Judy Ann Santos and Ryan Agoncillo admit nothing happened on first night

IMAGE 0


"Ako naman, kahit baby boy or baby girl, okay sa akin. Basta malusog ko siyang isisilang. Yes, two or three children, pero depende pa rin kung magugustuhan ko ang pagbubuntis!" replied Judy Ann Santos when asked how many children she wants to have with husband Ryan Agoncillo.


Like their wedding last April 28, maayos din ang naging second wedding reception sa bagong kasal na sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo para sa mga kaibigan at piling entertainment press na hindi nila naimibitahan sa kanilang kasal. Ginanap ang pagdiriwang sa Le Souffle restaurant sa Rockwell, Makati, kagabi, May 2.

Sa Table 22 na-assign ang writer na ito, kasama ang ilan pang invited members of the press (print and TV). Sa table namin, na napalamutian ng isang magandang flower arrangement, ay naroon din ang kopya ng menu: Ciabatta Bread, Rolls, Butter & Special Dip; Summer Salad with fresh fruits and blue cheese in raspberry vinaigrette dressing; Cream of Carrot & Pumpkin Soup; Fettucini Al Pomodoro with Seafood; Dalandan Sorbet; U.S. Black Angus Beef & Mushroom Roulade in Bourguignonne sauce, served with gratin dauphinoisse potatoes and steamed asparagus spears; Crepe Samurai & Molten Chocolate Timbale; Coffee or Tea.

Sa isang room sa basement ng Le Souffle ginanap ang interview and pictorial nina Juday at Ryan with the entertainment media. Ang light blue gown na suot ni Juday ay gawa pa rin ng paborito niyang designer na si Paul Cabral at ang suit ni Ryan ay gawa ni Jerome Lorrico.

"Gusto lang naming magpasalamat sa lahat ng mga kaibigan at mga kasama na nag-cooperate para matupad ang dream wedding namin ni Ryan," nakangiting simula ni Judy Ann. "Salamat sa inyong pag-intindi at pang-unawa at hindi namin ipagkakait na mapanood ninyo lahat-lahat sa paghahanda pa lang namin sa wedding hanggang ngayong reception natin."

Dugtong naman ni Ryan, "Salamat na pinagbigyan n'yo kami. Salamat na naging cooperative kayong lahat na nasa paligid namin. Ang feeling ko nga, noong nasa San Juan, Batangas kami, para akong naka-drugs, parang lumulutang ako sa saya, perfect ang lahat. Umuulan kapag wala kaming event, tumitigil kapag may event na."

THE WEDDING DATE. Kailan ba sila nag-decide na April 28 ang wedding date nila? Sinadya ba nilang isabay ito sa wedding date nina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan at nina Richard Gomez at Lucy Torres? Bakit unang nasulat ay May 2 ang wedding day nila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Juday, "Noong tanong kayo nang tanong sa akin kung kailan ba talaga ang wedding date, hindi ako nagde-deny noon, totoong wala pa kaming napipiling date. Nang huminto kayong magtanong kung kailan ang kasal, three weeks ago, yun na, may date na kami."

Sabi naman ni Ryan, "My parents were married on May 6; my brother Dondee, May 5. Gusto sana namin May 4. Pero nang magtanong kami sa feng shui at astrologer, ang ibig sabihin daw ng May 4 is 'death'. Kaya nang in-analyze nila, nag-fall na ang tamang date ng April 28.

"After naming mai-set ang wedding date," patuloy niya, "saka lang namin nalaman na 'yon pala ang wedding date nina Ate Shawie, at wedding day rin nina Goma. Inihanda namin yung April 28 para lang talaga sa mga family at close friends namin. At yung May 2, talagang nakaplano na para sa wedding reception sa mga kaibigan at iba pang relatives namin na mahirap makapunta sa San Juan, Batangas.

"Pero kahit wala pa kaming napipiling date, inihahanda na namin ang lahat, with the help of our coordinator, si Rita Neri, at mga suppliers. Nakakatuwa at thankful kami na talagang walang lumabas na detalye ng wedding, lahat nakisama sa amin. Kaya nang matapos ang wedding, hindi kami makapaniwala na mangyayari talaga ang gusto naming dream wedding."

Totoo bang may pre-nuptial agreement sila?

"Meron!" natatawang wika ni Juday. "Ang pera ko, pera ko; ang pera niya, pera ko pa rin! Ibibigay niya sa akin lahat ng suweldo niya, bibigyan ko lamang siya ng 500 pesos allowance a week!"

FIRST NIGHT & HONEYMOON. How true na wala raw nangyari sa first night nila?

