Matapos ang libing kay Francis Magalona nung Miyerkules (March 11) ng pananghalian, minabuti ng TAPE, Inc. boss na si Malou Choa-Fagar na magdaos na rin ng maikling press conference sa mismong tent sa burial place ni Kiko sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.
Kinonsidera rin kasi ni Ms. Malou ang mga press people na naroon na gustong makapanayam ang biyuda ni Francis na si Pia Arroyo-Magalona at pati na rin ang mga anak nila ng yumaong Master Rapper.
Una muna ay nagpasalamat si Pia sa pagtulong at pakikiramay ng mga taong nagmamahal kay Francis.
"I would like to thank all the people who love Francis M so much and gave their prayers most especially for him, dahil yun ang pinakaimportante, whether or not he was getting better. Basta lagi siyang may dasal na kasama, masaya na kami do'n," pahayag ni Pia sa harap ng mga nag-iinterbyung press people, kabilang na ang PEP (Philippine Entertainment Portal).
Para kay Pia at sa kanyang mga anak, tuloy lang daw ang buhay kahit wala na si Francis. "We already have a set routine and na-guide naman ang mga anak namin ng kanilang ama sa pinakamabuting kaalaman niya.
"As I have mentioned in the eulogy last night, there was a time Francis was lost. Just like anyone, marami rin siyang pagkakamali. Pero there came a time na binago niya ang mga pagkakamali niyang iyon at naghanap siya ng tulong mula sa mga nakakaalam talaga. It was so many years back, nagustuhan niya kasi talaga ang pagiging ama niya, nagpunta pa siya sa mga fatherhood seminars para lang magampanan at his best ang pagiging ama niya. And I want to thank him for that, dahil as you see, fast-forward to today, nawala na rin siya pero nandoon pa rin sa mga anak niya yung kung paanong pinagbuti niya [ang sarili niya mula] sa mga pagkakamali niya."
May ibinilin ba si Kiko sa kanya na tipong mga bagay na naiwan nito na dapat ay ituloy ni Pia?
"Sa akin, no, wala naman," sagot agad ni Pia. "But every day, with all our years together, sinabi lang niya na maraming salamat sa pagpapalaki sa mga anak namin and I treasure that so much dahil kahit na sabihin yan ng ibang tao, pero pag nanggaling yun sa mismong ama ng mga anak mo, sa asawa mo, siyempre, napakaimportante nun para sa isang ina, para sa akin. Dahil alam ko na na-appreciate niya talaga yung pagpapalaki ko, as a mother, including him as my partner. Ipagpapatuloy ko pa rin kung ano yung values na nakuha namin sa isa't isa."
PILLAR OF STRENGTH. Sa nakikita ng mga tao kay Pia, isa siyang matatag na ilaw ng tahanan, na matapos sumuong sa matinding pagsubok ng pagkakaroon ng asawang unti-unting iginupo ng karamdaman ay hindi pa rin nakikitaan ng pagkabalisa o panghihina ng loob sa ngayo'y mas matinding paghamon ng pagpapalaki at paggagabay sa mga naiwang anak ni Francis sa kanya. Bilang ngayo'y haligi ng lakas ng naiwang pamilya, paano nga ba binibigyan ni Pia ng sari-sarili nilang lakas ng loob ang mga anak nila ni Francis ngayong mag-isa na lang siya sa paggabay sa mga ito?
"Yun na nga ang sinasabi ko na growing up, gano'n ang palaki namin. As a mother, I'm just their guide. Parang...ang ginagawa namin talaga na pagpapalaki is, habang maliliit sila, consistent talaga kami talaga sa lahat. Kasi naisip ko rin na later on pag hindi ko ginawa yun, ako rin ang mahihirapan. So, nakita ko ngayon na ito ang worst dagok na nangyari sa aming buhay—siyempre nawalan sila ng ama, nawalan ako ng asawa—pero nakikita ko na napakaganda ng product ng pag-guide namin sa kanila and I'm very proud of my children.
"And not to say na kailangan nilang maging katulad ko na ganito [malakas ang loob], iba kasi talaga yung sa 'kin, dahil nanggagaling naman yun sa... magkasama naman kami ni Francis for more than 20 years, so every day, alam namin yung pag-iisip namin sa isa't isa, so wala kaming hindi nagawa o nasabi sa isa't isa. So, nakikita yun sa mga anak namin. Pero siyempre, may sari-sarili silang damdamin and I have to configure yun," mahabang paliwanag ni Pia.
WHAT GOD GAVE FRANCIS. Sa isang banda, mabuti nga rin daw at hindi biglaan ang nangyaring paglisan ni Francis. Hindi raw tuloy naging masyadong mabigat para kay Pia at sa kanilang mga anak ang nangyari.
"Looking back, sabi ni Frans, pinaka-worse [that could happen to him] could be a heart attack. Parang kasi biglaan yun. And then leading to this day, andami niyang mga kaibigan, kakilala o ka-batch, or even sa industriya, di ba pag namatay ka 'tapos babalitaan niya ako na, wala na yung taong yun, lalo na kung heart attack or aneurysm, sabi niya napakabigla nito... I'm very happy na, ang pagkakuha sa kanya ng Diyos is, in a way, there was transition. Ibibigay lang talaga ni God kung ano ang kaya mo, and yun [his sickness and death], kaya talaga ni Frans."
May mensahe ba si Pia sa mga fans ni Francis?
"My message is more of, they should see Francis for his love for his country. It all falls into place na he loves himself as a person, as a citizen of the country, and he just wanted na makagawa siya ng kabutihan para sa bayan because sabi niya pag minahal mo ang bayan mo, everything will follow. And that follows na maging mabuting magulang kasi hindi lahat naman porke't nagkaroon ka ng anak, e, magulang ka na talaga. Kailangan talagang i-take mo yun na isa sa pinaka-trying na trabaho para sa isang tao. Hindi dapat yun tine-take for granted. Kailangan talaga namo-mold ang mga anak mo kung gusto mo talagang maging mabuti silang citizen din ng bansa. Kasi lahat naman, nagkakamali tayo, ang importante naman kung paano ka nakakabangon sa mga pagkakamali na iyon."
Binigyan ng military honors si Francis ng Philippine Army, para saan ba ang parangal na iyon?
"For patriotism? Services, I guess. The ROTC [Reserved Officers Training Corps of the Philippine Army], they said they gave the honor specifically for his patriotism."
Anong imahe ba ni Francis ang gusto ni Pia na maimprenta sa utak ng mga tao?
"Bahala na ang tao kung ano ang gusto nilang makita kay Francis. Ayoko namang ako pa ang magsabi kung ano si Francis. Yung kabutihan ang example niya. More as a person, as a friend, as a father, as a husband, as a worker. His professionalism. Yun lang ang gusto niyang makita ng mga tao sa kanya."
ONE LOVE. Tinanong naman ng press si Maxene kung ano ba ang naging mensahe niya sa kanyang yumaong ama. Kahit na namamalat bunga ng halos walang-tigil niyang pag-iyak sa burol ng ama, nagsalita pa rin si Maxene.
"I just told my dad na I love him and I will always miss him. And that I will try my best to accept this, so, that I could be strong and be there to help my mom and my brothers and sisters in this very difficult time."
May ibinilin ba naman sa kanya si Francis bago ito namayapa?
"Wala naman. Ever since naman nung nandito pa si Papa yun din naman ang lagi niyang sinasabi na wag kaming laging nag-aaway, kasi laging nasasaktan si Mom pag nag-aaway kaming magkakapatid. Kaya sana, hindi na mag-away ang magkakapatid.
"And kahit na nga simpleng bagay lang...what happened here, kung ano man ang nangyari kay Papa, may maidudulot na mabuti para sa aming pamilya. Na lahat kami magtutulung-tulungan. In one love, yun nga ang sabi ng dad ko. And it starts with the family. Kung mahal nyo ang isa't isa sa family nyo, mas magiging mabuti yun, pag lumabas ka na sa real world, ika nga ng dad ko, pag lumalabas ka na, pag nagtatrabaho ka na, magiging mabuti kang Pilipino pag kaya mong mahalin ang sarili mo at ang pamilya mo ng buung-buo. Mamamahal mo rin ang bansa mo at ang kapwa mo Pilipino."
May plano ba si Maxene na ipagpatuloy ang mga adhikain ng ama niya?
"Yeah, lahat naman kami gusto naming ipagpatuloy kasi feeling namin tapos na talaga ang mission ni Papa here kasi ang dami na niyang ginawa. Pero lahat talaga kami inspired. How he lived his life really inspired each and everyone of us. So gagawin namin yun. We'll try to do everything that we can with our lives and live our lives to the fullest. And sana gawin din yun ng lahat ng mga sumuporta sa kanya kasi yun lang naman talaga ang gusto niya. Sabi nga ni Mama, maging inspirasyon si Papa. So, papa wherever you are right now, I love you, we all love you so much. We will miss you forever. Thank you."
NATIONAL ARTIST AWARD. May mga grupong nagtataguyod na gawaran ng National Artist award si Francis, ano ang masasabi ni Pia rito?
"Well, I have not been formally told of that, but whatever. Aabot din naman sa akin yun kung talagang meron mang plano ang mga tao na gano'n. Pero ang sa akin, gusto ko lang iano na kung ano lang yung in-honor naming na miyembro siya ng kung anong club, yun lang ang legitimate. Kasi yung iba, na hindi naman nagdudulot ng kabutihan, na nagke-claim na miyembro siya [Francis] ng mga grupo nila. Ako lang po yung may authority na magsabi kung saan siya. Yun po ay yung mga grupong nagdudulot ng kabutihan, yun lang po ang mga samahan na kanyang sinalihan. Very few lang po naman tulad nung Camera Club, sa music the FILSCAP [Filipino Society of Composers and Publishers]. Anything that has to do with gangs, hindi po siya miyembro. So sana po ipamalita n'yo yun na hindi po siya member ng kahit na anong gang."
DON'T BUY PIRATED. Sa puntong ito, pinagsalita na rin ni Pia ang anak nila ni Kiko na si Francis Jr. tungkol naman sa mga naglalabasang pirated merchandise ng FMCC (Francis Magalona Clothing Company) na clothing line ni Kiko.
"Gusto ko rin sabihin tungkol dun sa mga merchandise na illegitimate, sana hindi nyo i-patronize ang mga iyon dahil hindi iyon nakadudulot ng mabuti para sa aming pamilya. Gusto talaga ng dad ko na may quality talaga't may kagandahan talaga yung mga produkto. Hindi lang basta yung gagamitin lang yung pangalan niya para lang makakuha ng profit sa binebenta nila."
Marami na raw kasi ang mga naglabasang pekeng FMCC merchandise sa kung saan-saan. Kaya susog ni Pia tungkol sa mga puwedeng pagbilhan ng mga original FMCC products, "Ang legitimate branches kasi talaga ng shirt company niya—which his partners talaga ang involved and hindi ako ang diretsong kasali dun—Broadway Centrum ground floor, of course, just below Eat Bulaga!, Macapagal Avenue, Robinsons Imus, Robinsons Galleria and then there will be soon sa Metro East. Kasi he's really against piracy."
Tinapos na ni Ms. Malou ang presscon pagkatapos magsalita ni Pia para naman makapagpahinga na't makakain ng lumipas na ngang pananghalian.

