Aiza Seguerra wrote the only original composition in her new album for girlfriend Chen Sarte

IMAGE 0


"Masaya ako, e. Parang you don't want to do anything na ikasisira ng ikinasasaya mo. And of course, I have big respect for her, and love," says Aiza Seguerra about her relationship with girlfriend Chen Sarte (inset).


Masayang-masaya ang tinaguriang Asian Acoustic Sensation na si Aiza Seguerra sa launching ng kanyang bagong album under Star Records na pinamagatang Aiza Live, na ginanap nung Lunes ng gabi, August 10, sa Mugen Bar sa Metrowalk Ortigas. Pagkatapos kasi ng success ng kanyang certified platinum album na Open Arms, also from Star Records at ini-release pa internationally, natupad na sa bago niyang album ang matagal na niyang gustong gawin, ang magkaroon ng isang live album.

Kabilang sa mga tracks na nakapaloob sa live album na ito ang first single niyang "Anything For You" ni Gloria Estefan, ang version niya ng "Man In The Mirror" ni Michael Jackson, at ang sarili niyang rendition ng Eraseheads' hits gaya ng "Huling El Bimbo" at "Magasin."

Kasama rin ang mga awiting "Run Away," "Kiss From A Rose," "Ipagpatawad Mo," "Everytime," "Crazy Little Thing Called Love," "Bette Davis Eyes," "Paglisan," "Bilanggo," "Isipin Mo Na Lang," "Iris," at ang original composition ni Aiza na "Tanging Ikaw." Nakapaloob din sa CD ang limang bonus videos ng live performance ni Aiza during the album's recording sa Teatrino sa Greenhills.

"Actually itong Aiza Live, the songs are really...yun ang mga most requested songs sa mga gigs namin. Kaya nabuo 'yang konsepto na 'yan. Isinama ko yung banda ko dahil sila yung mga kasama ko every gig. So, ito talaga yung mga songs na lagi pinakamarami ang requests," pahayag ni Aiza nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) bago siya sumampa sa stage at mag-perform sa kanyang album launch.

SONG FOR CHEN. Happy rin si Aiza dahil present sa album launch ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at siyempre ang girlfriend niyang si Chen. Simula nang maging open si Aiza tungkol sa kanyang pagkatao at sa relationship nila ni Chen ay kapansin-pansing mas naging masaya at inspirado si Aiza. Kaya naman hindi maiwasan ng PEP na magtanong tungkol kay Chen.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kumusta naman si Chen?

"Okay naman siya," sagot ni Aiza.

Masaya naman sila together?

"Very, very."

Gaano na sila katagal?

"Five years."

Paano niya ide-describe yung relationship nila ngayon?

"Ang masasabi ko lang masaya. Kaya nga wala ka nang hahanapin pang iba."

Sa tuwing maglu-launch siya ng bagong album ay lagi siyang tinatanong kung anong song ang dedicated para kay Chen. Dito sa Live album niya, ano yung song niya para kay Chen?

"Actually, ito yun," sagot ni Aiza, na ang tinutukoy ay ang "Tanging Ikaw" na orginal composition ni Aiza na tamang-tama namang tumugtog habang ini-interview siya ng PEP.

Si Chen ba ang inspiration niya sa kantang "Tanging Ikaw"?

"Yes, I wrote it for her. 'Yan ang nag-iisang original sa album," banggit ng dating child wonder.

Katabi niya ba si Chen noong sinusulat niya ang kantang ito?

"No, tulog siya noon. Nasa baba ako."

Nasabi niya na ba kay Chen yung words na "Tanging Ikaw"?

"Oo, oo naman, lagi," sagot ni Aiza. "Actually, noong habang ginagawa ko itong kantang ito, umiiyak ako, e. Kasi ganun pala yun 'pag nandun talaga yung emotions. Nung first time ko ngang pinerform sa crowd 'yan, medyo nahihiya ako, e. Kasi I've done a few songs, pero parang ngayon pa lang ako nagsisimula sa songwriting. So, wala pa akong kapal ng mukha talaga na kapag inilabas mo, siyempre, kung anu-ano yung puwedeng sabihin ng mga tao. Pero happy ako sa song na ito."

Kapag gumagawa ba siya ng kanta, si Chen ba ang unang nakakarinig nito?

"Oo. Kasi ultimo revisions, kahit recording kasi, magaling yung tenga niya, e, and she also writes. Kapag gumagawa ako ng kanta, siya yung tinatanong ko, okay ba ito? Siya yung 'kulang sa ganito', o 'dagdagan mo ng ganyan'. Tapos, 'okay itong part na ito'. Ganun siya, objective siyang tumingin ng mga ganyan. Actually, para nga siyang si Mama [Caring, Aiza's mother], mag-criticize sa akin, e. Kumbaga, hindi siya takot sabihin kung saan yung kulang, kung saan maganda yung ginagawa ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HAPPY RELATIONSHIP. Aminado si Aiza na malaking parte na ng kanyang buhay si Chen at gagawin niya ang lahat para hindi masira ang relationship nila.

"Masaya ako, e. Parang you don't want to do anything na ikasisira ng ikinasasaya mo. And of course, I have big respect for her, and love."

So, never pa silang nagkaroon ng away o tampuhan?

"Sa lahat naman ng couples nangyayari yun, e. It's how you go through it that matters. Kumbaga, normal na magkaproblema. Kailangang ayusin n'yo."

Pero dumating na ba sila sa point na nagkaproblema sila at almost na-break na ang relationship?

"Wala," sagot ni Aiza. "Kasi ayaw naming mawala kami. So, we make it a point na after ng init ng ulo, sama ng loob, we work it out."

Kumusta naman yung relationship ni Chen sa parents niya?

"Very good. I mean, you can see them there [sabay turo ni Aiza sa table kung saan nag-uusap ang parents niya at si Chen]. Okay sila at yun ang para sa akin best blessing na puwede kong makuha, much more than successful career. Yung harmonious relationship sa bahay namin and pati ng family and her, ako rin with her family, yun yung 'the bomb!' Alam mo yun? Kasi I mean, lahat naman ng ito balewala e kung magulo kayo."

SONG FOR KRIS. Si Chen nga raw ang numero unong kritiko ni Aiza sa tuwing gagawa siya ng kanta. Si Chen din ang nakapagbigay ng idea sa kanya nang one time ay maimbitahan siya sa birthday episode ni Kris Aquino sa defunct show na Boy & Kris.

"Nag-guest po kami sa Boy & Kris noon, birthday ni Ate Kris. Tapos required kami to give her a gift. Parang sabi ko, 'Anong ibibigay kong gift kay Kris Aquino? Ano yung wala pa siya?' Alam mo yun, parang kumpleto na siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, sabi ni Chen sa akin, 'Why don't you make her a song?' Wala akong maisip anong song ang puwede kay Kris Aquino. So, ang sabi ni Chen sa akin, 'Try mo yung Kris Aquino as a mom.' Kasi, nakita ko rin how she is kina Baby James and Josh. Parang in spite of her fame, of her being successful, e, very motherly siya. Talagang may time talaga na yayakapin niya ang anak niya. Kumbaga sa mata ko, very refreshing yun," lahad ni Aiza.

Ano naman ang reaksyon ni Kris sa ibinigay niyang gift?

"Akala nga niya, 'Oh, you burn me a CD of songs.' Hindi, sabi ko, I wrote you a song. 'Sosyal!' sabi niyang ganun sa akin."

Ano ang title ng ginawa niyang song for Kris?

"Walang title yun, e, 'Lullabye' lang ang tawag ko. Kasi nga na-inspire lang ako sa pagiging mother ni Ate Kris."

SINGING FOR CORY. Ang naturang kanta na regalo niya kay Kris ay inawit muli ni Aiza along with another song, "Ugoy ng Duyan," last August 3 sa Manila Cathedral sa burol ng pumanaw na ina ni Kris na si dating Pangulong Cory Aquino.

Ano ang feeling niya na isa siya sa mga singers na kumanta para kay Tita Cory?

"Siyempre, very honored na nandun ako," sagot niya.

Nandun ba si Kris nang kumanta siya?

"She was there. Pero, siyempre, busy siya. At saka medyo mahina yung sounds. But she knows I'm there singing."

Ano naman ang impression niya kay Tita Cory?

"Malaki ang paghanga ko kay Tita Cory kasi lider siya, e, tapos nanay. Iba yung lider na nanay, amazing yun. Kasi mahirap nang maging nanay, e, tapos maging pinuno ka pa," saad ni Aiza.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN