Cristine Reyes feels like a princess with leading man Vic Sotto

IMAGE 0


"Yung pinagtalupan niya ako ng hipon... Kasi lahat kumain tapos sabi niya, 'Ba't hindi ka kumakain ng hipon? Hindi ka ba kumakain niyan?' Kumakain po. 'E, ba't di ka kumakain?' sabi niya. Natatamad po akong magbalat ng hipon. Tapos pinagbalat niya ako. Sobrang spoiled talaga ako, para ngang prinsesa," says Cristine Reyes about working with Vic Sotto.


Proud na proud si Cristine Reyes na siya ang napili ni Vic Sotto para maging leading lady nito sa pelikulang Ang Darling Kong Aswang, entry ng M-Zet TV Productions, OctoArts Films, at APT Entertainment sa Metro Manila Film Festival 2009.

"Sobrang honored po ako na ako yung napili nila para maging leading lady ni Bossing dito," sabi ni Cristine. "Masaya po ako dahil maraming magagandang artista diyan na puwedeng i-partner kay Bossing, pero ako po yung napili nila. Hindi nga ako makapaniwala noong una. Sobrang proud ako.

"Matagal kong hinintay yung pagkakataon na maabot ko ito. At naabot ko ngayon. Parang hindi ko ine-expect na ibibigay agad sa akin yun ni God. Siyempre matagal din akong naghintay sa career ko. Five years din. Pero naabot ko ngayon. Happy ako dahil unti-unti dumadating na ako doon."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Cristine sa presscon ng Ang Darling Kong Aswang na ginanap kahapon, Nobyembre 24, sa Guilly's restobar sa Tomas Morato, Quezon City.

WORKING WITH VIC. Sa pelikula, ginagampanan ni Cristine ang role ni Eliza na galing sa lahi ng mga aswang. Magiging asawa niya sa movie si Vic at magkasama nilang lalabanan ang mga masasamang aswang.

Kumusta namang katrabaho si Bossing Vic?

"Sobrang pampered at alagang-alaga ako sa set," sagot ng young actress. "Alam mo yung para kang prinsesa. Hindi lang kay Bossing, pati kina Direk Tony [Reyes], kay Boss Orly [Ilacad of OctoArts Films], pati kay Boss Tony [Tuviera of APT]. Ang saya-saya sa set lagi. Kahit gaano kahirap yung ginagawa namin, pero pagdating sa set, nawawala yun kasi tawa kami nang tawa, e. Pati yung mga crew, mga staff, lahat kami para kaming pamilya doon."

Paano ipinakita sa kanya ni Bossing ang pag-aalaga nito? Anong instance naging sweet si Bossing sa kanya?

"Yung pinagtalupan niya ako ng hipon!" sabay tawa ni Cristine. "Kasi lahat kumain, tapos sabi niya, 'Ba't hindi ka kumakain ng hipon? Hindi ka ba kumakain niyan?' Kumakain po. 'E, ba't di ka kumakain?' sabi niya. Natatamad po akong magbalat ng hipon. Tapos pinagbalat niya ako. Sobrang spoiled talaga ako, para ngang prinsesa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos one time, merong parang maliliit na crab. 'Tapos sabi ko, 'Ano yan? Ano ang tawag diyan?' 'Talangka. Hindi ka pa nakakakain ng talangka?' sabi niya. 'Saan ba ang probinsiya mo?' sabi pa niyang ganun. Sabi ko, 'Sa Marikina lang.' So, yun, tapos sabi niya, 'Kailangan mo itong i-try.' Sabi ko, 'Ayoko kasi kailangan daw kainin pati yung shell.' Tapos ang ginawa ni Bossing tinanggal niya yung mga paa, pati yung shell. Ganun ulit pinagbalat niya ako tapos kinain ko."

PROFESSIONAL, NOT PASAWAY. During the presscon ay ikinuwento ni Vic kung paano niya hinangaan ang pagiging professional ni Cristine sa trabaho, na kahit may sakit ito ay pumayag pa rin itong tapusin ang mga eksena kung saan naka-harness ito at naka-chroma background.

Ano ang comment niya na pinuri siya ni Bossing sa pagiging professional niya sa shooting?

"Natuwa ako. Hindi ko ine-expect na may ganung kuwento si Bossing. Na-touch ako, siyempre, dahil coming from Bossing, di ba? Nakikita niya kung paano ako magtrabaho na hindi nakikita ng ibang tao na lagi akong sinasabihan na pasaway. At least ngayon, merong isang tao na nagtanggol sa akin. Hindi naman ako ganun sa set, professional naman ako. Sobrang na-touch ako."

Nag-enjoy naman daw si Cristine sa pagganap niya bilang aswang. Very challenging daw dahil siya mismo ang gumawa ng mga stunts niya kung saan naka-harness siya ng maraming beses. Nagkaroon daw siya ng mga galos, sugat at pasa, pero balewala daw 'yon sa kanya basta mapaganda lang ang mga eksena niya.

"At least malalaman ng mga tao na hindi ako maarte sa set," sabi niya. "At gagawin ko ang lahat para sa ikagaganda ng movie namin. Kahit nga ilang beses akong hinarness nang nakabaligtad, okey lang sa akin. Sabi nga ni Bossing, labas na yung ugat ko sa noo. Totoo yun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

KISSING SCENE. May kissing scene ba sila ni Bossing?

"Meron, kasi nga mag-asawa kami rito."

Hindi ba siya kinabahan or nailang nang gawin nila ang kissing scene, lalo na't first time nilang magkatrabaho?

"Noong una kinabahan ako. Kasi siyempre Vic Sotto siya, e. Nakakailang lang."

Paano nawala yung ilang at kaba niya?

"Si Bossing kasi madalas mag-joke. At saka masaya lagi sa set. Tapos kinausap ako ni Bossing na huwag daw akong maiilang sa kanya. So, naging kumportable na rin kami sa isa't isa," saad ni Cristine.

Hypothetical question, kung sakaling walang Pia Guanio si Vic, posible bang magustuhan niya si Bossing?

"Parang kahit hypothetical, ayokong sagutin. Parang ang awkward sagutin ng tanong na 'yan kasi nga may girlfriend si Bossing. Meron kasi akong respeto kay Bossing and, siyempre, lalo na kay Ate Pia. Si Ate Pia, ever since nung nasa GMA ako, super-nice. Paano pa pag nabasa niya ito? Mamaya kung ano pa ang isipin niya. Might as well huwag na lang nating sagutin," pag-iwas ng FHM Sexiest Woman.

POTENTIAL BLOCKBUSTER. Lahat ng MMFF movies ni Bossing ay big hit sa takilya. Excited na ba siyang makaranas na magkaroon ng blockbuster movie?

"Super-excited na. Sabi ko nga kay Bossing, 'Excited na ako sa parade.' Sana maging blockbuster talaga. Tulungan niyo po kami," pakiusap pa ni Cristine sa press.

Bukod kina Vic at Cristine, kasama rin sa Ang Darling Kong Aswang sina Jean Garcia, Agot Isidro, Dante Rivero, Rafael Rosell, Denise Laurel, Jackie Rice, Empress Schuck, Richie D' Horsie, Wally Bayola, Allan K., Joonee Gamboa, Luz Fernandez, Jenny Miller, Gian Sotto, Tita Swarding, Mosang, Shalala, Mika dela Cruz at Barbie Forteza.

Meron ding espesyal na partisipasyon sina Pia Guanio, Jacky Woo, Oyo Sotto at Joey de Leon.

Directed by Tony Y. Reyes, mapapanood sa mga sinehan ang Ang Darling Kong Aswang simula sa December 25.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN