At 21, gusto nang mamuhay nang malaya ni IC Mendoza mula sa pangangalaga ng kanyang inang si Dolly Anne Carvajal. Ayon kay IC, noong 17 years old pa lang siya ay gusto na niyang magsarili para matuto siya sa buhay.
"Hindi naman ako aalis for good, ita-try ko lang for summer," sabi ni IC sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kung magustuhan, go! E, mommy ko, sobrang supportive naman. Two months lang naman, hindi ko pa sure pero malamang doon pa rin papunta.
"Na-inspire ako doon sa friend ko na nagso-solo and kaya niya. Alam mo 'yon, e, I'm earning na naman and okay naman yung kita ko ngayon. So, it's about time na maging responsible ako, hindi lang physically kundi pati emotionally na stable din dapat ako. So, masaya, masaya ang lahat. 'Saka, ang saya-saya kaya ang mag-solo!"
Sa desisyon niya bang ito ay talagang gusto ng mommy niya o baka nakakaistorbo lang si IC sa lovelife ng mommy niya?
"True, oo! Oo, istorbo ako sa kanya! Joke! Hindi, joke. Siyempre, hindi naman kailangan forever kang kasama, di ba? Di naman paalis ako o punta ako ng abroad kasi isang [sakay lang ng] taxi, nandoon na siya agad. So, kailangan ko lang ng space, alam mo 'yon? On my own, di ba? Saka, I'm growing up na rin."
Medyo may kontradiksyon ang gagawin ni IC dahil may mga magulang na masaya sa pagkakaroon ng anak na bakla dahil sila ang anak na hindi mang-iiwan habambuhay.
"Hindi ko naman iiwan, lilipat ako ng bahay," paglilinaw niya. "Suwerte pa rin si Mommy sa akin and paninindigan ko 'yan hanggang tumanda ako. Ganun pa rin naman ako."
Pagtanda ba ng mommy niya ay ilalagay niya ito sa home for the aged?
"Siguro, kukupkupin. Kukupkupin siguro. Siyempre, kailangan naman 'yon. Ang ingrata ko naman kung hindi ko gawin 'yon!"
Sa ngayon ay dalawang pinagpipilian ni IC na lugar para malipatan, na malapit lang sa tinitirhan ng kanyang ina. Aniya, "Sampung tumbling, andun na siya! Malapit lang."
May plano ba siyang makipag-live-in kaya gusto niyang lumipat?
"Hindi naman. Hindi, wala namang-live in. Ako lang, pero parating may guest, celebrity guest, joke! Hindi lang naman para ako lumandi. Para din matuto akong magbabayad ng bills ko, ako ang bibili ng pagkain ko, mag-ayos ng gamit ko... Gusto ko 'yon, siyempre."
Speaking of "celebrity guest," hindi ba siya aware sa mga nangyayari sa ibang mga bading na pinapatay ng "guests" nila?
"Hindi naman ako kumukuha ng ganun!" tawa niya. "Kasi ako naman, may boyfriend naman ako, isang lalaki lang naman. Hindi sa nagpapaipokrita ako, siyempre lahat ng mga bading dumadaan sa mga phase na ganyan. Pero for me, kung may gagawin kayong kalandian, kailangan marami kayong magkakasama at kailangan kilala ninyo yung guy at saka huwag kayong kuha nang kuha kung saan-saan. Honestly!"