarah Geronimo na 'yan, idol ko 'yan, nandiyan na siya sa top. Kapapanod ko pa lang ng movie nila ni John Lloyd [Cruz], kinilig talaga ako kaya natawa na lang ako kapag may mga isyu na ganyan, kasi super idol ko talaga si Ate Sarah.
"Saka napakabait ni Ate Sarah. Kapag hindi ko siya nakikita, nagugulat ako na siya pa ang bumabati sa akin. Masasabi ko talaga na close kami, okey kami. Sa lahat ng bumabatikos sa akin, sa amin, wala, tinatawanan ko na lang yun. Thank you na lang, at least napansin ninyo kami."
