PEP EXCLUSIVE: How did Lolit Solis figure in the Hayden Kho-Katrina Halili sex-video scandal?

IMAGE 0


Lolit Solis was suddenly dragged into the Hayden Kho-Katrina Halili sex-video scandal after her good friend, Dra. Vicki Belo, invited her to a meeting last May 21.


Isa sa mga pangyayaring naganap sa gitna ng kainitan ng mahaba at masalimuot na Hayden Kho-Katrina Halili sex-video scandal ay ang misteryosong paglitaw ng siyam na magkakahiwalay na audio recordings.

Umabot ang mga ito sa PEP (Philippine Entertainment Portal) may mahigit isang linggo na ang nakakaraan, subalit hindi kaagad ito inilabas dahil kailangan munang magsagawa ng pagsisiyasat.

Una, inalam ng PEP ang authenticity ng mga recordings, na malinaw na putol-putol at mukhang nakatuon sa pagdidiin sa iisang tao lamang. Pangalawa, kinausap ang mga taong pangunahing naririnig na nagsasalita rito. Pangatlo, sinaliksik ang mga kuwentong nakapaloob sa recordings.



Ang audio recordings ay naglalaman ng pakikipag-usap ng sinasabing boses diumano ng veteran talent manager na si Lolit Solis sa mga taong diumano'y kasama sa kampo ni Hayden.

Sa recordings, nangingibabaw ang boses ni Lolit habang ibinibida ang papel niya sa "crisis management" sa sitwasyon ngayon ni Katrina Halili, isa sa mga babae sa sex videos ni Dr. Hayden Kho at nagharap ng reklamo laban sa cosmetic surgeon.

Hindi isinama sa audio recordings ang ambag naman sa diskusyon nina Hayden at ng mga taong nasa panig nito.

Heto ang ilan sa mga tracks:

Track 1:

"Lolit": Everything that was going on now, that Katrina thing is mine, kasi sila inano nila si Katrina, so, wala, parang, 'Ah okay, you're hurting Katrina,' tsuk! Kinraysis management ko si Katrina because of that video thing with, ano, I mean, with the relationship with Hayden. So, it started there. 'Tapos nung lumabas nga 'tong video, so, dapat...

Track 2:

"Lolit": With consent nila... Ipa-plot natin yung ano, ipa-plot natin yung sa ano, yung sa mga write-ups, madali na yan, madali na yan. Pagkatapos, yun nga, then later on, pagka medyo nag-subside na yung euphoria nila with Katrina, pag-aano nila, ano na yan... magkakaroon na 'yan ng opening sa questions, di ba?... Why, bakit, hindi naman ganung kalinis na babae si Katrina, ganyan-ganyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

I don't know about Maricar [another girl with a sex video with Hayden], kasi baka mamaya susuportahan siya ng Unilever [the multinational company where Maricar has an ad] , kasi they've been sending out... ano, letters, na kung puwedeng 'wag na siya i-touch, 'wag nang ano. Yeah, yeah... I don't know kung anong move nila, dahil hindi ko naman kilala yung si Maricar.

So, dun tayo papasok. Pagka nagkaroon na ng window, dun na siya [Hayden] magso-sorry. 'Tapos maso-sorry yung...parang, yung mother niya yung, 'I'm a woman, I'm a mother. I know how you feel. I'm so sorry for what, ginawa ni Hayden, sana ma-understand niyo rin na siguro...'

"Vicki": Lahat tayo may anak...

"Lolit": Hindi... na siguro he went with the wrong guys, atsutsutsu....kaya ang napulot niya mga maling values, mga maling ano. Yun, yun na yun, e, kaya ang awatin mo na mangyari yung ma-revoke ang...

Track 3:

"Hayden": Ewan ko po, ang ano ba...

"Lolit": Yun, kasi, ang look daw sa face mo that time was not really repentant, kundi parang defiant ka pa. Say, okay... so what...say sorry. Sorry. Parang gano'n. So we'll make it a point na maano yun, di ba? Siguro naman, sabi ko nga, I was telling them, I was telling Vicki na siguro naman, kahit papaano, nag...nag-aakting-akting, na baka naman puwedeng ano. What I know, alam mo, usually, I see it on Boyet, Christopher de Leon. Every time he wanted to look ano, ginagano'n n'ya yung mukha niya, parang ginagano'n, I see it on Boyet, e..."


To listen to the spliced version of the audio recordings, visit the PODCAST section or click here.

ACCUSATIONS AGAINST LOLIT. Nauna na rito, inakusahan ni Mrs. Irene Kho, ina ni Hayden, si Lolit, na siyang nag-"script" daw sa mga interview ni Katrina. Mismong si Lolit rin daw ang nagturo na "umarte" sa mga interview si Hayden para makuha ang simpatiya ng publiko sa kanya. (click here).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I'm just telling the truth. Na ito ay orchestrated ni Ms. Lolit Solis, na very powerful," sabi pa ni Mrs. Kho.

Sinuportahan naman ito ng mga pahayag ng abogado ni Hayden, na si Atty. Lorna Kapunan. Sa isang telephone interview ng PEP editor-in-chief na si Jo-Ann Maglipon kay Atty. Kapunan, sinabi ng abogadong nakipag-usap nga ang kampo ni Hayden kay Lolit. Aniya, inamin sa kanila ni Lolit ang naging papel nito sa mga interview kay Katrina (click here) at ang paglabas sa TV ni Senador Ramon "Bong" Revilla Jr., isang kliyente ng veteran talent manager.

Pagbubunyag ni Atty. Kapunan, "Yeah, that's what... and I was in that meeting, Lolit said it to... We were three lawyers, and [PR man] Reli German was there, Hayden was there, Vicki [Belo] was there, and the mother [of Hayden] was there. And she boasted that she stage-managed everything, including [the TV appearance of] Bong Revilla."

LOLIT ADMITS. Hindi naman pinabulaanan ni Lolit na siya nga ang nasa lumitaw na audio recordings. Unang ginawa ni Lolit ang pag-amin sa interview sa kanya ni Ogie Diaz sa show nitong Wow Showbiz! (click here).

Inamin ni Lolit na boses nga niya ang nasa audio recording, ngunit hinamon nito ang kung sino mang naglabas niyon na ilabas ang buong recording nang walang putol dahil, aniya, spliced o edited ang mga sinabi niya roon.

"Ang ibig kong sabihin, hinahamon ko sila, ilabas nila yung buong tape para malaman kung ano talaga ang usapan, bakit ganoon ang mga dialogue ko....Inaamin kong lahat ng sinabi ko do'n, totoo. Dahil 'yon naman talaga ang sinabi ko. Naka-splice [yung tape]. Ang maririnig mo lang ako, na tinuturuan ko si Mrs. Kho na ganito gawin. Tinuturuan ko si Hayden. 'Tapos sinasabi ko sa kanila, bukas pupunta si Katrina sa NBI," paliwanag ni Lolit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

A LONGER, CLEARER VERSION. Noong June 3, Miyerkules, napasakamay ng PEP, mula sa isang mapagkakatiwalaang source, ang mas mahaba at mas malinaw na bersyon ng siyam na audio recordings ng pakikipag-usap ni Lolit sa kampo ni Hayden.

Sa bersyong ito, hindi na lang ang boses ni Lolit ang nangingibabaw. Maririnig na rin ang boses ng ibang tao tulad nina Dra. Vicki, Hayden, Reli German, Atty. Kapunan, at ang iba pang mga kasama niyang abogado na hindi na pinangalanan ni Atty. Kapunan sa nauna niyang pagbubunyag sa PEP.

Kumpara sa nauna nang lumitaw na spliced audio recordings ni Lolit, na kung pagsasama-samahin ay umabot lang ng pitong minuto (00:07:00) sa haba, ang nakuhang bersyon ng PEP ay may habang isang oras, labing-apat na minuto at limampu't dalawang segundo (01:14:52). Di hamak, mas mahaba sa naunang lumabas.

Ngunit kapansin-pansing kahit na mahaba ito ay hindi malinaw kung kasama sa bersyong ito ang simula ng pakikipag-usap ni Lolit kina Hayden dahil nagsimula agad ang recording na nagsasabi na si Lolit kung ano ang mga hakbang na gagawin nina Hayden para makakuha ng simpatiya ng publiko. Wala ring masasabing wakas ang bagong bersyon ng recording dahil naputol ito habang nagsasalita pa si Dra. Vicki.

Kapansin-pansin din sa bagong bersyon ng recording na may pagkakaputul-putol din ito. Mas malinis nga lang. Mahahalata kasing may biglaang pagbabago ng topics ng mga nag-uusap at may pagbabago sa lakas at hina ng tunog ng recording.

PAGLILINAW NG PEP. Hindi mailalabas ng PEP ang kabuuan ng mga pinag-usapan sa mas mahabang recording dahil naging kundisyon ng source na i-off the record ang mga parteng walang kaugnayan kay Lolit Solis. Heto ang ilang nilalaman ng recording:

- Mga plano ni Lolit at ng grupo kung paanong kukunin ang simpatiya ng publiko para kay Hayden.

- Ang pagpapaliwanag ni Hayden kay Lolit tungkol sa isang negatibong pangyayaring kinasangkutan nito at isang miyembro ng media. Ang pagpapaliwanag pa nito kung bakit niya kinukuhanan ng video ang mga pakikipagtalik niya. Sabi ni Hayden, ang mga video ay mistulang diary niya o remembrance ng mga experiences niya na dapat ay walang makakitang iba kundi siya lang. Ang pagdya-justify niya kung paanong wala siyang kasalanan sa mga kumakalat ngayong video.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

- Ang pagpapayo ni Lolit na maging repentant si Hayden at aminin nito ang lahat ng kasalanan. Sinabi ng talent manager na tinatanggap ng lipunan ang pagsisisi at mga aktong nagawa lang "in the name of love."

- Pagkukuwento ni Hayden sa grupo, kabilang pa rin si Lolit, kung paanong nabuo ang relasyon nila ni Katrina na aniya'y puro sex at drugs lang.

- Mga hakbang sa hearing nila sa NBI at pakikipag-usap ni Lolit sa cell phone sa isang taong pinaniniwalaang si Sen. Bong Revilla.

- Mga plano nina Lolit, PR man Reli German, at Atty. Kapunan kung paanong haharapin ang media, at ang pag-amin ni Lolit sa "crisis management" role niya kay Katrina.

- Kung paanong ina-apply lang lagi ni Lolit ang mga natutunan niya sa kinasangkutang scam noon. (Ang tinutukoy ay ang iskandalo sa 1994 Manila Film Festival, kunsaan inamin ni Lolit na siya ang utak sa pag-utos kina Ruffa Gutierrez, Ms. Mauritius Viveka Vavajee at iba pa, na sabihin ang pangalan ni Gabby Concepcion, na talent niya noon, bilang nagwagi sa kategoryang Best Actor, imbes na si Edu Manzano, ang tunay na nagwagi.) Ani Lolit, nalampasan niya ang gusot na ito noon sa pamamagitan ng pag-amin sa kasalanan niya at pagpapakumbaba. Ito raw ang dapat gawin ngayon ni Hayden.

- Dahilan ni Dra. Vicki kung bakit niya kinuha si Lolit para sa kampo ni Hayden. Si Lolit daw ang in-charge sa "emotional" battle ng kampo, habang sina Atty. Kapunan sa legal battle. Sinabi ni Dra. Vicki na para sa kanya, mas importante ang "emotional" battle kaysa sa legal.

- Sinagot naman ni Lolit na ginagawa lang niya ang pagtulong kina Hayden, habang tumutulong pa rin kay Katrina, dahil sa pagmamahal niya kay Vicki bilang kaibigan.

- Pagbibiruan nina Lolit at Dra. Vicki sa mga alaga nilang nagga-"grandstand" sa isyu ni Hayden. Vicki: "'Nay, mga alaga mo yan, alaga ko din, ano bang ginagawa nila sa 'kin? Kausapin mo nga... Kung hindi si Bong [Revilla], si Ipe [Phillip Salvador]. Ano ba 'yan, 'Nay!" Lolit: "Naku, hayaan mo na nga silang mag-grandstand. Nandito na nga ako sa ano, 'no, hayaan mo na sila. Basta makakita lang tayo ng window, basta, hayaan mo na..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

- Ang alibi ni Lolit na dahil kay Dra. Vicki na "woman in love" kay Hayden kaya niya ipagtatanggol si Hayden.

Sa hiwalay na panayam kay Lolit ng PEP, nilinaw nitong wala naman silang pormal na kasunduan nina Katrina tungkol sa pagtulong niya rito. Aniya, tinanggap lang niya ang pag-crisis management dito dahil na rin sa manager nitong si Direktor Rommel Gacho at dahil sa pag-aakalang okey na si Katrina kay Dra. Belo matapos umamin at humingi ng tawad si Katrina noong Disyembre dahil sa pakikipagrelasyon nito kay Hayden.


"Nag-hire na wala. On record, lahat ng tulong ko [kay Katrina], dahil kay Rommel. E, si Rommel, kasama ko 'yan sa Startalk for thirteen years. Nag-ask siya ng help na i-crisis management si Katrina matapos na umamin dun sa relationship niya with Hayden. Wala akong natanggap dun.

"At nung tinanggap ko ang pagtulong kay Katrina nung January, inisip ko na okey lang, kasi kinuha uli ng Flawless na endorser si Katrina. E, Flawless is 50 percent Vicki Belo," sabi pa ni Lolit.

Kaya naman hindi nag-atubili si Lolit na magbigay sana noon ng tulong kay Hayden (nang kumbinsihin siya ng kaibigan niyang si Dra. Belo), dahil wala naman daw siyang commitment kay Katrina. Nilinaw rin niya ang tungkol naman sa sinabi noon ni Mrs. Kho na siya ang nag-script sa pag-iyak ni Katrina.

"Ang sabi ko lang sa kanya [Mrs. Kho], sinabi ko lang kina Rommel na si Katrina, playful ang eyes niyan, e. 'Tapos pabakla pa nga 'yan kung magsalita. Ang sabi ko kina Rommel, mas mararamdaman ng mga tao na apektado talaga siya ng mga nangyayari kung iiyak siya."

Hindi na rin daw siya nag-crisis management kay Katrina noong pumutok na ang sex video scandals na kinasangkutan nito. "Nagpayo lang ako."

Sa apat na dekada ng career ni Lolit bilang showbiz writer at publicist, bahagi na ng trabaho niya ang crisis management at pagpapaganda ng imahe ng mga kliyente niyang artista. Isang katibayan ng kahusayan niya sa pagpapabangong muli ng imahe ng isang tao ay ang sarili niya mismo. Maaalala nating nakabangon siya mula sa kontrobersyang kinasangkutan noong 1994 Manila Filmfest scam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Base sa na-i-record na pag-uusap, batid ni Dra. Belo ang kahalagahan ng talent ni Lolit sa pagkuha ng simpatiya ng publiko para kay Hayden. At kinunsulta pa rin niya si Lolit kahit na naroon na nga sa kampo ni Hayden ang PR man na si Reli German para sa crisis management, at si Atty. Kapunan naman para sa legal battle ni Hayden.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN