Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn Mercado kung loyal siya sa manager niyang si Becky Aguila.
"Oo naman," sagot ni Jennylyn nang dalawin ng PEP sa last taping day ng Ikaw Sana last Friday, January 29.
Umikot kasi ang balitang umalis si Angel Locsin kay Becky at lumipat kay Boy Abunda.
"Wala akong alam," sabi ni Jen. "Kasi ano 'yan e, parang case-to-case basis, parang 'pag akin, hindi sini-share nina Tita Becky kung ano man yung nagiging problema, so parang ganun lang.
"Kaya kami [talents] parang pinapabayaan na lang na... 'hayaan na lang na wala silang alam', parang ganun."
Mangyari man na umalis si Angel kay Becky, "ayokong mag-react," sabi ni Jen. "Hindi pa naman natin alam, e. Siguro 'tsaka na lang kapag ano na."
Sila raw ni Becky ay walang problema.
UPDATE ON COURT CASE. Kinumusta rin ng PEP ang kasong qualified theft na isinampa niya laban sa dati niyang personal assistant na si Mel Pulmano.
"Sa ngayon, wala pa rin pero continuous pa rin ang hearing, yung marami kaming binibigay na mga witnesses, sila pa lang."
Napatawad na raw ni Jennylyn si Mel. Pero tinutuloy niya ang kaso para linisin ang kanyang pangalan, para "mapatunayan na yung mga binibintang sa akin e kasinungalingang lahat."
Pinatawad na niya ang dating PA dahil "ayoko din namang magsisimula ang taon na masama ang loob ko... Kaya lang, hindi pa siya nagso-sorry."
END FOR IKAW SANA. Hindi raw pumupunta si Jennylyn sa hearing.
"Hindi naman kailangan, e. 'Tsaka ayun, every day na rin ang taping ko, kasi alternate ang tapings ko."
Ang tinutukoy niyang tapings ay para sa Ikaw Sana at Sinenovela Presents: Gumapang Ka Sa Lusak.
Magwawakas na sa Biyernes ang Ikaw Sana. Tinanong namin si Jennylyn kung ano ang magiging katapusan ng soap opera nila nina Pauleen Luna at Mark Herras.
"From kawawa na inaapi na... may transition na lumalaban na talaga, na nakikipagsabunutan na rin ako, yung may pagka-strong na rin ang personality talaga nung character ko.
"Basta abangan ninyo, maganda talaga," ang sabi ni Jennylyn, na sa tunay na buhay ay di nagpapaapi.