Malayo na ang nararating ng dating seminarista na si Chris Estrella, na nakipagsapalaran sa Canada bilang overseas Filipino worker (OFW).
Pero hindi naging madali ang karanasan niya.
Kung anu-anong trabaho ang pinasok niya tulad ng tagapintura ng bahay, air-con cleaner, at karpintero.
Hanggang sa pinasok ni Chris ang real estate industry at naging realtor.
Noong nakaraang taon, itinampok siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at binanggit na mayroon na siyang 16 bahay sa Canada.
Ngayon, halos 30 residential properties na ang pagmamay-ari niya sa Calgary na kanyang pinauupahan.
Naging Top 1 realtor siya ng isang real estate company roon, at naging 35th realtor sa tinatayang 6,000 realtors ng real estate company na pinapasukan.
Ngayon, stable na ang buhay ni Chris, kasama ang misis na si Alice, at kanilang dalawang anak.
Kuwento ng inspirasyon at pag-asa ang life story ng ex-seminarian na ito na Canadian resident na ngayon.
Read: Ex-seminarian-aircon cleaner-realtor now owns 16 houses in Canada
FROM CLEANER TO TOP 1 REALTOR
Kuwento niya noon sa PEP, mula sa pagiging seminarista sa loob ng walong taon para sa high school at college, dalawang taon siya sa Society of Jesus, isang Roman Catholic religious order, para sa paghahanda bago ang ordination.
Nang lumabas siya, hindi na siya nakabalik ng seminaryo.
Nagturo siya sa Miriam College sa Quezon City at doon nakilala ang kapwa guro at kalaunan ay naging kabiyak na si Alice.
Nagtayo sila ng mga negosyo tulad ng direct-selling business, water-refilling station, ice cream kioks, at iba pa.
Subalit nang tumama ang pandemya, lubos na naapektuhan ang kanilang mga negosyo.
Taong 2021, sina Alice at Chris at dalawa nilang anak ay lumipad sa Canada at nakipagsapalaran.
Naging international student ang kanyang misis at kung anu-anong odd jobs ang pinasok ni Chris, tulad ng pagpipintura at paglilinis ng mga bahay.
May mga panahong tinanong daw niya ang sarili kung tama ang naging desisyon pero nanaig ang kanyang pananampalataya.
Kalaunan, nabigyan sila ng permanent residency sa Canada.
Taong 2023, pinasok niya ang pagiging realtor.
Wala siyang nabenta sa unang pitong buwan kaya muling nakaramdam ng pagdududa si Chris. Pero kumapit daw siya sa kanyang pananampalataya.
Nang makabenta ng unang property, nagtuluy-tuloy ang magandang kapalaran nina Chris.
Taong 2024, naging Rookie of the Year siya sa kinabibilangang real-estate company. Sa sumunod na taon, naging Top 1 realtor.
Nakabili sila ng 16 houses.
At makalipas lamang ang tatlong taon, ngayong 2026, mayroon na silang tinatayang 30 houses.
Pareho nang realtor ngayon ang mag-asawa at bumuo ng real-estate team.
Ang hangad nila ngayon ay manguna ang kanilang team.
Muling nakapanayam ng PEP si Chris tungkol sa mga bagong development sa kanyang buhay.

CHRIS WORKS HARD TO BECOME TOP REALTOR
Sa tagumpay na nakamit ni Chris, hindi niya nakalimutang banggitin ang asawa para magtagumpay.
Kasama raw niya ito noong mga panahong wala pa silang naipupundar.
“When we were getting married more than 15 years ago, inamin ko na natatakot ako that I may not be able to give her a good and prosperous life since kakalabas ko lang ng seminary and eldest of 11 of a poor family ako.
“Sabi nya sa akin: ‘Yung mga dreams mo, hindi mo iyan gagawin nang mag-isa. Sasamahan kita.’”
Nais daw nilang maging magandang ehemplo sa kanilang mga anak tungkol sa kahalagahan ng sipat at tiyaga.
“But more importantly, we feel grateful to God. Because we know that these blessings are from God. He blessed our efforts.”
Sa nakamit niyang tagumpay, may mahalagang aral na natutunan si Chris.
“That I deserve to be successful,” pahayag niya.
“Coming from a poor family and being the eldest of 11, we had a very difficult beginning. It made me see na hindi mahalaga kung saan ka galing. Ang mahalaga is saan ka papunta.”
Ang pagiging Top 1 realtor naman niya ay patunay sa galing ng Pinoy.
“That Filipinos can be world class. Not just for me, but for all Filipinos.”
Ang kinabibilangang real-estate company raw ay dominate ng iba-ibang lahati.
“Pero to be number 1 dito last 2025 shows na world class tayong mga Pinoy. We can succeed and we can help not just Filipinos but all people of different colors.”
Pangarap ng sinumang OFW sa ibang bansa na magkaroon ng sariling bahay.
Kaya naman pambihira ang tagumpay nina Chris na nakabili ng 30 bahay.
Sa sumunod na pahayag, matutukoy kung paano ito nagawa nina Chris.
“Visualizing and praying for it and taking action accelerated the blessings. We saw opportunities and we grabbed them by the head.
“Sabi nga nung friend namin na si Cha: ‘Kayo lang yung nakita namin na lahat ng opportunities dito sa Canada sinunggaban niyo.’”
Ibinahagi rin ni Chris ang trabaho nila bilang realtors.
“We help clients sell their house or investments. We help clients buy their dwelling or paupahan. We buy and invest in rentals.”
Nilinaw namin kay Chris kung ano ang estado ng kanyang 30 residential properties.
Pagdedetalye niya: "Most are mortgaged. We don’t sell these. We’re renting these out. Paupahan. Best to say 30 residential units."
Bunga ang mga ito ng hindi lang basta sipag at tiyaga kundi galing at tapang sa pagnenegosyo.
Lahat ng properties nina Chris sa Pilipinas ay naibenta na nila.
“We felt that God was calling us to go all in sa Canada so most of our properties are in Canada,” paliwanag niya.
HELPING FELLOW FILIPINOS
Bilang dating seminarista, binigyang-diin din ni Chris ang kahalagahan ng pagkapit sa pananampalataya.
Hanggang ngayon, nananatili siyang aktibo bilang parte ng isang ministry sa Calgary.

Isa sa mga sinabi ni Chris ay hangarin daw nilang matulungan ang mga kapwa Pinoy sa Canada sa pamamagitan ng pagbahagi ng financial literacy.
Gamit ang stratehiya kung paano lumago ang kanilang negosyo, itinuturo raw nila kung paano magkabahay sa Canada at kung paano maging responsable sa pagkuha ng loan.
Nang usisain ng PEP kung paano, sagot niya, “We mentor them how to prepare for mortgage application.
“Madali lang naman magkabahay sa Canada kasi kahit 5% downpayment puwede na.
“The crucial part is ensuring na yung income-to-debt ratio is in line and walang heavy liabilities na maghi-hinder sa bank na pautangin sila.”
TIPS FOR PINOYS WHO WORK ABROAD
Walang dudang success story ang nagging buhay ni Chris at kanyang pamilya na iniwan ang lahat ang Pilipinas, nakipagsapalaran sa Canada, nagsikap, at nakapagpundar.
Batay sa kanyang karanasan, ano ang mga maipapayo niya sa mga Pinoy na nasa Canada o nagbabalak magpunta roon?
“Sa Canada you need to constantly upgrade your knowledge, hindi puwedeng kontento ka na lang sa alam mo,” sabi niya.
“Based on my observation, yung mga umaalis dito, especially during retirement age, sila yung mga hindi nag-upgrade in terms of education.
Piliin daw ang mga taong sasamahan dahil, “Surrounding yourself with negative people also won’t help.”
Real-talk advice ni Chris, “Sa totoo lang maraming energy ang kinakain ng inggitan, chismisan and crab mentality.
“Kapag parating ganung klaseng tao ang mga kasama mo, I don’t think magiging madali ang pag-angat sa buhay.”
May words of advice rin siya sa mga kapwa Pinoy na balak magtrabaho sa ibang bansa.
"Don’t be afraid to leave your comfort zone to start anew. You will never know kung magwo-work sayo ang pagiging OFW unless subukan mo.
“Wag ka ring matatakot na marumihan ang kamay mo.
“Kahit boss ka sa atin sa Pinas, pagdating mo sa ibang bansa hindi puwede ang boss mentality.
“You need to learn how to get along well with other people.
"Lastly, dream big. Kung ang work mo pagdating sa ibang bansa is cleaner or caregiver, okay lang yun sa simula. Pero don’t settle.
“Mag upgrade ka ng learning and connect to the right people para eventually mag-improve yung work mo.”
WHAT’S NEXT FOR CHRIS
Plano ni Chris na mag-semi-retire na makalipas ang limang taon upang pagtuunan naman ang kanyang pamilya, ministry, at makapag-travel.
Naibahagi pa niya kung paano niya ito balak gawin at patuloy na magkaroon ng sapat na passive income.
“Number 1, Acquire at least 50 rentals (halfway na kami), ‘tapos we will sell the 35 pag may equity na, para we can fully pay the 15, then live on the rent na nung mga fully paid na mga paupahan.
“Number 2, continue to grow our real estate team. Kasi now, may mortgage broker na kami, may commercial, and residential realtors na din.”
Pinipili rin daw nila nang maayos ang mga kinukuha nilang realtors para maging parte ng kanilang team.
“Kasi when we take them in, we want to make sure na magtatagumpay sila. This is the legacy we want to leave behind.”
