Nakita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na nakasaklay si Dennis Trillo nang dumating siya sa GMA Network Center kahapon, April 3. Natuloy na ang knee operation ni Dennis sa St. Luke's Medical Center noong Tuesday, March 31.
Nagpa-admit si Dennis noong gabi ng March 30 at kinabukasan ang kanyang operasyon. After his operation ay nakalabas na siya ng ospital para sa bahay na siya magpagaling.
Kuwento ni Dennis, okey naman ang pakiramdam ng right knee niya pagkatapos ng operasyon. Inamin ng aktor na hindi niya pinansin noon ang nararamdaman niyang sakit sa kanyang tuhod dahil naging sobrang busy siya sa taping ng Gagambino. Noong matapos ang taping nitong telefantasya, doon niya napansing hindi na maayos ang paggalaw ng kanyang right knee.
"Nagkaroon ng torn ligament sa likod ng right knee," simula niya. "Nagkaroon kasi ako ng masamang bagsak before sa taping ng Gagambino. At first, sumakit siya pero biglang nawala kaya I thought na napasaan lang ako o simpleng pilay. Yun pala, may naputol na palang ligament.
"Kaya after the operation, I will undergo therapy para maging mas maayos pa ang galaw ng tuhod ko. Importante na maayos na paggalaw ng tuhod kasi 'yan ang tumutulong sa pagbalanse at galaw ng katawan natin. Mahilig pa naman ako mag-biking kaya pahinga muna tayo doon habang in therapy ako," saad ni Dennis.
Wala pang sinisimulan na bagong TV project si Dennis kaya okey lang na nagawa na ang operasyon sa tuhod niya. Bale ang SOP lang ang show niya ngayon. Pero ilang weeks din daw siyang hindi mapapanood doon dahil kailangan niyang ipahinga ang tuhod.
"Blessing na rin na hindi pa ako nakakapagsimula ng bagong project kasi baka ma-delay lang ang taping or shooting dahil sa nangyari sa akin. This will give me enough time na magpahinga and to get better. Gusto ko, pagbalik ko, malakas at maayos na ako. Ready to work na ako in a few weeks," saad ni Dennis.
BONDING TIME WITH CALIX. Ang maganda raw nito ay magkakaroon siya ng maraming time na makasama ang anak niyang si Calix Andreas. Ang dating girlfriend ni Dennis at ina ng kanyang anak na si Carlene Aguilar daw mismo ang maghahatid kay Calix sa kanya.
"Si Calix na ang bibisita sa akin sa bahay," ngiti ni Dennis. "Mas marami na akong time with him kasi semi-vacation muna ako sa trabaho. Excited ako kapag kasama ko si Calix. Magiging source siya ng paglakas ko kaagad.
"Nitong mga nakaraang buwan naman, lagi kaming magkasama and maganda na ang bonding naming mag-ama. Marami na akong nadi-discover na pagkakapareho naming dalawa.
"Unang-una, we both love loud music kaya pinapabayaan ko si Calix na mag-drums nang malakas. Gano'n din kasi ako noong bata ako. Hindi ako mapigilan na mag-ingay.
"Tapos, may mga instances na nahuhuli ko si Calix na tinitingnan niya ako kapag nag-iingay siya. Siguro iniisip niya na nagagalit ako sa ingay niya. Pero kapag nakita niyang nakangiti ako, itutuloy niya ang ingay niya. Nakakatuwa talaga siya," kuwento ng proud daddy.
Bago inoperahan si Dennis ay natapos niya ang shooting ng indie film na Astig, na iprinodyus ni Boy Abunda. Nakatakda rin niyang gawin ang melodrama na The Other Man at ang suspense-thriller na Tarot with Marian Rivera.
May gagawin din siyang isang afternoon drama series, pero hindi pa raw sure kung alin sa mga bagong na-acquire na titles ng GMA-7.