Rio Locsin shares how she began her career as a sexy star

IMAGE 0


"Ang importante naman sa industriyang ito talaga, yung pakikipagrelasyon mo [sa mga katrabaho]. Kasi 'yan naman talaga ang magiging legacy mo, ang iiwanan mo. Kung paano ka makipagkapwa-tao, kung paano ka makihalubilo sa mga tao. At least, may maiiwan ka," says seasoned actress Rio Locsin.


Maraming nai-share na magagandang anecdotes ang aktres na si Rio Locsin tungkol sa pagiging artista niya nang huli siyang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kaugnay ng bago niyang pelikulang Si Baning, Si Maymay at ang Asong si Bobo, na entry sa ongoing Cinema One Originals Digital Film Festival 2009. (CLICK HERE to read related story.)

For one, yung tungkol sa mga naging working relationship niya with her contemporaries, o mga aktres na naging kasabayan niya sa pagsikat noong sinimulan siyang i-build up bilang sexy star in the late '70s.

Hindi pa rin nga malilimutan ng publiko ang naging "rivalry" nila noon ni Lorna Tolentino, na active pa rin ngayon sa pagganap. Nagsama pa nga sila noon sa pelikulang Stepsisters na pinag-usapan talaga nang husto noon.

Dahil sariwa pa ngayon ang isyu tungkol sa naging "totohanang away" diumano nina LT at Chin Chin Gutierrez bunga ng isang bayolenteng engkuwentro ng mga ginagampanang tauhan nila sa Dahil May Isang Ikaw, maaaring sumagi rin sa isipan ang naging "away" noon nina Rio at LT, habang pareho silang bini-buildup noon ng Regal Films.

Totohanan nga ba 'yon, o away-publicity lang?

"Wala, hindi," pagsalungat ni Rio sa naging impression na ito. "Hindi lang kami friends [ni Lorna], pero hindi kami nag-aaway. Kasi, parang magka-edad... pinagtatapat."

AGELESS BEAUTY. Tungkol sa pagkakaroon ng edad, maganda ang pagtukoy o pananaw ni Rio. Pinansin namin ang maganda pa rin niyang mukha at kutis kahit walang makeup kaya tinanong kung ano ang sikreto niya.

"Ay, naku, ako ang taong walang vanities sa katawan!" natatawang sabi ni Rio. "Wala nga akong mag-makeup dito [sa shooting ng Si Baning...]."

Kapag pinupuri sa taglay pa ring kagandahang pisikal, nagpapasalamat ang aktres.

"Flattering naman, [kahit] malalaki na ang mga anak ko... Twenty-eight na ang panganay ko [Paula Bianca]. Yung second [Costa Palma], 26; then, Joses [Israel] is 19."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paula and Costa are Rio's daughters with actor Al Tantay. Ang youngest, si Joses, ay daughter ni Rio at ng kanyang asawang former cager-turned-evangelist Padim Israel.

Rio just turned 48 years old and she never hides her age, tulad din ng respetadong aktres na si Ms. Charito Solis noong ito'y nabubuhay pa't aktibo sa pagganap.

Rio clearly remembers her Tita Chato, who played the role of her overly strict mother, Emilia, in Lino Brocka's classic film, Ina Kapatid Anak (script by Mel Chionglo).

"Kapag tumatanda daw, it's the wisdom that you get. At yun ang importante," pagtukoy pa ni Rio sa sinabi ng yumaong aktres na hinahangaan sa angking kagandahan inside and out.

"Flawless! Maganda talaga!" sabi pa ni Rio tungkol kay Charito Solis. "At ang dami kong natutunan sa kanya."

WORKING WITH REAL ACTORS. On the set on her currently shown starrer Si Baning Si Maymay At Ang Asong Si Bobo, Rio didn't make things difficult for everyone, lalo na sa mga baguhang indie artists.

Nakausap din ng PEP ang first-time feature-film director na si Milo Tolentino, himself an award-winning shorts and documentary filmmaker (Orasyon, Andong). All-praises ito sa kanyang pangunahing artista.

"I was glad to work with real actors... I used to work with non-actors," sabi ni Direk Milo. "It's a good thing that we had Rio Locsin. Kasi si Ms. Rio, she's nice and pleasant to work with. Hindi siguro ako magsu-survive kung medyo mataray [ang artista]. So, it's a good thing."

Kung tutuusin, may iba pa rin ngang aktres na puwedeng gumanap sa papel na nanay ng baguhang child actress na si Joanna Jean Evangelista, bilang Maymay, but Direk Milo chose to have Rio.

"Kinunsider ko rin na dapat mabait yung artista, kasi bata yung kasama. Kung walang tiyaga [ang artista], nakakaawa din yung bata," sabi ng direktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod sa second-grader na si Joanna Jean, nasa pambatang pelikula rin sina Geraldine Tan, Jan Harley Hicana, at Gene Karley Largueza. Bagamat una nila itong pagganap sa isang pelikula, tila hindi sila masyadong nailang at nahirapan sa mga eksenang ginawa, kasama ang mga seasoned performers like Rio and Simon Ibarra, dahil totoong propesyunal ang mga ito.

Sabi pa ni Direk Milo, "Medyo tight ang schedule namin, parang kulang yung four days. Pero na-manage ko yun... improvise, just to make it work."

RIO'S FIRST MANAGER. Kung babalikan ang pinagmulan at sanhi ng kung ano ngayon si Rio sa mga nakakatrabaho niya, hindi maaaring makalimutan ang naging legacy ng kanyang unang talent manager-discoverer na si Dr. Rey dela Cruz.

Naging barangay chairman si Rey sa Quiapo noon, pero kilalang-kilala rin siya bilang manager ng sexy stars—gaya ng "softdrink beauties" na sina Sarsi Emanuelle, Pepsi Paloma, at Coca Nicolas. Si Rio ang maituturing na "biggest achiever" sa mga diniskubreng talent ni Dela Cruz.

Nakakatuwa ang anekdota ni Rio tungkol sa dating manager niya. Sandaling panahon lang daw siyang naging talent ni Dr. Rey dahil in early '80s, she went into serious relationship with Al Tantay at nagkaroon ng dalawang halos magkasunod na anak.

"Hindi na ako nagpa-manage, kasi nagkaanak na ako, nag-asawa na ako; semi-retired na ako. Nawala na rin si Tito Rey. Pero nung namatay siya, pinuntahan ko siya," pagbanggit pa ni Rio.

Wala raw naging away sa pagitan nina Rio at Dr. Rey. "Magkaiba lang kami ng wave length," sabi ng aktres.

Kung ano man ang gustong ipakahulugan sa "magkaibang wave length" ay binanggit ni Rio sa pamamagitan ng makabuluhang scenario.

"Kasi, nakaka-attend ako [noon] ng mga parties, labas ang dibdib ko! Bagets pa ako, e," nangingiti lang ang aktres sa pagkukuwento.

"Tito Rey, hindi ko kaya 'yan," sasabihin daw niya sa dating manager, na laging pursigidong mapansin ang mga sexy talents na mina-manage.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Dun lang kami nagtatalo," ani Rio. "Pero yung pinagpaguran niya, yung effort niya, makikita mo naman na talagang nagbigay siya ng dedikasyon sa akin. Na hindi ko naman itinatanggi at hindi ko makakalimutan."

Yun ang struggling years ni Rio.

ELWOOD PEREZ. Matapos ang panimulang pag-buildup sa kanya bilang sexy star, nang lumaon ay agad na siyang itinuring bilang important actress, na idinidirek ng mga batikan sa larangan—the likes of Lino Brocka (Ina, Kapatid, Anak and Init), Ishmael Bernal (Manila By Night, Working Girls, Salawahan), Laurice Guillen (Kapag Puso'y Sinugatan). And, of course, ang isa ring multi-awarded director, Elwood Perez, na hanggang ngayo'y itinuturing ni Rio as her "launching director" at may likha ng Disgrasyada, na kanyang launching picture, shown on January 1979.

Of Direk Elwood, Rio has a few good words to say. Simple, pero meaningful at kapani-paniwalang galing naman sa puso.

Sa interview niya with PEP, walang pagbanggit o pahaging man lang, na regretful siya sa pagsisimula ng kanyang career, doing all those sexy roles na kinailangan upang siya'y pasikatin ng Regal Films.

Nabanggit din namin ang magagandang pananalita ni Elwood sa isa sa mga aktres na sumikat sa idinirek niyang pelikula.

"Wala kaming bad blood," Rio now says about her former "launching director."

"Hindi ko makakalimutan si Direk Elwood... 'Feel beautiful!'" lagi raw nitong bukambibig sa set. "O, wet your lips!"

At sa simpleng pagbabalik-tanaw na yun, hindi makakalimutan ng aktres ang mga mabuting nagawa sa kanya ng nakatrabahong direktor.

"Ang importante naman sa industriyang ito talaga, yung pakikipagrelasyon mo [sa mga katrabaho]. Kasi 'yan naman talaga ang magiging legacy mo, ang iiwanan mo. Kung paano ka makipagkapwa-tao, kung paano ka makihalubilo sa mga tao. At least, may maiiwan ka."

On that note, ang simple't bukal sa loob na mensahe ni Rio Locsin: "Salamat, Direk Elwood."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN