Richard Gutierrez: "Kung gusto nila talaga ng hustisya, bakit pa nila kailangang magpa-presscon?"

IMAGE 0


"Aksidente po ang nangyari. Hindi ko po intensiyon na mangyari ito. Hindi ko gusto. Pati po ako nawalan ng kaibigan kaya malungkot din po ako sa mga nangyayari," says Richard Gutierrez.


Kasama kahapon, July 25, ni Richard Gutierrez sa thanksgiving party para sa successful run ng pinagbibidahan niyang action-fantaserye sa GMA-7 na Zorro ang kanyang mga magulang na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama. Naroroon din ang kanyang legal counsel na si Atty. Agnes Maranan at ang law-firm partner nito na si Atty. Hans Santos.

Sina Atty. Maranan at Atty. Santos ang magtatanggol kay Richard sa kaso ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide na isinampa ni Lorayne Pardo laban sa aktor. Si Lorayne ang naulilang asawa ni Nomar Pardo, ang personal assistant ni Richard na namatay sa aksidente na nangyari sa Silang, Cavite, noong May 22, 2009.

Sa exclusive interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Lorayne noong Biyernes, July 24, sinabi nito na katarungan para sa pagkamatay ng asawa ang kanyang hinahanap. Hindi rin daw siya papayag na makipag-areglo kay Richard at sa pamilya nito. (Click here to read related story.)

Isang malungkot na Richard ang nakausap ng PEP kahapon dahil ikinagulat niya ang balita na idinemanda siya ng asawa ni Nomar. Nalaman ni Richard ang ginawa ni Lorayne noong Biyernes ng gabi.

RICHARD'S VERSION. Sinabi ni Richard ang kanyang saloobin at mga pangyayari mula nang maganap ang aksidente na nagdulot sa kanya ng trauma.

Kuwento ng aktor, "Ang totoo po niyan, after I got out of the hospital, dumiretso ako sa wake ni Nomar. During that time po, I was in a lot of emotional stress, trauma, dahil sa nangyari. Fresh sa akin ang lahat ng nangyari. Hindi ako makapaniwala na wala si Nomar. Kumbaga, nandoon ako sa wake para magdasal at makiramay.

"Noong panahon na nandoon ako sa wake, tinabihan ako ni Lorayne at noong sinabi ko na condolence sa kanya, wala siyang balik sa akin. Wala siyang sinabi man lang. Na-shock ako dahil yung reaction niya sa akin, parang may galit siya, ganoon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, sa dami-dami ng iniisip ko, sa dami-dami ng nararamdaman ko, sinabi niya sa akin na gusto raw niya akong makausap sa likod na kuwarto. Para sa akin po, hindi po 'yon ang tamang panahon, hindi 'yon ang tamang oras at tamang lugar para magkausap kaming dalawa. Kaya sinabi ko po sa kanya, 'Lorayne, pagbigyan mo ako ngayon pero next time, mag-usap tayo. Huwag ngayon, marami pa akong pinagdadaanan at hindi ito ang tamang lugar.'"

Patuloy ni Richard, "Pagkatapos po ng usapan na 'yon, hindi ko na po siya nakausap. Hindi naman siya nag-text o tumawag. Alam po ng dad ni Nomar [Mr. Ramon Pardo] kung saan ako makokontak. Hindi po nila ako kinontak."

AFTER NOMAR'S CREMATION. Sinabi rin ni Richard na pagkatapos ma-cremate ang mga labi ni Nomar ay nag-offer daw sila ng tulong, pero tinanggihan daw ito ng pamilya ni Lorayne.

"Nag-reach out nga kami," sabi ni Richard. "Gusto naming tumulong. Gusto kong pagradweytin yung anak ni Nomar hanggang college. Tinanggihan nila. Tinanggihan nila yung tulong namin. Gusto pa naming magbigay ng monthly... Kung ano yung nakukuha ni Nomar na monthly na suweldo, ibibigay ko po 'yon, for three years, para support sa mga bata. Tinanggihan po nila 'yon. Dahil po doon, siyempre, nasaktan ako. Nasaktan ang pamilya ko.

"Actually, right after na lumabas ako sa ospital, I gave public statement na sinasabi ko na gusto kong tulungan yung mga anak ni Nomar, gaya ng sinabi ni Nomar na matupad yung pangarap niya na mapaaral yung mga anak niya. Naging public naman ako. Sinabi ko na po 'yon noon na gusto kong tulungan na paaralin yung mga anak ni Nomar. Pero yun nga po, sabi ng lawyer ko, ni-reject yung offer namin dahil gusto nila ng mas malaking amount ng pera," saad ng aktor.

THE REVELATION. Isiniwalat din ni Richard na siya ang nagpapaaral sa panganay na anak ni Nomar na si Don Enrique, 5, ngayong taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang hiningi lang sa akin ni Nomar bago siya pumanaw," ani Richard, "ay maka-graduate yung mga anak niya ng college. Yun lang daw yung gusto niyang mangyari sa mga anak niya. Yun ang tulong na gusto kong ibigay from the very start. Yun ang nasa puso ko, 'yon ang alam ko na tama na gawin.

"Aside from the educational plan, sinabi rin namin na ibibigay namin ang suweldo ni Nomar, monthly, hanggang three years. Three years of monthly na suweldo ni Nomar, ibibigay rin namin. Tulong sa mga bata... Tinanggihan nila lahat 'yon. Tinanggihan po nila lahat ng gusto kong tulong na ibigay sa kanila. Dahil ang gusto po nila ay four million pesos na cash. Na napakabigat at hindi ko alam kung saan nila nakuha yung four million cash.

"Para sa akin, kung ano yung nasa puso ko, 'yon ang gusto kong ibigay sa kanila dahil tumutulong ako sa pamilya nila bago pa pumanaw si Nomar at alam ni Lorayne 'yon. "

Aminado si Richard na disappointed siya na kailangan pang humantong sa demandahan ang sitwasyon.

"Hindi ko alam kung paano napunta sa ganitong klaseng sitwasyon na kailangan pa nila na magpainterbyu sa TV, i-announce sa TV na magsasampa sila ng kaso? Kung gusto nila talaga ng hustisya, bakit pa nila kailangang magpa-presscon? Bakit hindi na lang sila magsampa ng kaso? Ang ibig sabihin, gusto rin nila na i-damage yung image ko, di ba?

"Mahirap na hindi sumagi sa isip ko na may mga tao sa likod ni Lorayne, pero now I don't wanna make statements regarding that. Pero I will admit, minsan dumadapo 'yon sa isip ko."

RAMON PARDO'S ACCUSATION THAT HE NEVER SAID SORRY. Hiningi rin namin ang reaksiyon ni Richard sa sinabi ng ama ni Nomar na si Mr. Ramon Pardo na hindi man lang nag-sorry ang aktor sa nangyari. (Click here to read related story.)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nasasaktan ako sa ginawang statement ng tatay ni Nomar," pag-amin ni Richard. "Maayos na maayos po yung pag-uusap namin. Ang pagtingin ko sa kanya, ang respeto ko sa kanya napakataas dahil paulit-ulit niya akong sinasabihan na, 'Huwag mong sisihin ang sarili mo, aksidente yung nangyari. Pare-pareho tayong nawalan.' Ganoon po yung mga sinasabi sa akin ng tatay ni Nomar.

"Nakapagtataka, hindi ko alam kung saan nila napulot na hindi man lang ako nag-sorry. Bakit ako pupunta sa wake kung hindi ako magso-sorry, kung hindi ako makikiramay? Nandoon po ako para makiramay at alam po niya 'yon. Kaya ngayon, nagtataka ako kung saan po niya napulot na hindi ako nag-sorry. Kasi noong panahon na nag-usap kami, mata sa mata.

"Kahit ngayon po, kaya kong humarap sa kanya, mata sa mata, lalake sa lalake. Alam ko po na nakiramay ako sa kanila nang maayos at nag-sorry ako," mariing pahayag ni Richard.

RICHARD'S APPEAL. Nagbigay rin ng kanyang pakiusap si Richard sa mga tao.

Aniya, "Gusto ko lang po malaman ng taumbayan na alam po nating lahat na aksidente ang nangyari. Nagkataon lang po na ako yung nabuhay. Nagkataon na ako yung nagda-drive. Baka kung hindi po ako ang nagda-drive, baka wala pong kaso ngayon.

"Aksidente po ang nangyari. Hindi ko po intensiyon na mangyari ito. Hindi ko gusto. Pati po ako nawalan ng kaibigan kaya malungkot din po ako sa mga nangyayari.

"For now, gusto ko pa rin tumulong sa mga anak ni Nomar. Pero dahil po nagsampa sila ng kaso at gusto nila akong makulong, unti-unti ko pong nare-realize na nire-reject nila yung tulong na gusto kong iparating sa kanila at ayaw nilang tanggapin yon. Wala na po akong magagawa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN