Korina Sanchez cries while defending fiancé Mar Roxas against criticism

IMAGE 0


Athough Sen. Mar Roxas has abandoned his plan to run for president, his wedding with broadcaster Korina Sanchez will push through on October 23. "Mas marami akong panahon para tumulong. Tuloy na tuloy. Lalo pa kaming naging close, lalo pa kaming naging solid," Roxas said in a televised interview.


Naging emosyunal ang broadcaster na si Korina Sanchez sa panayam sa kanya ni Ted Failon sa dzMM kaninang umaga, September 2. Dinamdam nito ang isinulat ng batikang kolumnista na si Conrado de Quiros tungkol sa kanyang fiancé, si Senator Mar Roxas.

Umiyak si Korina dahil nasaktan daw siya nang mabasa sa kolum na ang mga taong nagnanais na maging presidente ngayon ay "too hungry for power."

"If you ask me, nilalahat niya. Parang si Mar, kasama dun. Doon ako naiiyak," sabi ni Korina.

Humihingi rin si Korina ng apology mula kay De Quiros.

Mariing pinabulaanan ni Korina ang pahayag ni De Quiros na "atat sa kapangyarihan" ang kanyang kasintahan. Kuwento ng broadcaster, nakahanap daw siya ng notebook na naglalaman ng mga sari-saring mga panalangin ni Roxas para sa Diyos. Itinatanong daw ng senador kung dapat ba talaga siyang tumakbo bilang pangulo.

Sabi ni Korina, "So, I opened the notebook and I found that it was full of prayers. It was something that he had never shown me. Parang halos every other day or every three days, he had an entry and he kept asking 'Panginoon, ito ba talaga ang gusto mong ipagawa sa akin? Is this really what you want me to do?' This has been so daunting on me. 'I want to cure this country. Gusto kong baguhin ang mga nakikita kong mali, pero bakit ba napakahirap?' 'Yan ang dasal niya."

Ayon pa kay Korina, naiiyak siya sa mga akusasyon laban kay Mar dahil kitang-kita raw niya sa mata ng kasintahan ang paghihirap sa desisyon na umatras sa posisyong pinapangarap, para na rin daw sa kapakanan ng bansa.

"Kitang-kita ko sa mata ko yung paghihirap ni Mar sa kanyang paglibot sa buong Pilipinas kasi kasama ako dun, e. Alam mo naman na ayaw kong iwan ang trabaho ko, lalo na sa radyo. Hirap na hirap ang katawan namin ng kakaikot ng buong Pilipinas. Nakita ko ang pagmamahal ng tao kay Mar," saad ni Korina habang umiiyak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, "Ang sama ng loob ko ay hindi dahil hindi tatakbo si Mar. Malinaw 'yan. I weep and I am very hurt not because Mar slid or gave way to somebody else. I am hurt because of some people who expressed doubt about Mar. That is the most painful to me. No one can say that about him. If it was about reluctance to power, I believe that among all of them, Mar is the most reluctant, as if reluctance is the main reason why somebody should lead the country."

Kahapon, September 1, ay umatras si Roxas sa kanyang planong pagtakbo bilang presidente ng Pilipinas upang magbigay-daan kay Senator Noynoy Aquino, kung sakaling magbalak itong tumakbo sa posisyong hinawakan ng kanyang namayapang ina na si former President Cory Aquino mula noong 1986 hanggang 1992.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa nagpapasya si Aquino kung pupursigihin niya ang pagka-presidente ng bansa. Kailangan daw muna niyang pag-isipan ang kanyang magiging desisyon sa pamamagitan ng one-week "spiritual retreat." Hindi pa rin sigurado si Roxas kung tatakbo naman siya bilang pangalawang pangulo.

FORCE MAJEURE. Sa hiwalay na panayam, inamin ni De Quiros na tinukoy nga niya si Roxas sa kanyang kolum. Ngunit paliwanag niya, wala raw siyang nakikita masama sa kanyang mga naisulat.

Ayon sa kolumnista, natawag niyang "atat sa kapangyarihan" si Roxas dahil isa raw ito sa mga "presidential wannabes" na naakusahan ng "premature campaigning." Matatandaang isa ang senador sa mga maagang nagpalabas ng political ads sa telebisyon.

Ilan sa mga naipalabas nang mga TV ads ni Roxas ay may konsepto ng pagmamaneho ng pedikab, o kaya naman ay ang pakikipag-dayalogo sa mga mahihirap. Ang ginagamit na slogan ni Roxas ay ang mga katagang "Lalaban Tayo."

Dagdag din ni De Quiros, tinukoy niyang mas karapat-dapat na maging presidente ng bansa si Noynoy Aquino kaysa kay Roxas, at iba pang kandidato, dahil ito lamang daw ang nagpakita ng "reluctance" na makuha ang posisyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"It's not a question of saying those things. It's a question of showing yung reluctance mo. And if you go by that, the most reluctant to run for president so far is Noynoy Aquino," saad ng kolumnista.

Nataon lamang daw na mas sinuportahan niya si Sen. Aquino dahil sa nakuha nitong malaking suporta sa mamamayan nang mamatay ang dating Pangulong Cory Aquino.

"August 5 happened, and I think Noynoy was thrust into the situation. Suddenly we have a candidate who not only deserves to win but can win. He's the only one I think na... kumbaga, [can] summon People Power. Wala nang iba, e. Siya lang talaga ang puwede," paliwanag niya.

Ngunit pinanindigan naman ng kolumnista na malaki ang respeto niya kay Roxas. Pinuri niya ang pag-atras ng senador sa presidential race, kahit na ito ay isa lamang daw kaso ng force majeure (act of God; unavoidable catastrophe).

"I thought it was a very graceful act notwithstanding that a great deal of it was force majeure na mukha naman talagang yung bid niya, it was getting snagged, dahil if you look at the survey, di gaanong tumataas. Notwithstanding that... I think it was very graceful of him. It showed very good qualities about him [that he stepped down]," saad ni De Quiros.

"LALO AKONG TINAMAAN." Sa panayam naman ng TV Patrol World kay Sen. Roxas, ipinaliwanag niya na malaki ang respeto niya kay President Aquino kaya siya nagpaabot ng suporta sa anak nitong si Noynoy.

Sinabi ni Roxas sa panayam sa kanya ni Julius Babao, na una raw siyang napasabak sa pulitika noong sinuportahan niya ang kandidatura ni Cory Aquino laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986 snap elections.

"In fact, yung unang pagsabak ko sa pulitika, hindi nga sa ama ko [former Senator Gerry Roxas], e, pero para kay Tita Cory. Nagtatrabaho ako sa Amerika, nag-anunsiyo si Tita Cory na siya ang susulong laban kay Marcos. Nag-leave of absence ako, bumalik ako dito, tumulong, kasi pagbabago naman talaga," saad ni Roxas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ng senador, kahit daw masakit para sa kanya ang napabalitang pag-atras sa kandidatura, tanggap na niyang tama ang kanyang desisyon. Nagiging emosyunal lamang siya kapag nakakausap ang mga kapamilya at supporters.

Nasaktan din daw siya nang malamang naging emosyunal si Korina sa panayam nito sa radyo.

"Lalo akong natamaan. Alam ko ginawa niya [Sanchez] ito, nararamdaman niya ito, dahil sa mahal niya ako," sagot ni Roxas.

Dagdag niya, hindi na raw mapipigilan ang nakatakda nilang kasal sa Oct. 23.

"Mas marami akong panahon para tumulong. Tuloy na tuloy. Lalo pa kaming naging close, lalo pa kaming naging solid," pahayag ni Roxas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN