Matet de Leon's children see their Mama Guy only on TV

IMAGE 0


"Sana talaga, makauwi na siya. Kasi, gusto ko na siyang makita, gusto ko na siyang mayakap. Ang tagal na, ang tagal ko na siyang hindi nakita, nakausap. At pati sa mga anak ko, hindi pa nila nakikita ang Mama Guy nila. Puro sa TV lang," says Matet de Leon about her mother, Nora Aunor.


Isa si Matet de Leon sa cast ng pelikulang Dalaw ng Pixel8 Entertainment Productions, kung kaya't nakapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa premiere ng pelikula noong Lunes ng gabi, June 1, sa SM Megamall, Mandaluyong.

Ang isa sa kinumusta siyempre kay Matet ay ang kanyang ina, si Nora Aunor, na may limang taon na raw niyang hindi nakikita. Aniya, miss na miss na raw niya ang ina kaya naiinggit ito sa entertainment reporter na si Lhar Santiago, na recently ay nakita nito ang Superstar sa U.S.

"Mabuti ka pa, Tito Lhar, nakita mo si Mama. Next time, i-'Hi' mo naman ako sa kanya," nakangiting sabi niya.

Wala raw siyang bagong contact number ng ina at hindi raw niya naging ugaling kulitin ito at baka raw kasi magalit sa kanya.

"'Pag ano, tumatawag naman siya sa akin," sabi ni Matet. "Actually, noong February, Valentine's Day, nag-email siya sa akin. Yun yung last na nagkaroon ako ng communication sa kanya. Ako naman, tuwang-tuwa naman ako. Siyempre, nanay ko, nag-email! Marunong mag-email ang nanay ko, di ba?"

Wish niyang makauwi ang ina ngayong taon at hindi next year, tulad ng sinabi ni Nora sa isang interview.

"Sana talaga, makauwi na siya. Kasi, gusto ko na siyang makita, gusto ko na siyang mayakap. Ang tagal na, ang tagal ko na siyang hindi nakita, nakausap. At pati sa mga anak ko, hindi pa nila nakikita ang Mama Guy nila. Puro sa TV lang."

Paano niya ini-introduce ang Superstar sa mga apo nito?

"'Yan si Mama Guy, si Mama Guy. Kapag nandiyan, hindi kayo puwedeng mag-maldita, kasi ako ang papagalitan nun. Ikinukuwento ko sa kanila na ang nanay ko ay disciplinarian at hindi sila puwedeng... Kapag nandiyan si Mommy, sigurado ako ang papagalitan nun," saad ni Matet.

Pero hindi kaya i-spoil naman ni Mama Guy ang mga apo nito kay Matet?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun ang iniisip ko rin," sambit ng dating child superstar. "Kasi 'yang si Mommy, mahilig sa bata 'yan. Pero kahit anong gusto ni ermats, kapag nakita niya ang mga anak ko, kung gusto niya, dun niya patulugin isang linggo. Pero kailangan, kasama ko, katabi ko, hindi ako makakatulog!"

Dugtong ni Matet, "Actually, sinasabi ko sa kanila, 'Anak, Superstar 'yang si Mama Guy!' At nanonood sila, ha, kapag ipinapalabas sa TV ang mga movies ng mommy ko, pinapapanood ko talaga sila... Nagkausap naman na sila sa telephone, tinuruan ko ang mga anak kong sabihin nila na 'Mama Guy.' Tuwang-tuwa naman ang Mommy ko."

ATE LOTLOT. Naitanong din kay Matet ang kanyang Ate na si Lotlot de Leon. Sa ginanap kasing thanksgiving Mass para kay Richard Gutierrez ay marami ang nakapansin na kumpleto ang pamilya ni Lotlot, kasama si Ramon Christopher at mga anak nila.

Natuwa rin ba si Matet nang makita ang tagpong yun?

"Oo!" sambit niya. "Actually, meron akong mga litrato niyan, si Ate Lot at si Kuya Monch, kasama yung mga anak nila noong Pasko. Talagang itinatago ko. Kasi, talagang nami-miss ko yun. Yung magkakasama sila, magkakasama kami."

Wish niya ba na sana magkabalikan pa rin sila?

"Bahala silang dalawa," nakangiting sabi ni Matet. "Pero kung anuman ang gusto nila, mahal ko sila pareho. Pati ang mga anak nila, mahal ko ang pamilya nila."

ABORTED PLAN TO MIGRATE. Noong bagong kasal pa lamang si Matet sa mister niyang si Mickey Estrada, napabalita ang plano nilang mag-migrate sa ibang bansa. Pero ano na ang nangyari sa plano nilang 'yon?

"Baka hindi na. Alam n'yo, naisip ko lang, baka kapag nagpunta ako ng Norway, hindi na ako artista dun. At saka maraming magaganda dun, so hindi na ako maganda kapag nandoon ako, di ba? At saka, baka mas lalo akong manaba dun!" biro niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit nga ba naunsiyami na ang pagma-migrate nila?

"Nagkaroon kasi ng problema sa mga papers dun. Tapos, nagbuntis ako. At meron yatang isyu na nangyari noon sa eroplano. So, nagdesisyon kaming huwag na muna, hanggang sa naudlot nang naudlot. Nag-aral na yung panganay ko. Wala na. At saka importante naman, masaya ako. Masaya ako ngayon sa buhay ko, sa pamilya ko. Nananaba nga, e!" natatawa pa niyang sabi.

SYMPATHY FOR DALAW CO-STAR. Excited na mapanood ni Matet ang Dalaw dahil sa news lang daw niya nakita yung sinasabing ulo ng multo na sumilip sa isang eksena ng pelikula.

"Nakakatakot siya, actually," sabi ni Matet.

Ang role niya sa movie ay bilang kapatid ng Katrina Halili character. Kaya most of her scenes ay si Katrina ang kasama niya. Pero ayon kay Matet, hindi naman daw niya masasabing naging very close sila sa movie.

"Hindi rin kasi kami nagkakausap masyado, kasi mukhang puyat na siya. Ang aga po kasi ng call time nila, 3 a.m. pa lang yata nasa set na sila. Ako, madalas, after lunch na ako. Kaya nagpapahinga talaga siya. Nakaka-stress din kasi at mabigat din yung mga eksenang kinunan namin. Parang yun ang nasasaniban na yata siya," kuwento ni Matet.

Nagulat na lang daw si Matet sa mga naglabasang isyu ng sex video ni Katrina with Hayden Kho pagkatapos nilang makapag-shoot ng movie.

"Hindi naman naaawa, parang ang pangit naman, but I felt bad for her," sabi ni Matet. "Kasi, ang pangit ng ginawa...hindi maganda. Actually, hindi lang sa kanya kundi pati sa ibang babae, ginagawa yun kahit alam mo na hindi okey yung bini-video habang ginagawa yung pribadong bagay. Para sa akin, mali yun."

Isa si Matet sa naghanap kay Katrina during the premiere night ng Dalaw at nanghinayang siya na wala ito. Pero sabi na lang niya, "Marami naman ang sumusuporta sa kanya kahit hindi siya nakarating at saka magaling siya rito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung may message siya sa naging co-star at kapatid pa sa movie, ano ito?

"Lumaban lang siya. Ang daming sumusuporta sa kanya. Ang daming tao sa likod niya, so go lang siya. Huwag siyang bibigay," pahayag ni Matet.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN