Former action star Sen. Lito Lapid yearns to appear in movies again

IMAGE 0


The role of a lifetime for the action star could be a movie based on national hero Andres Bonifacio, to be directed by Joel Lamangan.


Halata ang tuwa sa mukha si Sen. Lito Lapid nang muling makapiling ang entertainment press sa Imperial Palace kahapon, February 19.

Ipinatawag ni Mother Lily Monteverde, big boss ng Regal Entertainment, ang presscon para sa muling pagkakandidato ng actor-politician sa Senado sa May 2010 elections sa ilalim ng partidong Lakas-Kampi kunsaan ang standard bearer ay si Gilbert "Gibo" Teodoro.

"Sa inyong lahat, mga kapatid ko sa press at mga kaibigan kong nandirito ngayon, nagpapasalamat ako nandito kayo lahat," bulalas ni Sen. Lapid sa presscon. "Naaalala ko noong nag-uumpisa ulit ako sa pelikula at tinulungan niyo ako. At ngayon ay nandidiyan na naman kayo para tulungan ako ulit sa pagbabalik ko sa Senado...

"Na-miss ko kayo! Matagal din tayong hindi nagkita. Kaya malaki ang pasasalamat ko kay Mother Lily at sinuportahan niya ako at kasama ko kayo ngayong lahat dito."

MISSING THE MOVIES. Na-miss din daw talaga ni Sen. Lapid ang paggawa ng pelikula. Ang huling pelikula niyang naipalabas ay ang Tatlong Baraha na entry sa Metro Manila Film Festival noong 2006, kung saan nakasama niya ang mga anak na sina Mark at Maynard.

"Kaya kinukumbinsi ko si Mother, e, 'Mother, gawan mo na ako ng pelikula. May kontrata pa ako sa iyo e.' Masarap talagang magpelikula... Sabi ni Mother, 'Mag-usap tayo.'

"Kaya lang ang mga pelikulang aksyon, e medyo magastos. E, ang mga uso ngayon yung mga indie, di ba? Kako siguro sa Metro Manila Film Festival next year gagawa tayo. Kaya nga lagi akong naka-ready, e, para pag may kumuha sa ating producer, e ready ako."

Mula sa pagiging stuntman noong teenager pa lang siya, unang nabigyan ng break sa pelikula si Sen. Lapid noong 1976 sa Eva Fonda na pinagbidahan ni Alma Moreno at idinirek ni Maning Borlaza. Naging big hit ang first lead role niyang The Jess Lapid Story noong 1978, and the rest is history, ika nga. Nagsunud-sunod ang mga action films niyang pumatok sa takilya at inihanay siya sa mga bigating action stars ng bansa. Ilan sa mga sikat niyang pelikula ay ang Kamaong Asero, Kalibre .45, Ben Tumbling, Kamagong, Tadtarin ng Bala si Madelo, Alamid: Ang Alamat, Lapu-Lapu, at marami pang iba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung magbabalik-pelikula raw siya ngayon, "para akong bibigyan ulit ng break," biro ni Sen. Lapid.

THE GREAT PLEBEIAN ONSCREEN. Di kaya iniisip ng mga producer na naka-focus siya sa trabaho sa Senado kaya hindi siya inaalok ng pelikula?

"Siyempre po, 'yan ang ating sinumpaang tungkulin. Iniluklok tayo ng ating mga kababayan para magtrabaho. Ginagampanan po natin nang husto yun.

"Pero kung may pagkakataon na gumawa kahit isang pelikula sa isang taon, hindi naman siguro mamasamain ng mga kababayan natin yun. Sayang naman yung pinaghirapan natin simula noong araw na nagsimula ako bilang stuntman hanggang ngayon."

Pero kung aalukin daw siya, "Huwag naman yung pipitsuging pelikula. Kasi madalang na nga akong gumawa ng pelikula, tapos ganun lang. Kaya huwag na lang."

May natapos na pelikula ang aktor after Tatlong Baraha, ang Agila ng Bundok under MMG Films, pero nagkaroon ng problema ang mga producers nito kaya may dalawang taon na ring nakatengga ito.

"Sana maipalabas pa rin siya. Sayang naman yung pelikula. Ang dami ko ring ginawang action scenes doon. Umakyat pa kami ng bundok ng Romblon para gawin ang pelikulang iyon."

Balak din daw niyang gumawa ng pelikula na base sa buhay ng bayaning si Andres Bonifacio.

"May pinag-uusapan kami ni Joel Lamangan. Gusto niyang gawin ko yung Andres Bonifacio...

"Baka ako ang mag-produce o kaya ililigaw natin kay Mother Lily para may suweldo pa ako," hirit pa ni Sen. Lapid.

WANTS TO TRY TELESERYE. "Gusto kong mag-TV din. Lalo na ang gaganda ng mga palabas sa telebisyon ngayon. Nanghihinayang nga ako, sana nag-guest ako doon sa May Bukas Pa, kaso natapos na," biro ni Sen. Lapid. "Kasi, di ba sikat na sikat yun lalo na si Santino, si Bro. Sabi ko sana mag-guest ako."

Kung mabibigyan daw siya ng pagkakataon na gumawa ng teleserye, gusto niya raw makatrabaho sina Zaijian "Santino" Jaranilla at Kim Chiu.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung palarin daw siyang makabalik sa Senado, "hindi naman tayo titigil sa paggawa ng mga batas para sa ikabubuti pa ng industriya [showbiz]," sabi ng senador.

"Yun nga po nag-uusap-usap kami lalo na noong nabubuhay pa si Atty. [Esperidion] Laxa [former chairman of the Film Academy of the Philippines] at si Leo Martinez [FAP director general] para mabasawan yung tax na binabayaran ng mga producers ng pelikula [Amusement Tax Exemption]. Yun naman ay naipasa po natin at naisabatas na."

Tungkol naman sa pamamahala ng Metro Manila Film Festival, na sa ngayon ay hawak ng Metropolitan Manila Development Authority, ang sabi niya, "Pinag-uusapan nga namin nina Sen. Bong [Revilla] at Sen. Jinggoy [Estrada] na dapat mga taga-showbiz ang mamahala diyan."

ADJUSTING TO THE SENATE. Noong 1992 ay nahalal si Sen. Lapid bilang bise gobernador ng Pampanga at nagtuluy-tuloy na nga ang political career niya simula rito. Naging gobernador siya ng Pampanga noong 1995 at nahalal na senador noong 2004. Tumakbo siyang mayor ng Makati City noong 2007 pero natalo siya kay Mayor Jejomar Binay. Bagama't natalo ay napanatili niya ang kanyang posisyon sa Senado.

Ano ang pinakamabigat na challenge na na-encounter niya sa Senado?

"Kinakantiyawan ako. Tapos yung dress code ko, paano, sanay tayo ng ganito-ganito [T-shirt or polo] sa showbiz. Kailangan pala lagi kang nakabarong o nakakurbata. Siyempre noong una hindi ko naman alam na ganun. Siyempre, medyo mapapahiya ka rin. Tao lang naman ako. E, marunong din akong masaktan. Pare-pareho lang naman kaming senador pero kung matignan nila ako o makantiyawan, kesyo kulang daw ang pag-aaral ko at hindi ako nakatapos. Sila mga abugado at kung anu-ano. Pero nalagpasan naman nating lahat iyan."

Napatunayan naman daw niya na may ibubuga rin siya sa Senado. Sa katunayan ay naging author siya ng 398 bills at resolutions. Naging author din siya ng 47 resolutions adopted by the Senate at author and co-author din siya ng 28 bills enacted into law.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Iyan lang ang maipagmamalaki ko. May Lapid laws na tayong iniwan sa bayan."

Ano ang feeling niya na kasama siya sa top 10 senators sa mga naglalabasang surveys?

"Siyempre, masaya at proud ako. Kaya nagkaroon ulit tayo ng inspirasyon dahil nandodoon pa rin ako sa top 10 senators sa survey. Gusto pa rin ako ng mga tao."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN