Mark Herras still enjoying his life without a girlfriend

IMAGE 0


"Sa ngayon po, nag-e-enjoy pa ako ng walang commitment. Masarap po 'yong nagagawa mo ang lahat ng gusto mong gawin, walang limitations. Yung tuwing lalabas ako, kailangan ko pang magpaalam. Ngayon, after ng work, kung gusto kong lumabas, lalabas ako. Pero hindi na rin po ako mahilig lumabas ngayon," says Mark Herras.


Next week, June 1 to 5, ay huling linggo na ng Sine Novela ng GMA-7 na Paano Ba ang Mangarap?. Kaya naman nagpatawag ng pocket interview ang program manager ng afternoon soap na si Redgynn Alba para sa apat na cast members nito: sina Mark Herras, Jennylyn Mercado, Chynna Ortaleza, at Rainier Castillo. Ginanap ang interview sa dining hall ng Studio 7 sa GMA Network Studios kaninang hapon, May 28.

Bago pa dumating si Mark, nakausap na ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Chynna. Kuwento nito, halata raw na type pa rin ni Mark si Jennylyn. Kaya nang dumating si Mark, iyon ang una naming itinanong sa kanya. Ayaw pa sanang magsalita ng young actor, until si Chynna na ang nagsabi na halata nila 'yon kay Mark.

"Baka hindi ako, ang staff!" natatawang wika ni Mark. "Sila kasi 'yong tuwing may kissing scene o intimate scene kami ni Jen, pumapalakpak sila pagkatapos ng take. Pero okey na okey na po kami talaga ni Jen ngayon, parang bumalik 'yong dati. Although noong first taping day namin, may ilangan talaga kami."

Wala ba siyang balak ligawan ulit si Jennylyn, lalo pa't sinabi naman ng aktres na open naman siyang magpaligaw dahil tapos na ang story nila ng isa pang ex-boyfriend na si Patrick Garcia?

"Sa ngayon po, nag-e-enjoy pa ako ng walang commitment," sagot ni Mark. "Masarap po 'yong nagagawa mo ang lahat ng gusto mong gawin, walang limitations. Yung tuwing lalabas ako, kailangan ko pang magpaalam. Ngayon, after ng work, kung gusto kong lumabas, lalabas ako. Pero hindi na rin po ako mahilig lumabas ngayon.

"Naisip namin ni Rainier [his best friend], mas maganda pa 'yong nasa bahay lamang kami, naglalaro ng games sa computer, walang gastos. Minsan sa bahay niya, madalas sa bahay ko. Kahit sa bahay nga, maghapong bukas ang computer ko, napapagalitan na nga ako ni Mama. Kapag wala raw ako, ang kapatid kong si Jonathan ang nakababad sa computer ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala pa ba siyang balak magka-girlfriend ulit?

"Meron naman po, pero hindi ko pa po hinahanap ngayon," aniya. "Gusto ko this time, hindi po 'yong sandali lang. Ayoko na po nung four months, six months tapos na ang relasyon namin, wala na. Siguro po darating din naman ang right girl for me, sa right time."


KATRINA & YASMIEN. Dalawa sa StarStruck batchmates ni Mark ang nasa gitna ng kontrobersiya ngayon: sina Katrina Halili at Yasmien Kurdi. Si Katrina ay sangkot sa sex-video scandal ni Hayden Kho, samantalang si Yasmien naman ay naghain ng reklamo laban sa aktor na si Baron Geisler dahil diumano sa pambabastos sa kanya.

Anong suporta naman ang ibinibigay ni Mark sa dalawang kasamahan niya noon sa StarStruck?

"Hindi pa po kami nagkikita ni Katrina simula nang pumutok ang controversy," banggit ni Mark. "Gusto ko po na personal siyang makausap, pero hindi ko na po siya tatanungin bakit nangyari 'yon. Nagpaabot na kaming mga kaibigan niya na kung ano ang laban niya, handa kaming tumulong sa kanya. Nasa likod lang niya kami."

Ano naman ang masasabi ni Mark sa ginawang pagbi-video ni Hayden sa pagtatalik nilang dalawa ni Katrina?

"Ayaw ko namang i-question kung anuman ang naging relasyon nila. Ang sa akin lang, okey lang mag-video siya, pero dapat alam ng partner niya 'yon at dapat naging pribado lang 'yon."

Tungkol naman kay Yasmien, sinabi ni Mark na: "Hindi ko pa rin po nakakausap si Yas tungkol kay Baron. Pero kung totoo 'yong balitang may hipuang nangyari, sigurado pong may kapalit na sampal o suntok 'yon ni Yas. Ang laki po ng kamao nun! Matapang si Yas at hindi 'yon basta-basta magpapatalo."

May kuwento nga na sinapak daw ni Yasmien sa balikat at likod si Baron dahil sa nangyari, pero wala namang nag-confirm kung totoo nga ito. Pero base sa sinabi ni Mark na hindi magpapatalo si Yasmien, maaaring nangyari nga 'yon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SARAH GERONIMO. Biniro naman namin si Mark tungkol kay Sarah Geronimo, na nakaka-chat niya sa Internet.

"Hindi naman po kami noon lang nagkakilala ni Sarah," paglilinaw ni Mark. "Nakilala ko na po siya noong nasa GMA-7 pa siya bago lumipat ng ABS-CBN. Ganoon pa rin siya, hindi siya nagbago—mabait, tahimik. Pero ngayon po, hindi na kami nakakapag-chat kasi pareho naman kaming busy.

"Siyempre po natuwa ako nang ako ang napili ng Viva Entertainment na sumama kay Sarah sa show niya sa CamSur. Noong first time na nag-rehearse kami, akala ko po sasayaw lang ako. Pero sabi nila, may production number daw kami ni Sarah. Nagulat ako kasi sing-and-dance daw ako. Ninerbyos ako, pero pinaghandaan ko rin. Kumuha ako ng copy ng song, paulit-ulit kong pinag-aralan ito at ang sayaw.

"Pero nang nasa stage na kami at nakita ko ang napakagandang response ng mga tao sa amin, punung-puno po kasi ang venue, bigla ko na lang naramdaman na kumakanta na pala ako at sumasayaw. Kahit po yata si Sarah nagulat sa akin, pero itinuluy-tuloy ko na at nakakatuwa naman na mas malakas ang palakpakan nila sa amin pagkatapos. Kaya may dalawa pa akong numbers. Sabi ko sa PA namin, kakanta na lang ako, hindi na sasayaw!" natatawang kuwento ni Mark.

Totoo bang hindi siya makalapit kay Sarah dahil laging nakabantay ang parents ng Pop Princess?

"Hindi naman po," tanggi ni Mark. "Mabait po ang parents niya. Siguro, ako lang po talaga ang naiilang, kasi hindi ko rin in-expect na makakasama kong mag-show si Sarah. Tahimik lang po ako."

Paano kung totoong igawa sila ng movie ni Sarah ng Viva Films at GMA Films?

"Naku, panibagong pressure po 'yon sa akin, ayaw kong isipin!" nakatawang sabi ni Mark.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN