Legendary actress Paraluman dies at 85

IMAGE 0


1940's Sampaguita actress Paraluman (Sigrid Sophia Agatha von Giese in real life) died of heart attack yesterday, April 27, at age 85. Paraluman, whose screen name means "god-like beauty" was mentioned in the Eraserheads song "Huling El Bimbo."


Salamat sa bandang Eraserheads, kahit paano'y nalaman ng henerasyon na ito na minsa'y may isang kagandahang nagngangalang Paraluman sa kanta nilang "Huling El Bimbo."

Sa mga hindi pa nakakaalam, si Paraluman (na ang ibig sabihi'y kagandahang mala-diyosa) ay isa sa mga itinuturing na mahuhusay na aktres na namayagpag mula 1940s hanggang 1950s. Manakanaka na lang siyang lumabas sa mga pelikulang lokal noong 1960s at 1970s.

Kahapon, April 27, ay binawian ng buhay ang beteranang aktres dahil sa heart attack sa edad na 85.

"My mom died peacefully of cardiac arrest. She went to sleep and never woke up," sabi ng anak ni Paraluman na si Baby O'Brien, isa ring dating movie actress at ngayo'y Press Undersecretary, sa panayam sa kanya ng Philippine STAR.

Bago binawian ng buhay, nakipagbuno muna sa loob ng dalawang taon sa sakit na Alzheimer's disease at Parkinson's disease si Paraluman, Sigrid Sophia Agatha von Giese sa tunay na buhay.

Ipinanganak si Paraluman sa amang Aleman na si Lothar Von Giese at inang Pilipina na si Tecla de Torres ng Tayabas, Quezon, noong December 14, 1923, sa Maynila. Sa tulong ng kapatid ng 1930s star na si Corazon Noble, nadiskubre si Paraluman para sa Pinilakang Tabing ng Filippine Films producer na si Luis Nolasco.

Ipinakilala siya sa pelikulang Flores De Mayo (1940) gamit ang screen name na Mina de Gracia. Nakatatlong pelikula muna siya gamit ang pangalang iyon, bago nagpalit ng screen name na Paraluman, na siya ring titulo ng pelikulang pinagbidahan niya kasama ang ama ni Fernando Poe Jr. na si Fernando Poe Sr. noong 1941. Mula noo'y ito na ang gamit niyang pangalan hanggang sa mga pelikulang ginawa na niya sa ilalim ng Sampaguita Pictures at iba pang produksyon.

Nakagawa ng mahigit 70 pelikula si Paraluman na huling napanood sa pelikulang Kailan Sasabihing Mahal Kita? (1985). Na-nominate siya ng anim na beses sa FAMAS (apat na beses para sa Best Actress category at dalawang beses para sa Best Supporting Actress category). Nanalo siyang Best Actress sa pelikulang Sino Ang May Sala? noong 1957.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-iisang anak naman niya mula sa asawang Hapones na si Yoshifume Abe si Baby. Matapos makipagdiborsyo kay Abe, napangasawa naman ni Paraluman ang Amerikanong si Tony O'Brien. Mula noo'y ito na ang apelyidong gamit ni Baby.

Kuwento pa ni Baby sa Philippine Star, bago pumanaw ang kanyang ina, "She didn't make any last wish. Because of Alzheimer's, she hardly recognized us during her last days. All she wanted was to be buried beside her mother's grave."

Nakaburol ngayon ang mga labi ni Paraluman sa Funeraria Paz sa Manila Memorial Park sa Sucat, ParaƱaque City.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN