Akma ang pangalang ibinigay kay Faith Anne Mier.
Sa bigat kasi ng pinagdaanan niya, hindi nawala ang kanyang paniniwala.
Kahanga-hanga ring hindi niya itinuring na sagabal ang sitwasyon ng kanyang pamilya, bagkus, naging motibasyon niya ito para kunin ang kursong Bachelor of Science in Psychology.
Si Faith ay 22-anyos, bunso sa dalawang magkapatid, at residente ng Marulas, Valenzuela City.
Nag-graduate siya noong Hulyo 2026 sa Our Lady of Fatima University–Valenzuela Campus bilang cum laude.
Top 6 siya sa September 2026 Psychometricians Licensure Examination, at may rating na 93.20 percent.
Read: PHP500K penalty for refusing to accept national ID, says Atty. Chel Diokno
Faith Anne Mier’s early exposure to mental HEALTH issues
Sa kabila ng kanyang konting agam-agam ay nagbigay si Faith ng pahintulot na makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) last October 16, 2026, via Facebook Messenger.
Pagbabahagi niya: “Lumaki ako sa isang broken family. Ang aking nanay ay isang small business owner at ang aking tatay ay unemployed due to his mental health condition.
“From a young age, I grew up in an environment believing that life is not rainbows and butterflies.
"Ipinagbubuntis pa lamang ako ay na-diagnose na ang aking ama ng schizophrenia, bipolar, substance use disorder, at iba pang malubhang mental health conditions.
“Kalaunan, ang nag-iisa ko namang Ate ay na-diagnose din ng bipolar disorder.”
Pero hindi siya salat sa pagmamahal, at ito ang dahilan kaya hindi siya nagdalawang-isip na pag-aralan ang kondisyon ng kanyang ama at ate.
"Sa kabila ng kanilang mga kalagayan, nananatili pa rin silang mapagmahal sa akin.
“Kaya naman iyon ang nagtulak sa akin na kumuha ng kursong psychology.
“Gusto kong mas maunawaan nang malalim ang mga mahal ko sa buhay para alam ko kung paano sila tutulungan at aalagaan.”
Dagdag pa niya, “Hindi lamang para sa sarili kong pamilya, kundi pati na rin sa ibang tao na patagong nilalabanan ang kaparehong suliranin.”
Read: Raymor Cuevas: UP cum laude who brings education to social media
FAITH ANNE MIER lived on her own WHILE IN COLLEGE
Bukod sa predikamentong bumabalot sa kondisyon ng kanyang mga mahal sa buhay, marami ring naging sagwil sa buhay-kolehiyo ni Faith.
“Hindi naging madali ang pag-aaral ko ng kolehiyo dahil ako ay nag-‘solo living’ at magkakahiwalay na kaming pamilya.
“Dagdag pa rito ang mga sunud-sunod na gastusin—given pa na nag-aral ako sa isang pribadong unibersidad.”
Pero buo ang paniniwala ni Faith na inaalalayan siya ng Diyos sa kanyang journey.
“But God provided. Nabiyayaan akong makatira sa subsidized dormitory ng aming local church.
“Gumamit din si Lord ng mga tao at community na umalalay at sumuporta sa akin.”
Nakatulong din sa kanya ang scholarship grants na nakuha niya mula sa Department of Science and Technology (DOST) at sa university.
“Ganun din ang tulong ng mga mabubuting puso mula sa aming simbahan na nag-sponsor sa aking mga pangangailangan.
“Blessing din ang support system na ibinigay sa akin ni Lord to support me.”
Ani Faith, higit sa lahat, dasal at pananampalataya ang tunay na sumalba sa kanya.
“Sa bawat oras na napapagod at nagdududa ako, kailanman ay hindi Niya ako pinabayaan.”
FAITH ANNE MIER's PREPARations FOR BOARD EXAM
Pagtatapat ni Faith, hindi talaga kasama sa original plan niya ang mag-take ng board exam ngayong 2026.
“Last-minute decision lang ito dala ng pagpu-push sa akin ng mga professors at kaibigan ko na buo ang tiwala sa akin, at sa realization na sayang ang panahon kung pangungunahan lamang ako ng takot at kawalan ng kumpiyansa.”
At dahil late na siyang nagdesisyon na mag-take ng board exam: “One to two months na lang ang natira sa akin para mag-review.
“Nag-enroll ako sa review center kahit kalagitnaan na at marami na akong na-miss na lectures.”
Bukod doon ay nagkasunud-sunod pa aniya ang mga aberya.
“Nagkaproblema sa releasing ng documents sa school, naubusan ng slot sa PRC appointment, at marami pang hindrances.
“Ilang beses kong naisip sumuko at sinabing, ‘‘Wag na lang muna.’ Pero lagi ring ipinapaalala sa akin na, ‘God can do so much with the little that I have.’
“Kaya kahit mukha nang imposible sa mga mata ko, pinilit kong ilaban habang bitbit ang suporta at paniniwala ng mga taong nakapaligid sa akin.”
Ani Faith, nasorpresa siya na hindi siya gaanong nahirapan sa mismong board exam.
Ang kanyang rason—at importante ito para sa iba pang board takers—ang preparasyon ay hindi nagsisimula during the review period.
“Napatunayan kong totoo ang sinasabi ng marami—ang totoong paghahanda sa board exam ay hindi lang yung ilang buwan, kundi ang mismong apat na taon mo sa kolehiyo.
“Yung mga pinaghirapan mong aralin noong college, yun pala ang totoong magiging pundasyon mo.”
“Siyempre, may ilang tanong pa rin na talagang hindi ko alam kung paano sasagutin, pero kinaya po naman.”
FAITH ANNE MIER just wanted to PASs THE BOARD EXAM
Nag-aspire ba si Faith na maging topnotcher: “Dati pangarap ko yun, sino po ba ang hindi?
“Pero habang nagre-review ako under so much stress and many hindrances, isinuko ko na.
“Inisip ko, 'Lord, one to two months lang ang review ko, makapasa lang ako, sobrang bonus na yun.'”
Pagsusuma pa niya: “In reality, hindi sapat yung ganun kaikling panahon for such a big achievement.
“But guess what? Faith can really move mountains. Kung ano yung binitawan ko, yun pa ang ibinigay Niya.”
Kaya naman nang lumabas na ang resulta at Top 6 siya: “Sobrang overwhelmed! Mixed emotions po—saya, gulat, at overflowing gratitude.
“Hindi ko talaga maipaliwanag!
“Ang galing lang, kasi yung mga bagay na akala mong malayo at imposible, kaya Niyang gawing posible. Yung mga moments na akala mo ay hindi para sa iyo, ibibigay pala ni Lord nang higit pa sa inaasahan mo.”
FAITH ANNE MIER PLANS TO PURSUE MEDICINE
Inihandog ni Faith ang kanyang tagumpay una sa Diyos.
“At sa pamilya ko, sa mga taong nagmamahal at naniwala sa akin, at siyempre, sa batang ako.
“If I could talk to the younger Faith, yung maliit na bata na lumaki sa environment na magulo at punung-puno ng uncertainties, siguradong hindi siya maniniwala sa mga ikukuwento ko ngayon.
“From a traumatic childhood to being God’s topnotcher. He can really turn the broken pieces of our lives into something beautiful—a God-written story and a living testimony of His faithfulness.”
Sa ngayon ay binibigyan muna pansamantala ni Faith ang sarili ng time na makapagpahinga at mag-recharge. Pero buo ang loob niyang tahakin ang mas malawak na landas.
“To keep myself productive, nagtayo ako ng small business at kasalukuyang nagte-train to work as a behavioral therapist.
“Nagre-review rin ako ngayon para sa National Medical Admission Test [NMAT] this coming January 2027 dahil plano ko pong pumasok sa medical school sa susunod na school year upang maging isang ganap na doktor.”
Ang kanyang payo sa mga kabataang gustong makatapos ng pag-aaral sa kabila ng napakaraming pasanin sa buhay: “Kapag pakiramdam mo ay napapagod ka na at gusto mo nang sumuko, laging bumalik sa iyong 'Why.'
“Bakit mo nga ba sinimulan ito? Bakit ito ang napili mong landas?
“Kanya-kanya man tayo ng kuwento ng pagsusumikap, lahat tayo ay may inilalabang pangarap.
“‘Wag mong ikumpara ang sarili mo sa takbo ng mundo— trust your own rhythm and timeline.”
Matatas pa niyang sambit: “Tandaan mo na ang kursong ito ay hindi mo lang ginagawa para sa sarili mo, kundi para sa maraming tao na naghihintay mapakinggan at matulungan.
“Have faith in the future professional that you are becoming, and to your younger self who has always been a dreamer.”