"Totoo pala yung sabi nila na kapag pagod na kayo, walang mangyayari sa first night ninyo! Pero merong nangyari nung tanghali!" tumatawang sagot ni Ryan.

Dugtong niya, "After ng breakfast [pagkatapos ng wedding], naghanda na kami para sa dinner reception sa Anilao, Batangas. Habang naghahanda ang mga guests, may nangyari na sa amin, sa Laiya 'yon sa San Juan, Batangas. Kaya sa first night, wala talaga, dahil natapos ang reception sa Anilao, umaga na ng April 29, pagod na pagod na kami talaga at gusto na lang naming matulog."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba matutuloy ang kanilang honeymoon sa Mexico dahil sa h1n1 o Mexican Swine Flu?

"No, wala naman talaga kaming planong umalis," sabi ni Ryan. "Hindi pa kasi ayos ang bagong bahay namin. Saka binigyan kami ni Mr. Gabby Lopez, our boss in ABS-CBN, ng three-day stay sa Shangri-La Boracay. Kaya naisip naming 'yon na ang maging honeymoon namin.

"Itatapat na namin sa birthday ni Juday sa May 11 at first time din 'yon ni Yohan [their adopted daughter] na makakita ng white sand. Kaya aayusin muna namin ang bagong bahay. Matatapos na ito, nasa finishing touches na yung library ko at ang kusina ni Juday. Kaya from Boracay, diretso na kaming uuwi sa bagong bahay namin."

BABY, BABY, BABY... Gusto na raw nila agad magkaanak ni Juday? Ilan ba ang gusto nila?

"Three, pero dalawa na lang dahil si Yohan na 'yong panganay namin," sagot ni Ryan. "Tinanong nga namin si Yohan kung ano ang gusto niya—baby brother or baby sister—sagot niya, baby brother."

"Ako naman," sabi ni Juday, "kahit baby boy or baby girl, okay sa akin. Basta malusog ko siyang isisilang. Yes, two or three children, pero depende pa rin kung magugustuhan ko ang pagbubuntis!

"Tama lang na magka-anak na kami agad dahil nabubuksan ng lahat ang mga gusto namin. Maaayos na ang mga papers ni Yohan, may mga tatapusin akong projects, pero hindi na muna ako magsasalita ng tungkol sa BIR [Bureau of Internal Revenue] ko."

Hihinto ba siya ng pagtatrabaho kapag nabuntis siya?

"Kapag sinabi ng ob-gyne ko na puwede naman akong magtrabaho kahit buntis," nakangiting sagot ni Juday. "Pero kapag malaking-malaki na ako, na hindi malayo dahil kita naman ninyo si Mommy [Carol] kung gaano siya kalaki, magtatago na muna ako. Hindi naman siguro bonggang hihinto ako, pero if ever, gusto kong makita ang paglaki ng mga anak ko at asikasuhin ang pangangailangan ng asawa ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinilig si Ryan sa narinig na iyon kay Juday at nagsi-sink in na raw sa kanya na mag-asawa na nga sila ni Juday. Patitigilin ba niya si Juday magtrabaho?

"Ibibigay ko ang choice sa kanya kung gusto niyang magpatuloy ng pagtatrabaho. Basta ako, magtatrabaho ako para sa kanya at sa magiging mga anak namin, hindi para sabihin sa kanyang huminto na siya," sabi ng TV host.

CRYING SCENE. Back sa wedding nila sa San Juan de Nepomuceno Church sa San Juan, Batangas, hindi raw umiyak si Ryan.

"Lahat talaga sa church, umiyak, maliban sa akin," sabi ni Ryan. "Actually, naghanda ako ng three hankies; dalawa nasa both pockets ng pants ko, yung isa nasa wedding coordinator. Pero masayang-masaya talaga ang feeling ko. Bumigay ako nung first dance na namin sa reception. Napaka-romantic kasi ng atmosphere at na-realize ko na ito na 'yon, na kasal na kami ni Juday."

Kuwento naman ni Juday, "Ako naman, pagpasok ko pa lang ng church, napaiyak na ako, nakita ko pa lang ang flower arrangement. Sinabi ko kasi sa florist na gusto ko lang simple, pero malamig sa mata, na nasunod naman sa gusto ko.

"Tapos, nang naglalakad na ako, nakita ko si Ate Binay [her yaya simula pa noong bata pa siya], si Ate [Jackie], si Kuya [Jeffrey], lahat, umiiyak pero nakangiti. Naisip ko na matindi talaga ang pagmamahal nila sa akin kaya masayang-masaya sila para sa akin. 'Saka nakumpleto ang family ko, ang daddy ko... Ang mommy ko, hindi siya umalma sa daddy ko. Doon din natupad ang matagal ko nang wish na magkaroon kami ng family picture."

MOMMY CAROL. Babalik na raw sa Canada ang mommy niya at magtatrabaho na lang doon dahil may asawa na si Judy Ann. Totoo ba ito?

"Noong wedding day, sinabi ko sa kanya na, 'I love you, mom.' Sinasabi ko naman 'yon sa kanya, pero hindi madalas. Pero noon, talagang I really meant what I said. Wala pa naman siyang sinasabi sa akin na babalik siya sa Canada. Kung ano ang gusto niya, hindi ko siya pipigilin. Kung gusto niyang pumunta sa Canada at mag-stay na doon, walang problema, dadalawin namin siya doon," lahad ng aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May sinabi raw si Mommy Carol kay Ryan na huwag niyang sasaktan si Juday. Kung ayaw na rin daw niya kay Juday, isoli na lang sa kanya ang anak. Paano kung magkaroon ng lubak ang kanilang pagsasama ni Juday?

"Walang solian, running joke namin 'yon ni Tita Carol... Ooops, ni Mommy Carol! No return, no exchange!" natatawang sagot ni Ryan.

Dagdag niya, "Hindi maiiwasan sa mag-asawa ang paminsan-minsan di nagkakaunawaan. Pero napagkasunduan na namin ni Juday na out sa usapan ang paghihiwalay namin."

Sabi naman ni Juday, "Nasabi ko nga na worth waiting ang 30 years of my life, na siya ang naging boyfriend ko at asawa ko na ngayon. Siya lang ang naging boyfriend ko na hindi nagpakita ng kanyang best foot forward. Nang makilala ko siya, parang sinabi niya sa akin na, 'Ito ako,' pareho ang wave length namin. LaSallista lang siya, ako hindi; pero nagkakaintindihan kami sa lahat ng bagay."

Patuloy bang gagamitin ni Juday ang pangalan niyang Judy Ann Santos?

"Legally, ang papers ko, gagamitin ko ay Judy Ann Santos-Agoncillo. Pero ang showbiz name ko, Judy Ann Santos pa rin," sagot niya.

THE INVITED GUESTS. May mga friends sina Ryan at Juday na nakasama na nila sa trabaho ang inimbita nila sa second wedding reception sa Le Souffle.

Ilan sa mga nakita naming dumalo ay sina Mother Lily Monteverde and daughter Roselle Teo-Monteverde of Regal Entertainment; Atty. Annette Gozon-Abrogar, Joey Abacan, Elaine Lozano, and Tracy of GMA Films; directors Dante Garcia, Joey Reyes, and Joyce Bernal; Marvin Agustin; Camille Prats; Meryll Soriano; Bembol Roco, Joel Torre; production designer Gerry Santos; Candy Pangilinan with director GB Sampedro; Fr. Sonny Ramirez (confessor ni Juday); Fr. Tito Caluag (their wedding officiating priest and friend ni Ryan); Iza Calzado; Ai Ai delas Alas who came with Direk Malu Sevilla; and Eugene Domingo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Marami ring naghintay kung darating sina Piolo Pascual at Claudine Barretto na parehong inimbita nina Juday at Ryan, pero hindi sila dumating.

THE GIFTS. Siyempre pa ay marami silang tinanggap ng gifts. Pero sa palagay nila, alin ang pinaka-touching sa mga natanggap nilang regalo?

"Yung bigay ng mga fans namin, ang Sionengs," sagot ni Ryan. "Actually, tinanong nila kami kung ano raw ang gusto naming wedding gift. Jokingly, sagot ko sa kanila, 'Puwede ba cash na lang?' Pero hindi ko alam na seseryosohin nila ang sinabi ko!"

"Yes, 'yon talaga ang nakaka-touch," dugtong ni Juday. "Biro mo, dumukot sila sa kani-kanilang bulsa at isang envelope yung ibinigay nila sa amin. Hindi namin alam na gagawin nila 'yon, to think na napakahirap ng panahon ngayon. Hindi pa namin binilang kung magkano yung gift nila. Para ngang nakakahinayang gastahin, baka ipa-frame namin!"

May nag-suggest kina Ryan at Juday na ibili nila 'yon ng bagay na mahalaga na wala sa mga natanggap nilang regalo.

Ang TV special ng kanilang wedding, mula sa preparation hanggang sa reception last May 2 ay mapapanood nang buong-buo sa May 17, sa ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN