Bayani Agbayani is thankful to GMA-7 for opening its door to him again

IMAGE 0


"Pagbalik ko dito, talagang dalawang kamay nakabukas. Tinanggap ako, hindi lang ng management kundi pati ng mga artista at buong production," says Bayani Agbayani about his return to GMA-7.


Sunud-sunod ang TV projects ni Bayani Agbayani sa GMA-7 simula nang bumalik siya sa Kapuso Network matapos ang ilan taon ding pagtatrabaho sa ABS-CBN. Ang latest project nga niya ay ang bagong youth-oriented teleserye na First Time na pinagbibidahan ng mga young stars na sina Joshua Dionisio, Barbie Forteza, at Jhake Vargas.

"Ang maganda kasi, dito talaga planado, e, kung saan ka papunta, kung saan ka patungo. Kung ano ang dapat mong gawin, dapat kang magpapayat dahil may gagawin kang ganito, may gagawin kang ganyan.

"Isipin mo, ngayon pa lang meron na akong First Time, may SRO Meet The Fathers, may daily show, may isa pang show na pambata—apat na kaagad! Ano pang hihilingin mo sa GMA? Pagbalik ko dito, talagang dalawang kamay nakabukas. Tinanggap ako, hindi lang ng management kundi pati ng mga artista at buong production," pagmamalaki ni Bayani nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa grand presscon ng First Time last February 1 sa Studio 6 ng GMA Network.

Maayos ba ang naging paalam niya sa ABS-CBN?

"Oo," sagot niya. "Nagpaalam ako kay Tita Cory Vidanes [ABS-CBN executive], kay Direk Bobet [Vidanes]. Nagpaalam naman ako at pinayagan naman nila ako. Mas maganda kasi wala kang sinasabing masama against any network, e."

NO HARD FEELINGS. Wala ba siyang sama ng loob sa ABS-CBN kaya siya lumipat?

"Wala, kasi talagang ganyan, e. Kung minsan maraming trabaho, kung minsan wala. Pero syempre, bilang artista kailangan humanap ka kung saan ka magkakaroon ng trabaho. Kasi may binubuhay kang pamilya. And besides, marami pang ideas na alam kong higit ko pang maibibigay sa mga tao para makapagpasaya. At marami pa akong puwedeng ipakita sa tao na hindi ko pa naipapakita sa pag-stay ko sa kabilang network," saad ng komedyante.

Totoo ba na nakasamaan niya raw ng loob si Willie Revillame kaya siya lumipat sa GMA-7?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi," tanggi niya. "Yung sa amin ni Willie, matagal nang naayos yun. Ang talagang dahilan, siyempre, kailangan mo ng trabaho. At ako, naniniwala na bata pa ako at marami pa akong maipapakita.

"Salamat sa GMA at binuksan nila ulit yung pinto nila sa akin. Kasi dito naman talaga ako galing, e. Ang Bayani Agbayani, galing 'yan kay Ma'am Wilma Galvante. Dito ako nagsimula sa production. Hanggang dito ako nagsimulang mag-artista. Kaya dapat siguro dito na rin ako tumanda."

Sinabi niyang sa GMA-7 na siya tatanda, ibig sabihin ba nito ay hindi na niya kailanman iiwan ang Kapuso?

"Oo, awa ng Diyos. Kasi dito ako nag-umpisa, gusto ko dito ko na rin ibigay ang lahat ng nalalaman ko sa likod at sa harap ng camera. Yun na ang gusto kong mangyari sa buhay ko ngayon. Kasi puwede naman ako sa production, puwede ako kahit hindi na ako artista."

Ibig bang sabihin nito hindi niya nailabas yung galing niya off-cam sa ABS-CBN?

"Nung mag-artista kasi ako sa kabilang network, hindi naman ako nag-production, e. Dito kasi, nag-production ako at nag-artista ako. So, kung may babalikan man ako sa production, palagay ko dito ko na ibubuhos ang lahat."

May provision ang GMA-7 na kapag may exclusive contract na sa network ay hindi na puwedeng gumawa ng ibang shows sa ibang network. Paano na ang show niya sa TV5 na Kiddie Kwela?

"Sa ngayon, hindi pa ako mawawala doon kasi previous commitment ko na yun. Yun kasi ang napag-usapan namin bago ako pumirma ng exclusive contract. Kasi ang kontrata ko rito, two years. So, sabi ko sa kanila, 'Ma'am, may napirmahan na akong iba bago pumunta dito. Puwede po bang tapusin ko na muna yun?' Isa na lang ang show ko doon, yung Kiddie Kwela."

VERSUS SHOWTIME. Kumusta na yung daily show na may dating titulo na Todo Bigay na pagsasamahan sana nila ni Manny Pacquiao?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tuloy na po yung daily show," pagbabalita ni Bayani. "Nag-dry run na kami ng mga anim na beses na. Ang airing namin ay sa February 8 na. Tuloy na tuloy na. Pero hindi na Todo Bigay ang title niya. Hindi ko pa puwedeng sabihin kung ano yung ipinalit na title. Basta abangan niyo."

Nanghinayang ba siya na hindi natuloy ang pagsasama nila sana ni Manny?

"Ako kasi, ang pakiramdam ko lagi pag hindi talaga ukol, hindi bubukol, e. Pagka hindi sa iyo, hindi para sa iyo, e."

Sino na lang ang naiwan from the original cast nito?

"Ako na lang ang naiwan sa original cast," sagot ni Bayani. "Hindi ko pa puwedeng sabihin kung sino yung mga makakasama ko kasi sinabihan ako na hindi pa puwedeng sabihin."

Ano ang feeling na tatapatan ng daily show nila ang Showtime ng ABS-CBN?

"Nakakanerbiyos kasi alam naman natin ang rating nun, e. Pero siyempre, ang sinasabi nga namin kapag nagmi-meeting kami, 'Huwag nating isipin na tinatapatan natin sila. Isipin natin na nag-e-enjoy tayo at nagbibigay ng tuwa at kasiyahan sa mga tao.'"

Pareho rin ba sila ng format ng Showtime na talent show?

"Actually, yun naman talaga ang trend ngayon, e."

Paano nila gagawing kakaiba ang show nilang ito?

"Dapat yung hindi napapanood sa ibang istasyon," sagot ni Bayani.

Dahil co-production ito ng GMA-7 at ng TAPE Inc., na producer ng Eat Bulaga!, magkakaroon daw ng host mula sa TAPE.

FIRST TIME. Samantala, gagampanan ni Bayani sa First Time ang role ni Raffy Santiago, na ninong ni Lucas, played by Joshua Dionisio.

"Noong magkaroon ng aksidente yung nanay ni Lucas at iimbestigahan yung tatay niya, si Eric Quizon, ibinilin sa akin yung bata na ako muna ang mag-alaga. Para akong pangalawang tatay na guma-guide sa istorya," paglalarawan ni Bayani sa kanyang role.

Kilala siya bilang komedyante, pero may mga dramatic scenes ba siya rito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Meron. Alam mo kasi yung production ng Meet The Fathers at First Time, pati yung director, iisa lang. So, kailangan baguhin ko ang karakter ko. Kaya nagsasalamin ako, yung buhok ko minsan kulot, minsan hindi. Pero maganda yung story. Magaling si Direk [Andoy Ranay] at magaling yung mga bata."

Bukod kay Bayani at sa tatlong batang bida, kasama rin sa cast ng First Time sina Michelle Madrigal, Joross Gamboa, Alicia Mayer, Ian Veneracion, Ana Capri, Cris Villanueva, Romnick Sarmenta, Manilyn Reynes, Eric Quizon, Gabby Eigenmann, Shiela Marie Rodriguez, Roxanne Barcelo, Mel Kimura, Ricci Chan, Bea Binene, Jhoanna Marie Tan, Mark Castilllo, at Lucho Ayala.

Ang First Time ay mapapanood gabi-gabi sa GMA Telebabad bago mag-24 Oras, simula sa February 8.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN