Family of Ruby Rose Barrameda-Jimenez identifies her remains

IMAGE 0


The body of Ruby Rose Barrameda Jimenez (in photo), sister of former actress and beauty queen Rochelle Barrameda, has been identified by her family two years after her mysterious disappearance.


Kinumpirma ng pamilya Barrameda na ang bangkay na isinilid sa isang drum at isinimento at inilagay sa isang steel box ay kay Ruby Rose Barrameda Jimenez, ang nawawalang kapatid ng dating beauty queen at aktres na si Rochelle Barrameda. Natagpuan ang bangkay ni Ruby dalawang taon matapos ang misteryosong pagkawala niya.

Ayon sa panayam ng GMA News kay Rochelle, natukoy nila na ang bangkay sa loob ng dalawang toneladang steel case ay walang iba kundi si Rochelle sa pamamagitan ng suot nitong khaki na slacks, stripes na shirt, at hikaw. Kinumpirma rin ito ng Philippine National Police Crime Laboratory sa pamamagitan ng dental record ni Ruby. Naiahon ang steel box sa karagatan sa bandang Navotas kahapon, June 10.

Isang impormante raw na nasa custody ng pulisya ang nagturo sa kinaroroonan ng steel case. Ito rin ang nagsabi na bangkay ni Ruby Rose ang nakasilid dito.

Noon pang March 14, 2007 nang mapaulat na nawawala si Ruby Rose. Nag-alok ng P500,000 na reward ang pamilya niya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan nito. Pinaniniwalaan na dinukot si Ruby sa isang lugar sa Alabang, Muntinlupa.

Nilibot din noon si Rochelle sa iba't ibang TV programs upang manawagan sa kanyang nawawalang kapatid. At pagkatapos nga ng mahigit dalawang taon ay natapos na ang kanilang paghahanap, ngunit hindi nila akalain na ganun ang sasapitin ni Ruby.

Kuwento ni Rochelle, may pangitain na ang kapatid niya kung paano siya mamamatay.

"Naging biruan namin 'yan, e. Biruan namin na, 'Hoy ha, pag mawala si Ate o ako, pag may nakita kayong drum sa ilog o sa dagat, kunin n'yo, baka kami na 'yon," kuwento ni Rochelle.

THE SUSPECTS. Malaki ang paniniwala ng pamilya Barrameda na ang asawa ni Ruby na si Manuel Jimenez III ang nasa likod ng malagim na sinapit ng kapatid. Nasa custody ni Jimenez ang dalawang anak nila ni Ruby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpupuyos sa galit si Rochelle nang ma-interview siya ng media kahapon pagkatapos matagpuan ang steel case na kinaroroonan ng bangkay ng kanyang kapatid.

"Ang kapal-kapal ng mukha ninyo para sabihing wala kayong alam! Ang kapal ng mukha n'yo! Sana kung anuman ang nararamdaman namin, maramdaman n'yo rin, maramdaman din ng pamilya n'yo!" mariing pahayag ni Rochelle tungkol sa pamilya ng asawa ng kanyang kapatid.

Pero pinabulaanan naman ng abugado ni Manuel Jimenez III na si Mario Aguinaldo na may kinalaman ang kanyang kliyente sa sinapit ni Ruby. Ayon sa abugado, napatunayan daw na walang kinalaman si Manuel sa isinagawang imbestigasyon noon ng National Bureau of Investigation (NBI).

THE ACCEPTANCE. Kaninang umaga, June 11, ay nakapanayam ni Arnold Clavio sa pamamagitan ng telepono si Rochelle sa morning program ng GMA-7 na Unang Hirit.

"Napakahirap para sa amin. Hanggang ngayon, yung acceptance, mahirap," sabi ni Rochelle nang kumustahin ni Arnold ang kalagayan ng kanilang pamilya pagkatapos nilang matagpuan ang bangkay ni Ruby.

May denial pa ba sa pamilya nila sa sinapit ng kanyang kapatid?

"Hindi na," sagot ng aktres. "Pero we're trying na unti-unting matanggap. Yun na lang ang ipinagdadasal namin, na i-guide niya kami sa laban na ito. Kasi nag-uumpisa pa lang kami ngayon."

Tinanong ni Arnold si Rochelle kung may naikuwento ba ang witness nila, na siya ring nagturo ng kinaroroonan ng bangkay ni Ruby Rose, kung sino ang nag-utos sa pagpatay sa kanyang kapatid.

Banggit ni Rochelle, ayon daw sa mga opisyales na humahawak ng kasong ito, "may nabanggit po siya [witness] talagang nag-usap sa kanya at nakausap siya mismo si Atty. Manuel Jimenez, ang father-in-law ni Ruby Rose... Na, kailangan, kung ano yung dapat gawin kay Ruby, yung tulad ng gawain dati na malinis, na walang trace."

Ipinalinaw ni Arnold kay Rochelle kung ang tinutukoy niyang Manuel Jimenez ay ang ama, at hindi ang asawa ni Ruby Rose. Kinumpirma naman ito ng aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THE HUSBAND & HIS FAMILY. Ano sa palagay nila ang dahilan kung bakit ganun ang sinapit ng kanyang kapatid?

"Yun nga po yung isa rin sa mga hindi namin matanggap," sabi ni Rochelle. "Tumira si Ruby sa kanila for seven years, trinato silang pamilya. Hindi namin akalain na sila rin ang papatay sa kapatid ko.

"Siguro po, isa po sa rason is first time na lumaban, o may pinanindigan si Ruby nung time na sinaktan siya ng asawa niya. Nag-file siya ng kaso against sa husband niya, kay Manuel Jimenez III. Nung January 21, 2007, nag-file siya ng kanyang Temporary Protection Order at habeas corpus dahil nga hindi na ipinakita sa kanya ang mga anak niya. So, first time na nangyari 'yon. Dahil alam ko kung ano ang gusto ng pamilyang 'yon, sinusunod ni Ruby."

Ayon kay Rochelle, hindi lamang ang asawa ni Ruby ang may kinalaman sa pagkamatay ng kapatid kundi ang buong pamilya nito.

"Nangyari din po yung pagpatay kay Ruby mismo din sa lugar nila sa Navotas," sabi ni Rochelle.

RUBY'S TRAGIC DEATH. Inilarawan din ng aktres ang hitsura ng kapatid nang makita nila ito.

"Noong una po, hindi ko alam na naka-posas. Ang alam ko lang nakatali, sinakal, may parang lubid o belt sa leeg niya. Pero noong nakita ko yung video doon sa phone ng kapatid ko, may plastic din yung mukha niya na tape, naka-posas nga yung kamay niya. So, hindi ko rin alam kung ano talaga ang pinagdaanan ng kapatid ko. Anong klaseng paghihirap yung ginawa nila," lahad ni Rochelle, na sa puntong ito ay maririnig na ang pag-iyak.

Patuloy niya, "Natatandaan ko na may nasabi rin yung witness na bago patayin si Ruby, kung gusto n'yo na kung ano pa ang gawin n'yo, galawin n'yo o ano.' Pero sabi naman ng doktor, wala namang nangyaring gano'n."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong nilagay ba si Ruby sa drum, buhay pa siya o wala nang buhay? tanong ni Arnold.

"Sinakal na daw po. Patay na siya nung nilagay sa drum," sagot ni Rochelle.

FIGHT FOR JUSTICE. Ano na ang pagtutuunan ng pansin ng pamilya Barrameda ngayong natagpuan na ang bangkay ni Ruby Rose?

"Pagdating po sa kaso... Kasi talagang ano namin ngayon, yung mabigyan namin ng maayos na libing [si Ruby Rose]. Makasama din niya yung mga kamag-anak, kaibigan namin na up to now sumusuporta sa amin.

"Pagdating po sa legal matters, humihingi ako ng tulong, lalo na po kay Chairman Dante Jimenez ng VACC [Volunteers Against Crime and Corruption] na tulungan kami, yung legal matters. Pati rin po yung kay General Roberto Rosales, kay Col. Francisco, Capt. Rodriguez... Kasi sila rin lang ang makakatulong sa amin pagdating dito," pahayag ni Rochelle.

Muling tinanong ni Arnold kay Rochelle kung paano nila natukoy na si Ruby Rose nga ang bangkay na nakasilid sa drum.

"Yung hikaw niya. Nakita ko rin, kasi hinubad yung t-shirt niya, so yung bra, nakita ko. At saka ano naman, buti na lang talaga, yung katawan niya, talagang makikilala mo pa. Hindi naman na-destroy yung... Talagang buo pa yung kanyang katawan. Kaya lang, mas gugustuhin ko na lang na i-closed casket para ma-remember siya ng mga kaibigan, mga kamag-anak namin kung ano talaga ang hitsura niya."

Sa pagkakaalam ni Rochelle, bakit ngayon lang lumantad ang witness pagkatapos ng dalawang taon?

"Alam ko po, matagal na rin po niya akong hinahanap. Pero wala lang po siyang alam na kung sino yung tamang tao na dapat niyang lapitan," sabi niya.

Tinanong din ni Arnold si Rochelle kung ano ang partisipasyon ng witness sa nangyari sa kanyang kapatid.

"Siya yung parang katiwala, right hand. So, alam niya kung ano mga nangyayari, at alam niya kung ano talaga ang nangyari kay Ruby," sagot ni Rochelle.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Muling iginiit ni Rochelle na sa paniniwala ng pamilya nila, ang asawa ni Ruby at ang pamilya nito ang may kagagawan sa malupit na sinapit ng kapatid.

"Opo, kasi wala naman po kaming ibang kaaway. Wala naman kaming naging kaso o ano man. Kumbaga, pinalaki kami ng mga magulang namin sa simpleng pamumuhay. Alam ko marami ang naiinggit kay Ruby dahil nakapangasawa ng mayaman. Pero ngayon, sana hindi na lang siya nakapangasawa ng ganung klaseng demonyo, anong klaseng pamilya meron, sobrang hindi makatao..." pahayag ni Rochelle.

Inaasahan ba nila na ganito ang mangyayari sa kanyang kapatid pagkalipas ng dalawang taon?

"Alam mo, sabi ko nga, akala ko maniniwala na ako sa perfect crime, e. Kasi talagang for two years, wala talaga siyang lead. Ang daming authorities na humahawak, pare-pareho silang suspects, pero wala talagang lead," saad ni Rochelle.

LATEST DEVELOPMENTS. Sa pinakabagong kaganapan, nakatakdang sampahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kasong murder ang pitong suspects sa pagpatay kay Ruby Rose. Ito ay sina Manuel Jimenez II, ang father-in-law ng biktima; ang kapatid nitong si Lope Jimenez, may-ari ng Buenas Suerte Fishing Trading Corp., kung saan diumano nito pinatay ang biktima; at limang iba pa.

Hindi pa raw kasama sa ngayon sa kaso ang asawa ni Ruby na si Manuel Jimenez III dahil hindi naman daw ito itinuturo ng witness.

Nakaburol ang mga labi ni Ruby Rose sa Manila Memorial Park sa ParaƱaque City. At gaya ng kahilingan ni Rochelle, closed casket ang magiging burol ng kapatid dahil sa matinding pinsala sa katawan nito.

Sa Lunes o Martes sa susunod na linggo itinakda ng pamilya ang libing ni Ruby Rose.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN