Rosanna Roces warns the Revillas: "Kapag ako nag-Pasko wala ang apo ko, magiging kulay abo ang langit nila!"

IMAGE 0


"Hindi na ako basta, kaya kong manahimik kung mali ako. Pero kapag sumusobra na, kapag masyado ka nang nilalaktawan at hindi ka na... Nalilimutan na yung mga ginawa nilang kawalanghiyaan. Akala nila, e, kung nag-iisa ako, ang tapang ko. Ngayon pa ba na merong nasa likod ko na?" says Rosanna Roces.


Kapansin-pansin ang pagpayat ni Rosanna Roces nang dumalo siya sa Cinema One Originals Awards Night last November 15 sa Dolphy Theater ng ABS-CBN. Si Rosanna ang itinanghal na Best Actress para sa pagganap niya sa Wanted: Border.

Mabilis namang sumagot si Osang nang tanungin kung bakit siya pumayat. "Binubuwisit pa rin ako ng mga Revilla, e!" sabi niya.

Bakit niya ito nasabi?

"Hindi pa rin isinosoli ang apo ko," ani Osang, na ang tinutukoy ay ang anak ng panganay niyang si Grace Adriano kay Jolo Revilla na si Gab.

Dagdag niya, "E, kanino ba yun? Sabi nag-aaral daw yung bata. Pero ano ba naman yung dalhin sa akin minsan sa isang linggo? Naku, e, kung hindi ako makikipag-cooperate sa kanila, may kaso laban sa kanila."

Sa isang panayam ni Jolo, sinabi nito na naghihintay lang siya ng text mula kay Osang para dalhin si Gab niya sa kanya. Gusto ba ng aktres na dalhin ni Jolo sa kanya ang bata?

"Kahit huwag na siyang magpakita sa akin, e," sagot ni Osang. "Dahil ako, talagang eto sasabihin ko ha, lilibutin ko ang Bacoor para ikampanyang huwag manalo ang ina niya [Lani Mercado]. At hangga't kaya ko, gagawin ko. Through Facebook, through bloggings, through whatever. Huwag lang, pag hindi nila ako... Ako, kapag ako nag-Pasko wala ang apo ko, tandaan mo, magiging kulay abo ang langit nila!

"Alam mo si Jolo, kasi parang puppet, uto-uto. Uto-uto ng magulang, walang sariling isip. So, tumatanda, dapat umaayos; hindi paurong, lalo na may anak ka. Hindi sapat yung nahiram mo, magpapanggap ka nang tatay.

"Apat na taon nasa amin yun [Gab]. Nakasama mo lang sandali, e, akala mo mabuting ama ka na, hindi ba? O, tama ba ako o hindi? E, paano yun? E, di nakikita nung bata yung ginagawa ninyo nung ano... Maganda yung... Tama na yung nakita niya ang nanay niya, nag-asawa ng iba, may kapatid siya doon, madali nang iesplika yun. Pero kapag nakita pa ng bata may iba pa, maguguluhan pang lalo, di ba? At para ilagay mo sa isa pang magulong pamilya, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I suggest nga na... Ay, huwag na, baka hindi naman lumabas," bitin na sabi ni Osang.

CHRISTMAS DEADLINE. Pero itinuloy pa rin niya ang gusto niyang sabihin pagkatapos ng ilang sandali. Aniya, "Siguro hiramin na lang ni Lani yung anak ni Bong kay Jo Canonizado [former beauty queen]. Alagaan niya, baka dakilain ko pa siya. Pero yung apo ko, e, November na, ha...

"Pero kung hindi ninyo isosoli dahil sasabihin ninyo nag-aaral kunu-kuno, pag 'yan, Pasko, hindi ko nakita, pasensiyahan tayo. Susugurin ko kayo talaga sa bahay ninyo. Kakasuhan ko na talaga.

"Hindi na ako basta, kaya kong manahimik kung mali ako. Pero kapag sumusobra na, kapag masyado ka nang nilalaktawan at hindi ka na... Nalilimutan na yung mga ginawa nilang kawalanghiyaan. Akala nila, e, kung nag-iisa ako, ang tapang ko. Ngayon pa ba na merong nasa likod ko na?" matapang na pahayag ni Osang.

Ang tinutukoy ba niyang "nasa likod" ay ang boyfriend niyang abugado?

"Hindi sa ganun," sabi ng aktres. "Pero mabuti na rin yung may tao ka na sa likod mo, kesa porke wala kang asawa kasi, pinagsasamantalahan ka, e. Akala nila wala kang ano, e. Hindi nila alam, mas matapang pa ako sa asawa ko dati, e."

"SILA ANG NAGNAKAW NG APO KO." Kapag nahiram niya ang kanyang apo, isosoli ba niya ang bata sa ama niya?

"Teka muna, bakit ako ang tinatanong ninyo ng ganyan? Di ba nga, sila ang nagnakaw ng apo ko?" katwiran niya.

So, sa kanya na ulit si Gab?

"Kung idadahilan nila nag-aaral, sige, patapusin natin ang pag-aaral. Tapos ibalik ninyo 'yan. Hindi man sa akin, sa ina niya. Kapag hindi ninyo 'yan ginawa, e, mas marami pa akong huhukayin sa baul. Para 'yang Yamashita treasure!" natatawang sabi ni Osang.

Paano kung si Grace naman ang pumapayag na doon muna si Gab sa mga Revilla? May balita kasing may kasunduan na sina Grace at Jolo na sa mga Revilla muna si Gab.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam mo, may parental authority, may parental consent. Sakop ko pa rin si Grace. At tandaan mo, anak at anak ko pa rin 'yan. Ewan ko nga ba bakit naging senador 'yan [Bong]! Kulang na kulang tayo sa batas for women and children. Nabuntis na si Grace, nabuntis na ang anak niya [Bong], hindi pa rin gumawa ng... Hindi pa rin pinahigpit yung batas na yun. Dapat talaga protektahan ang mga bata at ako, yun lang ang sa buong buhay ko ang ginawa ko, yung proteksyunan ang apo ko na sinasabi nila na pinapainom ko ng beer.

"Maniniwala ka ba naman? E, yung yaya kaya yun! Ay, naku, yung yaya kasi na yun, baliktaran. Kapag nasa sa amin, sinisiraan ang mga Revilla. Kapag nandun, sinisiraan ako. E, may pagkatraydor. Hindi nila alam tinatraydor na sila ng mga tao nila.

"E, ako, awa ng Diyos, nagtatagal sa akin ang mga tao dahil maganda ako makitungo. Hindi ko sila itinuturing na katulong. Not even yung salitang katulong, ayaw ko silang tawagin. 'Yan, ang mga suot nila, damit ko. Hindi ko sila pinagsusuot nung sinusuot ng iba. Parang sinasabi mo, alila lang sila. Hindi ganun.

"At saka ayaw ko nung sinasabi nila na kung anu-ano ang itinuturo ko sa bata. Subukan ninyong pakantahin ng gospel song yun, yung 'Here I Am To Worship, baka magulat pa kayo, mas alam ng bata kesa sa inyo. Yun ang mga mali. Kasi ang publiko kapag nakabasa naniniwala agad, e, di ba?" sunud-sunod na turan ni Osang.

Impluwensiya ba ito ng boyfriend niyang abugado?

"Ay, hindi, hindi, wala yun. Walang ato-attorey dito. Wala naman siyang... hindi niya ako mapapaligaya. Tandaan mo ito, not even 40 percent. Hangga't wala si Budoy sa buhay ko, hindi kayang punuan ng lalake ang binibigay. Kasi nung dumating 'yan [Budoy], gusto ko nang mamatay, e. Alam ninyo yun, di ba? Nung dumating 'yan [Budoy], 'yan ang naging extension ng buhay ko. Ang lalaki, hindi pampahaba ng buhay. E, 'yan nga ang pampaiksi ng buhay, e!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero ang anak at apo, oo. Di ba naman, totoo yun? Pero ang anak at apo, kung ang buhay sa 'yo walang kuwenta, nagkakaroon ka ng buhay," sabi ni Osang.

Parang bunsong anak na nga raw niya ang apo niyang si Gab.

"E, kulang na lang sa akin lumabas 'yan, e. Talaga."

May gusto pa ba siyang iparating kay Jolo?

"Matatanda na kayo, alam niya na ang dapat gawin. Gawin ko kaya sa inyo ang ginagawa ninyo sa akin? Buhay ang pinaglalaruan ninyo. Hindi laruan, buhay! Buhay ko ang batang 'yan.

"Bong, nung tumawag ka sa akin, nabuntis si Inah [Bong's daughter], mangiyak-ngiyak ka. Ang sakit, di ba? Kunin ko kaya yung apo mo na yun? Ewan ko. Subukan ko kaya, di ba? Gawin ko kaya sa inyo yun? Hindi kayo dapat naglalaro ng buhay.

"Ngayon, pinaglaruan niyo na nga ang buhay ng anak ko, e. Ang pamilya ko, pamilya ko. Ang dami niyo na. Hindi ako puwedeng makipag-ubusan ng lahi sa inyo, ang konti namin, ang dami ninyo, e. Sa one-on-one, puwede siguro. Pero kapag hindi kayo nakipag-ayos sa akin, e, kaya kong mamatay para sa apo ko! I hope kaya niyo rin yun," mariing pahayag ni Osang.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN