In character sina Michael V at Ogie Alcasid bilang sina Yaya at Angelina nang humarap sila sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa presscon ng bagong game show ng GMA-7 na Hole In The Wall. Ginanap last Friday, April 17, sa Studio 7 ng bagong building ng GMA Network ang presscon.
Nag-originate sa Bubble Gang sina Angelina at Yaya, at ngayon nga ay kinuha na rin sila bilang hosts ng Hole In The Wall, na mapapanood sa GMA-7 mula Lunes hanggang Biyernes bago mag-24 Oras, simula bukas, April 20. Masusundan pa ito ng pagbibidahan ng dalawa sa pelikula under GMA Films at APT Productions.
ACTING AS YAYA. Napuno ng tawanan ang presscon during the question-and-answer portion dahil tila hindi sineseryoso nina Michael V at Ogie ang mga tanong ng press noong una. Bagama't sinasagot naman ng dalawa ang mga tanong, may halo pa rin itong comedy.
"Huwag na kayong umasang maganda ang mga sagot namin ngayon dahil puro kami kalokohan! In character kasi kami ngayon!" paunang sabi ni Michael V habang nasa karakter ni Yaya, na ikinatawa ng press.
Tanong ng PEP, sikat na sikat na sina Angelina at Yaya, paano ba nila hina-handle ang kasikatan?
"Sa amin naman, hindi kasi importante yung kasikatan. Ang importante, yung makapagbigay kami ng kaligayahan sa bansang Pilipinas," sagot ni Yaya.
Bilang mga hosts ng Hole In The Wall, nasubukan din ba nila ang mga ginagawang pagsuot ng mga contestants sa hole?
"Isa iyan sa mga sorpresang inihanda namin para sa televiewers ng Hole In The Wall. Kaya dapat abangan n'yo talaga 'yan. Hindi ko masasabing hindi dahil...hindi ko alam, e. Pero abangan n'yo, may mga surprise kaming nakahanda at may mga challenges na specifically for Angelina at Yaya," wika ni Yaya.
Excited nga si Yaya sa Hole In The Wall dahil sa kakaibang konsepto nito. Kailangan kasing makapasok ang grupo ng tatlong contestants sa isang wall na may nakakorteng butas. Kapag hindi nagtagumpay makapasok sa butas ang contestants ay mahuhulog sila sa tubig. Ang winners ay maaaring manalo ng at least P50,000 sa elimination round at another P50,000 sa bonus round. Ang premyo sa bonus round ay palaki nang palaki hangga't hindi ito napagtatagumpayang makuha.
"Kung ganun katanga ang lahat ng contestants namin, aabot siguro ng P7 million ang premyo namin!" biro ni Yaya.
NOT OFFENDING TO NANNIES. After ng Q&A, bagamat naka-costume pa rin as Yaya, matino na ang mga sagot ni Michael V nang makausap na siya nang harapan ng PEP at ng ibang press. Unang tanong ng PEP sa kanya ay kung hindi ba makaka-offend sa mga yaya ang karakter niya bilang Yaya ni Angelina?
"Hindi, hindi ito makaka-offend sa mga yaya. Biruin mo, yaya nakikita sa TV shows at pelikula na bida, di ba? At saka may sarili kaming censorship sa Bubble Gang. We are aware kung ano lang ang puwedeng gawin at sabihin ni Yaya on air."
Ano ba talaga ang totoong pangalan ni Yaya?
"Rosalinda," sagot ni Michale V. "Unti-unti na naming iniri-reveal 'yan. Pero yung apelyido niya, sa pelikula na namin ire-reveal."
Paano niya ide-describe si Angelina bilang alaga ni Yaya?
"Si Angelina kasi, parang representative ng mga kabataang may itinatagong naughtiness at saka pagiging mischievous. Tuloy, lagi niyang naiisahan si Yaya. Pero si Yaya, very loyal pa rin at loving kay Angelina kahit nga lagi siyang naiisahan."
Okay lang ba sa pamilya niya na madalas ay babaeng character na ang ginagampanan niya?
"Okay lang naman sa kanila. Naiintindihan naman nila na role lang ito, trabaho lang ito. At saka dahil sa trabaho kong ito, nakabili na kami ng bahay, ng kotse, at saka nakapaglaro kami ng golf ni Ogie!" patawa ni Michael V.
BEST FRIEND OGIE. Masaya rin si Michael V na ang best friend niyang si Ogie ang kasama niya sa Hole In The Wall. Tulad kay Ogie, itinanong din ng PEP kay Michael kung bilang kaibigan, ano na ang best na nagawa ni Ogie para sa kanya?
"Ang masasabi ko lang yung friendship namin is the one of the best things that happened to me. Marami nang nagawa si Ogie para sa akin," sagot niya.
Ano sa palagay niya ang dahilan kung bakit nagki-click ang tandem nila ni Ogie?
"Siyempre, magkaibigan kami, magkumpare kami. Nakakatulong talaga sa trabaho namin na we're very good friends. Bago pa kami pinirata ng GMA, magkaibigan na kami," biro pa ni Michael V.
Bilang magkaibigan, natural lang yung magkaroon minsan ng tampuhan, kayo ba sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan n'yo nagkaroon na kayo ng tampuhan?
Kuwento ni Michael V, "Noong unang kita ko sa kanya sa Eat Bulaga!, doon ako nagtampo sa kanya. Contestant ako noon sa rap contest, tapos judge si Ogie. Akalain mo ba namang lahat ng judges matataas ang score na ibinigay sa amin ng partner ko na si Lady Dianne, tapos kay Ogie ang baba namin! Natalo kami dahil sa kanya. Hindi ko talaga makalimutan yun.
"Alam mo, basta napag-usapan at tinanong kami, yun lagi ang naikukuwento namin. That's the only thing na hindi ko makalimutan. Yun lang ang naging tampo ko kay Ogie."
ANGELINA & YAYA IN A MOVIE. Inaasikaso na rin nina Michael V at Ogie, kasama ang GMA Films at APT Productions, ang movie na pagbibidahan nina Angelina at Yaya. Kailan magsisimula ang shooting ng movie nila?
"By May pa, kasi yung script, pinu-polish pa talaga. Kasi mahirap na in a long time na hindi kami nagkasama sa movie. Ang huling pelikula na magkasama kami was Bestman. Matagal na matagal na rin yun. And we didn't have 100-percent control. Ngayon, we're making sure na dumadaan talaga sa amin, sinasala talaga namin."
May napili na ba silang cast?
"May ideas na, pero wala pang final. Kasi nung ginagawa namin yung script, iniisip na namin kung sino yung magpi-fit sa role. Meron na kaming ideas, may pegs kami pero hindi namin alam kung available sila or open sila for the project."
Marami ba silang kukuning artista?
"Marami rin, kasi maraming characters yung umiikot sa dalawa, e."
Sino ba ang magdidirek?
"Wala pang final, pero isa sa mga choices namin, si Mike Tuviera sana," sabi ni Michael V.