Nahingan ng reaksiyon ng dating talent manager na si Jojit De Niro hinggil sa lumabas na interview ni Jordan Herrera na lumabas dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong April 15. Tungkol ito sa naging pahayag ng aktor na wala siyang naging karanasan sa mga bading. (Click here to read related article.)
Sa showbiz, "open-secret" ang naging relasyon nina Jojit at Jordan.
"Actually, maraming nagte-text na friends ko and some reporters na kaibigan natin, at saka yung mga bading na naka-affair niya na naging kaibigan ko din. Nag-react sila totally, pero ako, hindi talaga. Kasi hindi ko naman nababasa. Saka hindi ko narinig 'yan," umpisa ni Jojit nang makausap siya sa radio program na Wow! Ang Showbiz! sa DWIZ kaninang tanghali, April 17.
"Ako, siguro I don't know his reason why he's telling that," patuloy niya. "Matagal na rin itong nangyari. And I haven't seen him for more than two years."
Naka-move on na ba siya?
"Yes, totally po," sagot ni Jojit, na dati ring singer at nagpapadala ng mga talent sa Japan.
Bakit may ganoong statement si Jordan?
"Hindi ko alam," aniya. "What's funny is yung kasama ko kagabi, isa yun sa mga naging... Yun ang nag-react totally. Ako, natatawa lang. Sana hindi na lang siya nagsasalita ng mga gano'n. Or maging constructive na lang o maganda yung sasabihin niya. Unang-una, yung mga nandodoon, mostly reporters."
Mahal pa ba niya si Jordan?
"Hindi na."
May gusto kayang protektahan si Jordan sa naging pahayag niya?
"Gusto niya sigurong protektahan yung sarili niya, kung may natitira pa," diretsang sagot ni Jojit. "I don't know kung caught unaware siya sa mga questions na ibinato sa kanya. Sana tiningnan ni Rommel [Placente, ang sumulat ng article] kung nag-total blush siya. Kasi ganyan 'yan 'pag nasusukol 'yan, nagba-blush.
"Ang sa akin lang naman, mula nang pumasok siya [Jordan] sa showbiz, ang dami-dami nang nababato sa kanya na mga ganyan, hindi pa ba siya nasanay? E, ngayon, kasabihan nga, if you have nothing good to say, keep your mouth shut. Baka naman gusto niyang magsalita ng gano'n, gusto niyang mapag-usapan siyang ulit."
Hanggang ngayon ba ay tinutulungan niya pa rin ang pamilya ni Jordan?
"Yung anak niya kasi na pangalawa, inaanak ko 'yon. Pangalawa, sa second wife. Saka yung sa pangatlo. Well-off naman yung naging asawa ni Jordan. Nag-migrate sila sa States. Hindi mo naman mapuputol yung relasyon ko sa mga anak niya at saka do'n sa immediate family member niya."
Aminado naman si Jojit na minahal niya nang todo si Jordan. Hindi lang daw siya sigurado kung ganoon din sa kanya ang aktor.
"Kung magkagano'n man, basta I gave everything I could possibly give him. Pero kung hindi, kung hindi ka naman niya minahal, problema niya na 'yon."
May message ba siya kay Jordan?
"Nothing. I can say na ayoko siyang makita. Ayoko siyang makausap."
May mga bagay ba siyang gustong bawiin sa aktor?
"Yung mga iba, kasi pag bigay, bigay na 'yan, e. Meron kasing nakapangalan pa sa amin. Dapat siguro ayusin na 'yon. Para mawala na. Wala nang komunikasyon. Wala nang problema," sabi ni Jojit.
Panonoorin niya ba si Jordan sa Kambal sa Uma, kung saan kasama sa cast ang aktor?
"Kasi nanonood ako ng Channel 2 magmula 6:30 pataas, e. So, 'pag makikita ko na siya, patayin ko na yung TV," sagot niya.
Nakatatak pa rin ba si Jordan sa puso niya?
"Matagal nang hindi."