StarStruck V's Nina Kodaka longs for relationship with distant Japanese dad

IMAGE 0


"Parati ko siyang hinahabol, tawag ako nang tawag sa kanya, hindi niya ako sinasagot, hindi ko alam kung bakit. Dati okay naman kami," said Nina who hasn't seen her father in five years.


Ang pinakamalaking pagbabago raw sa buhay ni Nina Kodaka matapos ang pagsali niya sa StarStruck ay ang maraming taong nakakakilala sa kanya ngayon.

"Hindi ko nararanasan dati na may biglang tatawag sa akin na 'Nina!' Sa mall, kadalasan sa mall," pahayag ni Nina sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makausap namin siya sa contract signing nilang labing-apat na Survivors at Avengers ng StarStruck V bilang mga bagong Kapuso.

"Napansin ko madami akong fans na bata... Kasi mukha daw akong laruan, sabi sa Internet. Kasi hindi daw ako masyado gumagalaw!"

Dalawa agad ang regular shows ni Nina, bilang segment host sa Startalk, at bilang taga-interbyu sa audience ng Wipeout, ang Pinoy version ng American game show na binansagang "world's largest extreme obstacle course," na mapapanood na sa March 15.

Masaya man si Nina na nakakuha siya kaagad ng dalawang shows, nahihiya raw siya sa Top 5 Survivors ng StarStruck V dahil naunahan pa niya sila.

"Siguro dahil mabait akong bata nung nasa loob ako ng StarStruck... Hindi ako pasaway noon kaya siguro nagustuhan ako," ang pabirong paliwanag ni Nina.

KINDRED SPIRIT IN IWA. Isang Hapon ang ama ni Nina, tulad ni Iwa Moto, at nakapag-bonding na sila ng beteranang kontrabida.

"Nagkita na kami, nagkasama kami sa StarStruck. Hindi kami nag-usap about sa father namin, kasi pareho kaming walang daddy."

Pumanaw na ang ama ni Iwa, at ang mga magulang naman ni Nina ay hiwalay na.

Kuwento pa ni Nina tungkol kay Iwa, "Ang bait nga niya, ina-advise niya ako. Na-touch ako, kinikilabutan ako! Nagsama kami sa isang sayaw, isa siya sa test ng StarStruck. Sobrang kinakabahan ako, tapos sabi niya sa akin, 'Ito na yun, kailangan mong ipakita na magaling ka, para hindi ka matanggal!'

"Basta na-touch ako kasi akala ko mataray siya kasi, di ba, yun ang image niya, pero ang bait niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MISSING DAD. Kinse anyos si Nina nang huli niyang nakita ang ama niya. Ngayon ay 20 years old na siya.

"Nasa Japan siya, walang communication, busy yata siya, e.

"Meron na siyang bagong family. Mabait yung bagong asawa niya sa akin nung nandun ako sa Japan... dinadalaw ko siya sa bahay. Meron din akong stepbrother, tapos close kami. Nagreregaluhan kami kapag may birthday.

"Nung 15 years old ako, nagbakasyan ako sa Japan, dun ko sila nakita tapos noon bumalik ako dito. Bumalik ako ng Japan nung 17 ako, hindi ko na sila nakita. Tinatawagan ko [ang ama ko], kaya lang sabi niya tatawag na siya ulit kasi may ginagawa siya."

Naramdaman ba ni Nina na tila ayaw na siyang makita ng ama dahil may ibang pamilya na ito?

"Ayokong isipin yun."

Kahit ngayong artista na siya, hindi pa rin gumagawa ng hakbang ang ama para makausap siya?

"Hindi, kasi tumawag ako sa kanya noon, sa Japan kasi ako nag-audition para sa StarStruck. Tapos parang nagpaalam ako sa kanya, kaya lang parang, 'Okay, good luck!' Ganun lang ang sinabi niya.

"Parati ko siyang hinahabol, tawag ako nang tawag sa kanya, hindi niya ako sinasagot, hindi ko alam kung bakit. Dati okay naman kami...

"Siguro madami siyang kailangang asikasuhin o kaya baka madami siyang utang or wala siyang trabaho. Baka nahihiya siyang magpakita.

"Hindi ko na lang iniisip na ayaw niya akong makita."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN