Jackie Rice cries while talking about first death anniversary of Marky Cielo

IMAGE 0


"Minsan napanaginipan ko pa siya e, parang ang sabi niya sa akin, 'Lahat diyan, Jackie, nakalatag na.' Sabi ko, 'Kuya Buknoy [palayaw ni Marky], hindi kita maintindihan.' Sabi niya, 'Alam mo yun kung ano ang ibig kong sabihin.' Sabi niya lahat daw 'yan nakasulat na, yung ganun," relates Jackie Rice about co-StarStruck winner Marky Cielo (inset).


Sa presscon ng second season ng Darna kahapon, November 30, ay umiyak si Jackie Rice nang maalaala niya ang co-winner niya sa StarStruck 3 na si Marky Cielo. Si Jackie ang itinanghal na Ultimate Female Survivor samantalang si Marky naman ang nanalong Ultimate Male Survivor at Ultimate Sole Survivor.

Mag-iisang taon na kasi mula nang sumakabilang-buhay si Marky, na namatay noong December 7, 2008. Kaya nang mabanggit ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Jackie ang tungkol sa first death anniversary ni Marky, hindi nito napigilang maging emosyunal.

"Actually, ayoko nang isipin, e. Kasi parang... Nung nalaman kong ganun, na nangyari yun, hindi pa ako agad naniwala. Alam naman ninyo kung gaano siya kabait," umpisa ni Jackie na basag na ang boses at umiiyak na.

Dagdag niya, "May mga nagte-text sa akin na iinterbyuhin daw ako about it. Pero alam kong si Marky mismo, ayaw niyang pag-usapan, e. Kasi gusto niya tahimik na siya."

Naniniwala si Jackie na masaya na si Marky sa kinaroonan nito ngayon.

"I'm sure!" sambit pa nito.

May plano ba siya sa death anniversary ni Marky bilang paggunita dito? Magsisimba ba siya o mag-aalay ng panalangin?

"Lagi naman siyang nasa prayers ko, hindi naman nawawala yun, e," naiiyak pa ring sabi ni Jackie.

Kuwento pa niya, "Minsan napanaginipan ko pa siya e, parang ang sabi niya sa akin, 'Lahat diyan, Jackie, nakalatag na.' Sabi ko, 'Kuya Buknoy [palayaw ni Marky], hindi kita maintindihan.' Sabi niya, 'Alam mo yun kung ano ang ibig kong sabihin.' Sabi niya lahat daw 'yan nakasulat na, yung ganun."

Sinubukan naming aluin si Jackie para huwag nang umiyak, pero patuloy pa rin ang pagtulo ng kanyang luha.

"Kasi sobrang ano ni Marky, sobrang bait," aniya. "Naging ka-loveteam ko pa siya, sobrang mahal ko yun. I'm sure kung nalaman niya ito, sobrang happy 'yun para sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy ni Jackie ay ang magandang break niya bilang bagong kalaban ni Marian Rivera sa Darna. Si Jackie ang gaganap na Helga, ang Babaeng Demonyita.

"I'm sure happy siya for me. Wala siyang hinangad na masama para sa kahit na sino," sabi ni Jackie.

IN LOVE WITH WORK, NOT WITH MANNY. Puro trabaho ang inaasikaso ni Jackie ngayon. Ayon sa kanya, loveless siya ngayon.

"Ang love ko talaga ngayon ang career. So work, work, work to the highest level ako ngayon," sabi niya.

Na-link din dati si Jackie sa Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Nagkasama sila sa pelikulang Ang Pangarap Kong Jackpot.

"Oo nga, pero matagal na nilang sinasabi 'yan, pero wala akong... Wala silang dapat ipag-alala dahil sobrang bata ko pa at si Mr. Manny Pacquiao, fan ako, e, idol ko lang siya. Hanggang dun lang yun, so walang dapat ipag-alala or ipagpantasya na may something."

Paano niya naiwasan na ma-link ng tuluyan sa boxing champ?

"Actually kasi, yung iba kasi, iniisip nila dahil sobrang sweet at gentleman talaga ni Mr. Manny Pacquiao. Naiwasan ko yun kasi alam kong nirerespeto ko siya bilang iniidolo ng lahat. Ayokong masira ang image niya kung halimbawang dahil sa akin. Ayoko ng ganun. Halimbawang may masisirang iba ako na lang."

Never din daw naman niyang naranasan na tinarayan siya ng misis ni Manny na si Jinkee Pacquiao.

"Wala, never ko siyang na-meet. Pero malaki po ang respeto ko sa kanya na bilang inaano niya yung family niya, na inaalagaan niya at ipinaglalaban niya. Kasi soon, pangarap ko ring maging katulad niya na maging isang ina at asawa ng isang lalaki. Sobrang idol ko rin siya bilang ina ng mga anak nila."

DARNA VILLAINS. Bukod kay Jackie, ang mga bagong papasok na kontrabida sa Darna ay ang Asia's Songbird na si Ms. Regine Velasquez (bilang Electra, the Queen of the Planet Women), SexBomb's Rochelle Pangilinan (bilang Deborrah, ang Babaeng Manananggal), Akihiro Sato (bilang bampirang si Vladimir), at Katrina Halili bilang babaeng ahas na si Serpina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang nararamdaman ni Jackie sa mga artistang kasabay niyang ipapakilala bilang mga bagong makakalaban ni Darna?

"Wow! Actually, mas lalo akong nape-pressure pag iisipin ko lang yun, kasi alam ko nga yung level nila sa level ko, di ba?"

Paano niya kinundisyon ang sarili niya for the role?

"Nanood ako ng mga nakakatakot. Pero yung mostly kasi kumakain ng tao, mga bampira. So, hindi ko alam kung saan ko iaano yung devil na character ko, so... basta challenging siya at natatakot ako. Pero sana naman makaya ko."

Since Babaeng Demonyita siya sa Darna, tinanong namin si Jackie kung kung meron na bang taong maituturing niyang naging demonyo sa buhay niya?

"Siguro kung meron man, ako rin mismo yung naging demonyo sa buhay ko. Ako yung sisira, ako rin ang gagawa ng paraan para maging maayos ang buhay ko," sagot niya.

Kung ibang tao naman daw, wala pa naman daw nakagawa ng todo-todong kasamaan sa kanya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN