Dr. Manny Calayan clarifies he's not the new manager of Sunshine Dizon

IMAGE 0


"Si Sunshine talaga, siya yung pinaka-loyal among the endorsers ko. Siya yung napalapit nang husto sa amin ni Dra. Pie [Calayan, his wife], pati mommy niya, si Dorothy [Laforteza], malapit sa amin. Kaya nga ang tawag ni Sunshine sa akin, 'ninong,'" says Dr. Manny Calayan (right) about Sunshine Dizon.


Nilinaw ni Dr. Manny Calayan ang isyung siya na ang manager ngayon ng aktres na si Sunshine Dizon. Ayon sa cosmetic surgeon, tinutulungan lang niya si Sunshine. Hindi totoong siya na ang opisyal na manager nito.

"Tinutulungan ko lang si Sunshine para umangat lalo ang career niya," sabi ni Dr. Calayan nang nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kagabi, December 10, sa A Taste of LA restaurant sa Roces Avenue, Quezon City.

Bakit si Sunshine ang naisipan niyang tulungan sa dinami-dami ng artistang endorsers ng Calayan Surgicentre?

"Si Sunshine talaga, siya yung pinaka-loyal among the endorsers ko. Siya yung napalapit nang husto sa amin ni Dra. Pie [Calayan, his wife], pati mommy niya, si Dorothy [Laforteza], malapit sa amin. Kaya nga ang tawag ni Sunshine sa akin, 'ninong,'" saad niya.

Pero hindi raw niya inaanak si Sunshine.

"Wala lang, naging close na nga kami, years back pa inaalagaan ko na 'yan."

Ayon pa sa doktor, babalik na si Sunshine sa GMA-7 matapos ang mga naging isyu ng aktres, tulad ng biglaang pagkawala nito sa Sine Novela na Tinik Sa Dibdib.

"Baka may iba pa siyang plano naman."

Ibinalita rin ni Dr. Calayan na isa nang recording artist si Sunshine.

"Ang Belhaus, kinuha siya para mag-album din as a recording artist."

Ang Belhaus Entertainment ang namamahala sa singing career ni Dr. Calayan. Ang naturang recording company ay pag-aari nina Jack Tan, na asawa ng yumaong si Bella Tan, at ng anak nilang si Jeffrey Tan.

"Ipinakilala namin si Sunshine sa Belhaus, so magkakaroon na siya ng career as a recording artist next year. And then... Basta may mga projects pa kaming nakalinya para kay Sunshine bilang endorser," banggit ni Dr. Calayan.

Napag-alaman namin, walang kontrata si Sunshine sa Calayan.

"Wala kaming kontrata, personal na usapan lang, hindi kami nagkokontratahan niyan. Isa 'yan sa mga walang kontrata na ilang years na walang expiration, walang renewal."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HAYDEN KHO. Naging malaking isyu kamakailan ang pagkakatanggal ng lisensiya ni Hayden Kho Jr. bilang doktor. At bilang isa ring doktor, hiningan namin ng reaksiyon si Dr. Calayan hinggil sa nangyari.

"As a colleague and bilang kaibigan... Kasi friends naman kami ni Hayden, wala kaming bad na anything or ano na tampuhan niyan. Kapag nagkikita nga kami sa Rockwell or kung saan man, nagkukumustahan kami. Bilang isang doktor, as a colleague, nalulungkot din siyempre ako sa nangyari, of course, as a friend and as a colleague.

"Kasi alam ko naman ang pinagdaanan ni Hayden, kung paano mag-aral at magtapos bilang isang doktor. Kaya yung nangyari, ang sakit nun. Hindi biro ang hirap para makatapos ng pagdo-doktor kaya nakakalungkot. Alam kong masakit yung nangyari sa kanya," saad ni Dr. Calayan.

Sa tingin ba niya, tama ang naging desisyon ng Professional Regulation Commission (PRC) na tanggalan ng lisensiya si Hayden dahil sa sex video scandal na kinasasangkutan nito?

"Hindi ko masabi kasi hindi naman ako ang nag-judge. I mean, hindi ko alam kung ano ang mga naging basis nila, so I cannot speak about that."

Sa tingin ba niya, may nilabag si Hayden bilang isang doktor?

"Alam mo, madalas kasi wala ako dito kaya hindi ko alam ang mga detalye ng lahat ng mga nangyayari," iwas ni Doc Manny.

Lately kasi, madalas ay nasa U.S. si Dr. Calayan para asikasuhin ang branch ng kanilang Calayan Surgicentre sa Beverly Hills.

"Kakakarating ko lang, hindi ko alam ang lahat ng mga nangyari kaya ayokong mag-comment."

Kahit sa napabalitang (muling pagtatangkang) pagpapakamatay diumano ni Hayden ay ayaw magkomento ni Dr. Calayan dahil hindi naman daw niya alam kung totoo yun o hindi.

Kung hihingan siya ng advice ni Hayden, ano ang sasabihin niya dito?

"Ano ba ang sasabihin ko... E, hindi naman siguro ako hihingan nun ng advice, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

If ever?

"Ano lang naman kasi 'yan, pinaka-safe na yung sundin or gawin lang yung Hippocratic Oath, basta 'yon lang. Iyon lang, pag ginawa mo yun, walang problema... Sa lahat ng doktor 'yan, hindi lang kay Hayden, para sa lahat 'yan ng mga doktor."

Ayon sa Wikipedia, ang Hippocratic Oath ay "an oath traditionally taken by doctors swearing to ethically practice medicine."

Parehong naging contestants sa first season ng Celebrity Duets sina Doc Manny at Hayden.

WHERE IS DRA. PIE? Kinumusta rin ng PEP kay Dr. Calayan ang misis nitong si Dra. Pie Calayan, na a few months ago ay nagkasakit ng adrenal fatigue syndrome, isang hormonal imbalance dahil sa fatigue and dieting.

"She's doing well, ayaw nang umuwi dito!" natatawang sagot ni Doc Manny.

Pitong buwan nang nasa U.S. si Dra Pie, na ngayon ay siyang nag-aasikaso ng kanilang klinika sa Beverly Hills at sa dalawa nilang anak na sina Hannah at Bernice, na parehong sa U.S. nag-aaral.

"Okay na okay na siya. Ayun nga, busing-busy sa branch dun, 'andami nang pasyente nationwide, buong U.S. na. At since dun nag-aaral ang mga anak namin, siyempre nanay siya, siya ang tagalaba, tagaluto, naglilinis ng bahay... Domesticated siya doon.

"Kahit ang mga anak namin, kung dito 'andaming katulong, pagdating dun, sila lahat," sabi ni Dr. Calayan. "Maganda rin, natututo sila. Number one, mag-budget, natutong mag-laundry, maglinis ng sasakyan nila, magluto, mag-grocery."

Malamang daw ay bumalik si Dra. Pie sa Pilipinas sa April 2010. Next week naman ay muling tutungo sa U.S. si Doc Manny at sa February 2010 na ang uwi niya sa Pilipinas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN