Cesar Montano finally speaks on death of son Christian Angelo

IMAGE 0


"Iba po ang isip ng Panginoon talaga, kumpara sa atin. Pero marami pong bagay na blessing na maiisip natin, kahit na masakit sa kalooban ko pong isipin na blessing po ito, pero marami pa rin po, marami pa rin... dahil ibibigay talaga ng Diyos ang katalinuhan para maisip mo po yung mga kaparaanan na yun, kung talagang blessing po ang pagkawala ni Angelo. Kahit na masakit," Cesar said during his eulogy for his son Christian Angelo Manhilot. Angelo died last


Tulad ng inaasahan, naging maramdamin ang lahat ng nagsalita sa necrological service para sa anak ng aktor na si Cesar Montano na si Christian Angelo Manhilot.

Noong March 26, Biyernes, natagpuang duguan at wala nang buhay dahil sa tama ng baril sa ulo, ang 23-anyos na binatang si Angelo sa loob ng silid nito, sa bahay ng mga Montano sa Tivoli Royale, Batasan Hills, Quezon City.

Sa kabila ng pagbabawal ng pamilya Montano sa press coverage ng burol, ipinakita naman sa large screen na itinayo sa labas ng crematorium chapel ng pinagburulang Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City, ang mga pagbibigay-tribute ng mga nagsalita bilang eulogy kay Angelo.

Pinagtiyagaan na lamang ng mga nakabantay na press ang large screen, at naghintay ng oportunidad para maka-interview ng mga kaibigan ng pamilya na dumarating para sa huling gabi ng burol.

Si Pastor Ed Lapis ang nag-celebrate ng mass. Unang nagsalita sa eulogy ang dating executive producer ng GMA Films na si Butch Jimenez.

Nagkatrabaho sina Cesar at Butch nang gawin ni Cesar ang Marilou Diaz-Abaya films na Rizal at Muro-Ami sa ilalim ng GMA Films. Ani Mr. Jimenez, saksi siya sa magandang pagsasama ng mag-amang Cesar at Angelo. Nakita niya rin kung gaano kabuting bata ang anak ni Cesar.

Nag-alay naman ng dalawang kanta para kay Angelo ang asawa ni Mr. Jimenez na si Tricia Amper-Jimenez. "In His Presence" at "Tunay Kang Matapat" ang inawit ni Mrs. Jimenez bilang tribute kay Angelo.

Ilan sa mga nagsalita na may magagandang alaala kung gaano kabuting tao at anak si Angelo ay ang pinsan nitong si Jeffrey Manhilot, ang mga tiyuhin niyang si Jing Manhilot at Rommel Montano, ang pinakamalapit na kabigan ng pamilya na si Bayani Agbayani, at ang manager ni Cesar na si Norma Japitana.

Ikinuwento ni Jeffrey ang magagandang alaala ng pagsasama nila ni Angelo sa Bohol at kung paanong muntik na silang malunod habang nagsu-swimming sa beach. Nagpatotoo naman sina Jing at Rommel kung gaano kabait na bata ang binata ni Cesar dahil sa pagiging palabasa nito ng Biblia at pala-attend sa Bible studies.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Bayani naman, nakita raw niya ang paglaki ni Angelo at naging malapit daw talaga ito sa pamilya rin niya. "Parang siya yung anak na lalaki ko kasi puro babae ang anak ko." Sobrang magalang daw si Angelo at maganda ang pagpapalaki ni Cesar dahil palabati at nagmamano raw agad sa kanya tuwing magkikita sila.

Si Norma Japitana naman, inalaala si Angelo bilang "a boy who loves life." Kaya't na-shock daw siya talaga nang mabalitaan ang pagkamatay nito.

CESAR'S EULOGY. Nang si Cesar na ang nagsalita, halata ang pagpigil nito sa emosyon, bagama't banaag dito ang hinagpis pa rin ng isang amang nawalan ng anak. Medyo ilang pa nga ito sa kahit na anong nakatapat sa kanyang kamera, dahil nasita pa niya ang isang nakatutok sa kanya. Pamangkin niya pala ang may hawak ng kamera na iyon at hinayaan na lang niya.

Ani Cesar, hindi lang anak si Angelo para sa kanya. Isa raw itong kaibigan at kabarkada.

"Pagkagising ko pa lang sa umaga, pagkatapos naming magdasal ni Sunshine, unang sinasabi ng bibig ko hahanapin ko agad siya. Kasi may gagawin agad kami, e. It's either magluluto kami ng breakfast, magdya-jogging kami, isasama ko siya sa kung saan-saan, o gagawa kami ng kalokohan. May naiisip akong kalokohan, isasama ko siya," lahad ni Cesar.

Nahihirapan daw siyang magsalita dahil sa sakit pa rin na nararamdaman niya. Ilang araw na raw siyang umiiyak, at nahihirapan din siyang umuwi sa bahay nila dahil "every corner of our house reminds me of Angelo," aniya. Marami raw ang nagtatanong sa kanya kung paanong nangyari ang pagkamatay ni Angelo, pero tiniyak niya sa mga ito na hindi rin daw ginusto ni Angelo ang nangyari sa kanya.

"Masayahin at matuwaing bata si Angelo. Para pong ako. Siyempre, dahil nanggaling po siya sa akin," paglalarawan ni Cesar kay Angelo. "Dahil kung ginusto niya 'yon, hindi na sana niya isinuot ito," itinuro ni Cesar ang suot niyang baller band bracelet na kinuha niya mula kay Angelo nang abutan niya ito sa ospital na pinagdalhan nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ani Cesar, tanda raw ng pagsusuot ni Angelo ng baller band bracelet ang suporta at pagiging committed nito sa buhay at sa kanya. Ang bracelet na iyon ay tanda ng pagsuporta sa kandidatura ni Cesar sa darating na May 10 elections. Kandidato kasi si Cesar bilang gubernador sa Bohol, sa tiket ni Benigno "Noynoy" Aquino III, sa ilalim ng Liberal Party (LP).

Tanggap din daw ni Cesar na hindi niya pag-aari si Angelo. Bagamat sa kanya nanggaling ito, ipinahiram lang daw sa kanya si Angelo ng Panginoon at panahon na nga para bawiin ito mula sa kanya.

"He is a gift from God. Regalo lang si Angelo para sa ating lahat," pahayag ni Cesar sa mga kaibigan, mga pinsan, at iba pang kaanak ni Angelo. Suko raw siya sa kung ano mang plano ng Panginoon para sa kanya dahil sa pagkamatay ng kanyang anak.

"Our God is perfect. Everything He does is perfect, including his decision," sabi ni Cesar. Nag-quote pa siya mula sa Biblia bilang patunay sa katalinuhan ng Panginoon, "Sinabi rin sa Isaiah 55:8, katulad po ng binanggit ni Pastor Ed, 'For My thoughts are not your thoughts, neither are your ways, My ways,' declares the Lord.

"Iba po ang isip ng Panginoon talaga, kumpara sa atin. Pero marami pong bagay na blessing na maiisip natin, kahit na masakit sa kalooban ko pong isipin na blessing po ito, pero marami pa rin po, marami pa rin... dahil ibibigay talaga ng Diyos ang katalinuhan para maisip mo po yung mga kaparaanan na yun, kung talagang blessing po ang pagkawala ni Angelo. Kahit na masakit.

"Hindi pa darating sa ngayon, dahil masakit pa sa dibdib natin, I'm sure po darating yun because our God is a faithful God, buhay po ang Diyos natin at mahal po tayong lahat. You just keep on trusting Him. Ang kalungkutan na itong nararamdaman natin, I'm sure mapapalitan ng kasiyahan. At kung masaya tayo, I'm sure masaya din si Angelo. Magandang gabi po sa inyong lahat at maraming salamat. Purihin ang Panginoon," pagwawakas ni Cesar sa kanyang eulogy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa labas ng chapel, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Jun Cullao, personal assistant, kababata at kaibigan ni Cesar.

"Sobrang close ng mag-amang iyan. Kasakasama lagi 'yan [Angelo] ni Buboy sa lahat. Nagbo-boxing nga 'yang dalawang 'yan, e," kuwento ni Jun sa PEP. Nakahanda na nga raw ang lahat para sa pangangampanya ni Cesar sa Bohol nang makuha nila ang tawag tungkol sa pagkamatay ni Angelo. Ang agad na sinabi raw ni Cesar pagkatanggap ng masamang balita, "Kumuha na kayo ng tiket." Gusto raw agad nitong umuwi ng Quezon City para makapiling si Angelo.

Mula sa manager naman ni Cesar na si Norma Japitana, nalaman ng PEP na pagkatapos ng cremation ni Angelo ngayong araw, alas-onse ng umaga ng March 28, iuuwi ni Cesar ang mga abo ni Angelo sa bahay nila sa Tivoli Royale.

Kabilang sa mga nakita ng PEP na celebrities na dumating para makiramay kay Cesar ay sina Gloria Romero, Celia Rodriguez, Nova Villa, Toni Rose Gayda, Rosa Rosal, Joko Diaz, Lorna Tolentino, Raph at Renz Fernandez, ABS-CBN Channel Head Cory Vidanes, Secretary Arthur Yap at Senator Noynoy Aquino. Si Toni Rose ay namatayan din ng anak noon lamang nakaraang linggo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN