Dating Kapuso talent si Jake Cuenca, pero ngayon, isa na siya sa mga nangungunang leading men ng ABS-CBN.
Kamakailan naman ay lumipat ang dating Kapamilya talent na si Joross Gamboa sa GMA-7. Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jake kung ano ang masasabi niya tungkol sa ganitong pagririgodon ng mga artista.
"Ang sa akin," sagot ng aktor, "if you switch stations hoping to, you know, be a bigger star, hindi rin ganun kadali, you have to work hard for it... Lumipat ka man sa ibang istasyon you still have to do your best. Kailangan mo pa ring patunayan sa lahat ng tao na deserving ka ng mga blessings, deserving ka ng mga projects...
"Kung iniisip ng iba na it's the easy way, hindi e, hindi rin ganun kadali. Basta ang sa akin lang, if you want it, kung talagang mahal mo ang career mo, ipakita mo, regardless where you are."
NO RIVALRY. Isa ring umaarangkada nang husto ngayon sa Dos ay si Coco Martin. At happy si Jake para sa kaibigan, taliwas sa intrigang may matinding rivalry at insecurity na namamagitan sa dalawa.
"No, Coco is my dear friend! Sa akin, sa totoo lang, I really look up to Coco, na someday I want to accomplish some of the things that he has accomplished. You know, being able to go to the Cannes Film Festival, being able to win awards tulad niya."
Napag-alaman nga ng PEP na nagbibigayan ng payo sina Jake at Coco sa isa't isa tungkol sa kanilang mga career.
"He gives me advice, and pagdating rin naman sa mainstream sa showbiz humihingi rin siya sa akin ng advice, kasi nakasanayan niya indie... Marami kaming natututunan sa isa't isa, at suwerte kami na nagkatrabaho kami sa Tayong Dalawa. I hope to work with him soon."
SPECIAL LADIES. Tinanong ng PEP si Jake kung ano ang katangi-tangi sa mga aktres na sina Bea Alonzo, na leading lady niya sa Rubi; si Roxanne Guinoo, na dating karelasyon niya; at si Melissa Ricks, na napapabalitang pinakaespesyal na babae ngayon sa buhay niya.
"Ibang-iba silang tatlo, e... Si Roxanne ang tipo ng babae na pag nagmahal, talagang ano, buhos lahat, buhos lahat. Basta si Roxanne grabeng magmahal...
"Si Bea naman, isa siyang babae na role model. Kumbaga sa mga ibang tao na tulad ko, isa siyang dream girl, isa siyang taong titingalain mo.
"Si Melissa naman ang isang babae na espesyal na nag-iisa. Kumbaga hindi ka makakahanap ng ganung klase ng babae."
Kaya naman siguro aminado si Jake na may "kurot" siyang nadarama kapag nali-link si Melissa sa ibang lalake, tulad ni Jolo Revilla.
"Meron, may kurot. Ipokrito naman ako kapag sinabi kong wala... Pero wala naman akong karapatang magselos kasi nga magkaibigan lang kami."
Gayunpaman, si Melissa daw ngayon ang nakapagpapasaya sa kanya.
"Iba kasi talaga si Melissa... Siya yung tipo ng kaibigan na laging nandiyan, hindi siya nag-iiwan sa ere. Masasabi ko na ano, e, isang bagay na maganda sa kanya, magaling siyang magpangiti ng isang tao at ang dami niyang magagandang bagay na nagagawa na kusang lumalabas sa kanya, na natural sa kanya."