Robin Padilla impressed by Indian culture

IMAGE 0

"Doon kasi, meron silang mayaman na mayaman, at meron ding mahirap na mahirap. Pero ang nakakabilib sa kanila, walang nagugutom. Mahirap man, meron silang nakakain. Nakakakain sila ng tatlong beses sa loob ng isang araw. Sobrang mura ng pagkain sa India. Alam ng gobyerno nila na ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan nila ay ang pagkain," says Robin Padilla about India during his three-week stay there.


Kagagaling lang ni Robin Padilla mula sa Alipur, India, sa imibitasyon na rin ng R.R. Foundation ng Raza's Group of India, isang Indian-based company na involved sa iba't ibang klase ng negosyo.

"Foundation day po kasi ng school nila roon, yung Noble School-Alipur. Naimbitahan lang po akong magsalita na parang... hindi lang dito sa India ini-encourage ang hindi pinag-uusapan ang religion sa eskuwela. Dapat united tayo. Ang galing nga, dapat matuto tayo roon, e. Hindi isyu ang religion do'n [sa India]," kuwento ni Binoe kung bakit siya napunta ng India kamakailan.

May sarili rin kasing school si Binoe kung saan welcome ang mga estudyanteng Muslim at Kristiyano. Isang debotong Muslim si Robin mula pa noong 1996, binuksan niya ang Paaralan ng Liwanag ng Kapayapaan noong 2007 sa West Fairview, Quezon City. Mga bata mula sa edad tatlo hanggang pitong taon ang mga estudyante roon. Murang tuition fee, libreng pagkain at transportasyon ang ilan sa mga ibinibigay na tulong ni Robin sa mga batang anak ng mga hindi masyadong nakaaangat sa buhay na mga pamilya.

"Gusto ko nga sana, hanggang kolehiyo," paghahangad pang pagtulong ni Robin para sa mga batang nag-aaral sa kanyang school.

Sa presscon ng Monde-Nissin para kay Si Robin bilang bagong endorser ng SkyFlakes Crackers kahapon, August 11, sa Ascott Hotel sa Glorietta, Makati, naikuwento niya na bukod sa pagiging guest speaker niya sa Noble School-Alipur ay nag-aral din siya ng ancient Indian martial art na Kalaripaytt o Kalari Payat. Nanatili si Robin sa India mula July 17 hanggang August 9.

"Mas yun ngayon ang pinag-uukulan ko ng panahon. Kasi kasama yun sa journey ko as a martial artist." Banggit pa ni Robin, pinalalalim niya nang husto ang kaalaman niya sa martial arts. Matapos mag-aral ng iba't ibang martial arts tulad ng Arnis de Mano at Muaythai, ang ancient Indian martial art naman ang pinag-aaralan niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi po, sinasabi sa kasaysayan na ang martial art, nanggaling sa isang monk na galing sa India, na nagpunta sa China at nagturo sa mga Shaolin monks. Gusto ko lang pong pag-aralan yung pinakapinagmulan ng lahat ng martial art," paliwanag pa ni Robin. Ang dalang disiplina at pagbibigay ng "inner peace" ang mga dahilan kung bakit siya patuloy na nag-aaral ng iba't ibang martial arts.

Mas dito nga siya naka-focus ngayon kaysa ang natsitsismis na nakatakdang paglipat diumano niya ng istasyon. "Sa ngayon ho, may pag-uusap sa dalawang higanteng networks [GMA-7 at ABS-CBN], pero hindi ko na po pinapakialaman yun. Bahala na po ang manager ko na magpasya kung saan ako. Basta sa martial arts po muna ako."

HIS COMMERCIAL. Pero kahit na masasabing eksperto na sa martial arts at walang-takot sa paggawa ng sarili niyang stunts, kapansin-pansin na sa bago niyang TV commercial for SkyFlakes ay wala siyang ginawang action scenes.

"Kasi pag nag-a-action [scenes] kami, take one lang, tapos na. Ito pong commercial namin, mabusisi, ibang klase 'to. Take 25!" pagbubuko ni Binoe. Mukhang madali lang daw ang ginawa nila kung papanoorin. Pero ang totoo, binusisi raw talaga nila nang husto ang commercial, lalo na ng direktor nilang si Henry Fejas. "Yung amin pong director ay parang ang ating Hari ng Pelikulang Pilipino na si FPJ. Ganun pumorma," natatawang paglalarawan pa ni Binoe sa direktor ng komersyal niya.

Gustung-gusto raw ng tinagurian noong "Bad Boy of Philippine Cinema" ang kanyang TV commercial. Katunayan, maluha-luha raw siya nung nagda-dubbing siya para rito noon.

"Hindi naman po tumulo yung luha. Pero namuo lang. Kasi masyado ho akong naapektuhan nung komersyal. Pinag-isipan siya talaga nang mabuti. Pati yung bawat anggulo, bawat sinasabi...at higit sa lahat yung pagkakalagay nung music. Ang galing no'n. Sakto, e. Sakto lahat!

"Yung message niya, eksakto sa nangyayari sa ating bansa. Kaya ako ho'y wala yatang ginawa nung araw na yun kundi ang magpasalamat sa lahat ng tao. Pati yata hindi involved dun sa commercial, nagpapasalamat ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ganun din ho pati na yung ating mga kaibigan at kamag-anak, nag-aksaya sila ng text, kahit na nasa malayo akong lugar. Kahit na imbes na piso lang, sampung piso yata yun. Nagsasabi sila na, 'Pare, hanep yung commercial mo. Ang galing!' Bihira yun, e. Parang pelikula yung ginawa ko, na ganun ang kanilang pagbibigay ng papuri."

Sa commercial ipinakita ang pagpapayo ni Binoe sa isang baguhan na dapat mahalin at agapan ang ibinibigay na break sa kanila.

HIS BREAK. Naikuwento rin tuloy ni Binoe kung paano siya nagka-break sa showbiz.

"Si Direktor Artemio Marquez ang nagbigay ng break sa akin. Nakita niya yung talento ko nung minsang nag-double ako sa isang artista niya."

Bago nag-artista, pinasok muna ni Binoe ang pagiging stuntman. Ipinasok siya ng discoverer-mentor niyang si Deo J. Fajardo Jr. sa S.O.S. Daredevils, ang stuntmen company na pinagmulan din ng mga action stars na tulad nina Jing Abalos, Jess Lapid, Lito Lapid at pati na rin ni Fernando Poe, Jr.

"Kaya po siguro ako nagkaganito. Sa dami ng aking bali [sa katawan]." Nung panahon daw kasi ng pagiging stuntman niya, hindi uso ang cables at computer generated imaging or CGI. "Mga karton na kahon ang binabagsakan namin noon. Pag minalas-malas ka, sa semento ang bagsak mo. Isa po ako sa mga 'sinuwerte' noon na sa ganoon bumagsak," kuwento pa ni Binoe.

Pinangakuan si Robin ng break ni Artemio Marquez sa TV, at di nga katagalan, lumabas na siya sa isang episode ng Lovingly Yours Helen ng GMA-7, pero sa direksyon ni Argel Joseph. Lumabas na rin siya pagkatapos sa Pinoy Thriller ng IBC 13 nung late 1980s.

Pero bago pa siya nagpasyang mag-artista, nangarap din noon si Robin na maging pari.

"May pari kasi noon nung nasa Baste [San Sebastian College, kunsaan siya nag-grade school] pa 'ko na lagi akong sinasalo. Kasi naging problema rin ako noon sa Baste. So hinangaan ko siya nang husto't siyempre, pag bata ka't may hinahangaan ka, gusto mong maging katulad niya. Hindi ko na matandaan ang pangalan niya, Espanyol, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi nga lang daw natuloy ang kagustuhan niyang maging pari dahil hindi pumayag ang kanyang mga magulang na noong nanirahan na sila sa Baguio ay niyakap na ang relihiyong Saksi ni Jehovah.

"Pinangarap ko rin noong maging boxer, kaya lang ayaw rin nila. Doon na lang ako nagpasyang maging artista na lang. Yun, pumayag na sila."

At bilang pagbabalik sa nangyari sa kanyang break na naging daan sa pagsikat niya bilang artista, hindi niya rin nalilimutan ang pagtulong sa ilang maliliit at mga bagong pasok sa show business sa pamamagitan ng pagbibigay rin ng mga break sa mga ito.

"Before 1996, masaya ang stuntmen noon. Laging may trabaho. Noong 1990, career ang tingin namin noon sa stunts. Hindi lang basta trabaho na pangtawid. Career talaga. Lifetime. Pero noong mauso na ang CGI, naging malungkot ang stunts.

"Noong ginagawa ko ang Totoy Bato, dumating sa point na gumawa na ako ng sarili kong stunt team. Nabigyan po natin ng break yung mga dati nating Olympians na hindi na naglalaro at lipas na. Marami po tayong natulungan, mga boxers, mga nagmu-Muaythai. Pati na rin yung mga nagdyi-gymnastics natin."

IMPRESSIVE INDIA. Patuloy sa pagkukuwento si Binoe ng paghanga niya sa India sa tatlong linggong pamamalagi niya roon.

"Alam nyo, sobra ang pagiging makabayan nila roon. Noong nagpunta ako ng Thailand para mag-training sa martial art, akala ko, matindi na ang pagiging nasyonalismo nila roon. Mas matindi pala sa India. Makikita nyo sa mga pelikula nila, kahit na moderno, nandoon pa rin yung pagmamahal nila sa kultura nila.

"Alam nyo sa tingin ko, yun ang nawawala sa atin. Yung pagmamahal natin sa sarili nating kultura. Aminin na natin, hindi na natin kilala ang sarili nating kultura. Yung mga sayaw natin, yung mga laro...wala na. Siguro mas dapat pa nating mahalin ang kultura natin."

Isa pang hinangaan ni Robin ay ang klase ng lipunan ng mga Indians na majority ay Hindu at may social system na kung tawagin ay Caste. Sa sistemang ito na base sa Hinduism, hinahati ang mga tao ayon sa mga classes o uri: mga dugong-bughaw, mayayaman, mahihirap at mga alipin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Doon kasi, meron silang mayaman na mayaman, at meron ding mahirap na mahirap. Pero ang nakakabilib sa kanila, walang nagugutom. Mahirap man, meron silang nakakain. Nakakakain sila ng tatlong beses sa loob ng isang araw. Sobrang mura ng pagkain sa India. Alam ng gobyerno nila na ang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan nila ay ang pagkain," paghanga pa ng dating Totoy Bato star sa social system ng mga Indians.

Hindi tuloy mapigilan ni Binoe na ilabas ang saloobin niya kung paanong uunlad ang mga Pilipino. Sa opinyon ni Robin, ang paninigurado na may makakain ang bawat isang mamamayang Pilipino ang susi talaga sa pag-unlad ng Pilipinas.

"Hangga't hindi nabibigyan ng solusyon yung pagkain lang ng bawat Pilipino, huwag ho tayong umasa na merong progreso. Kasi ang unang-una na magiging daan ng progreso ay yung taong busog. Papano mo sasabihin na merong development ang isang bansa, kung walumpung porsiyento ay nabubuhay below poverty line?"

Nang tanungin kung may balak ba siyang tumakbo sa 2010 elections, iwas ang sagot ni Robin.

"Naku, marathon na lang po," patawa niya. "Wag na lang po. Hindi tayo sisikat diyan."

Para kay Robin, tama na muna ang paunti-unti niyang pagtulong sa mga nangangailangan at pagbibigay nga ng break sa mga dapat na mabigyan nito.

"Yun lang naman talaga ang kailangan ng bawat Pilipino. Yung mabigyan ng break at mahalin nang husto yung break na binigay sa atin," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN