PEP EXCLUSIVE: Maria Venus Raj reacts to rumor that Krista Arietta Kleiner was the alleged "tipster" on her birth records

IMAGE 0


"Yun po ang goal ko talaga—ang maibalik ang title sa akin, ma-reinstate po ako. Kasi po yun talaga ang dream ko to represent your country in an international pageant at nagkataon na Miss Universe pa na super prestigious. Tapos bigla pang mawawala sa iyo, sobrang masakit po sa akin," says Maria Venus Raj.


Patuloy na ipinaglalaban ni Maria Venus Raj na makuha niya ulit ang korona at titulo bilang Bb. Pilipinas-Universe na binawi sa kanya ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BCPI) dahil sa nadiskubre nitong inconsistencies sa kanyang birth records at sa sinasabi niyang personal information kaugnay ng birthplace, father's nationality and religion, at marriage ng kanyang mga magulang.

Patuloy rin ang pagpapa-interview ni Venus sa media at paglabas sa mga showbiz talk shows. Ang pinakahuli nga ay ang guesting niya kagabi, April 8, sa Tweetbiz: The Bizniz of Chizmiz ng Q Channel 11.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Venus matapos niyang sumalang sa pagtatanong ng Tweetbiz hosts na pinangungunahan nina Tim Yap, Mr. Fu, at Sam YG. Ayon kay Venus, ang masakit daw sa kanya noong kausapin siya ng lawyers ng BCPI ay lumalabas na wala talaga siyang choice but to give up the crown.

"Ang masakit kasi is nung sinabi nila sa akin na whether I resign or they will dethrone me. So, wala talaga akong choice, di ba? Noong marinig ko yun, doon na talaga ako umiyak. Sobrang hindi ko po maintindihan yung reasons nila," pahayag ni Venus.

Inamin ni Venus on television na noong high school pa siya nang malaman niya ang tungkol sa discrepancies sa kanyang birth certificate. Aniya, mas inuna kasi ng nanay niya ang ipapakain sa kanilang magkakapatid kaysa gastusan ang pagpapaayos ng birth certificate niya.

Pero dumaan na siya sa kolehiyo at nagkatrabaho pa. Bakit hindi niya pa rin naipaayos ang kanyang birth certificate?

"Totoo pong nag-college na ako and then nagkaroon na rin ako ng trabaho after grumaduate. Nag-college ako through the help of a foundation, na nagpaaral sa akin. Nagtrabaho ako sa DENR [Department of Environment and Natural Resources], government agency siya. Alam n'yo naman po kung gaano kaliit ang sahod sa isang government office na hindi ka pa regular.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, kahit naman po tumagal na hanggang ngayon at kung may sahod man akong natatanggap noon, siguro mas pipiliin ko rin na mas tulungan ang nanay ko o ipaayos yung bahay namin o yung tulungan ang mga pamangkin ko. Yung mga ganung pagkakataon po. At hindi ko rin na-anticipate na aabot ito sa ganito," saad niya.

Gumawa na ba siya ng way para kausapin ulit ang BCPI after ng huli nilang pag-uusap nang sabihin sa kanya na babawiin ang titulo niya?

"The day after nung in-announce nila na may bago na ngang papalit [na Bb. Pilipinas-Universe], nung morning noon, nag-usap yung lawyers ko, ako at saka yung lawyers din ng BCPI. Ni-request namin na sana huwag munang ituloy yung pag-pronounce doon sa bagong papalit[2nd runner-up Nicolette Henson]. Sabi pa nga nila, 'Ay, hindi pa siguro yun gagawin.' Tapos bigla pong ginawa na nila."


GLORIA DIAZ. Sa guesting ni Venus sa Tweetbiz ay ipinapanood sa kanya ang interview kay dating Miss Universe Gloria Diaz na tila pumapabor sa naging desisyon ng BCPI. Ano ang masasabi niya rito? (CLICK HERE to read related story.)

"Well, hindi ko rin naman siya masisisi kung ano po yung...siyempre opinyon niya po yun. Pero okay lang din po. Sabi nga, opinyon niya yun, e. So, siguro may sarili rin po akong opinyon. At kung hindi man po yun magtugma, okay lang din," pahayag ni Venus.


KRISSA MAE-TIPSTER ISSUE. Sa kontrobersiyang ito ay may bagong anggulong lumalabas na diumano'y may isang "tipster" na fellow candidate ni Venus na nagsumbong sa BCPI tungkol sa inconsistencies sa birth records ni Venus. Ano ang pakiramdam niya noong malaman niya ito?

"I felt so sad kung meron nga talagang ganun kasi parang pati ako, kung ano man yung napag-usapan o kung anuman yung naging isyu doon, pati ako nadadamay," sagot niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Feeling niya ba na-betray siya ng isang kandidata?

"Well, when you say betray, parang someone na nagkaroon ka ng personal connection and then may ginawa siya against you. Pero kung sa part ko naman na may taong gumawa noon, if ever na meron man, well, siguro hindi naman yung connection na parang mahe-hurt ka kung may ginawa man o wala. So, okay lang din. Kung totoo man, well, ang Diyos na po ang bahala sa kanila," sabi ni Venus.

Sa naturang "tipster" issue, lumabas ang pangalan ng nanalong Bb. Pilipinas-International na Krista Arietta Kleiner, o mas kilala sa showbiz bilang si Krissa Mae, na diumano'y nagsumbong daw sa BCPI. May haka-haka rin kasing lumabas na inakala raw ni Krissa Mae na siya ang ipapalit para mag-represent sa Miss Universe kapag natanggalan ng korona si Venus. Diumano'y nauna na rin daw ipinangako kay Krissa Mae ang Bb. Pilipinas-Universe title.

Nagulat ba si Venus sa alegasyong si Krissa Mae ang "tipster"?

"Somehow nagulat ako kasi yun nga, bakit naman ganun na parang may ikino-connect na kandidata na another winner? Pero kung totoo man o hindi totoo, well, hindi rin po ako makakapagsabi noon. Siguro you can ask Krissa or kung sino man po na may alam sa isyung ito."

Sa PEP interview sa singer na si Jay-R, na boyfriend ni Krissa Mae, sinabi nito na hindi naman sila naging close ni Krissa Mae. Totoo ba yun?

"Nag-uusap naman po kami. Pero hindi yung to the point na super close. Pero alam n'yo yun siguro detached din ako siguro sa kanya noong finalists pa lang kami, kasi siyempre artista po siya. Hindi po kasi ako yung feeling close na kapag ganun, makikiano kaagad. So, siguro nahihiya rin ako in a way. Pero wala po akong hard feelings para kay Krissa," paglilinaw ni Venus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NICOLETTE HENSON. Sinasabi na close friend naman niya ang pumalit sa kanyang trono na si 2nd Runner-up Nicolette Henson. So, okay lang ba sa kanya na ito ang ipinalit sa kanya?

"Opo," sabi ni Venus. "Sabi ko nga, pageant night pa lang, deserving na si Nicolette talaga na manalo ng isa sa mga korona. Pero yun nga, ganun ang nangyari. Pero ngayon, alam n'yo yun, positive pa rin ako sa mga dapat mangyari. Kung ito yung gusto ng Panginoon, wala po tayong magagawa. And I'm happy na si Nicolette po yung nakakuha ng crown."


LEGAL ACTIONS. Ano na ang update sa balak niyang mag-file ng demanda kontra sa BCPI?

"Hindi pa po nagpa-file," sabi ni Venus. "It's one of the options na gumawa ng legal action against BCPI. Kasi sabi nga po namin, kung hindi ito maa-arrange ng ganitong level, siguro kailangan na talaga naming gumawa ng legal na bagay. Para at least fair kung anuman yung pag-uusapan, kung anuman yung mga dapat gawin, at least may legality na pagbabasehan."

Sino ang kinuha niyang abugado?

"Kasi po yung nagpaaral sa akin sa college, yung Francis Padua Papika Foundation, si Atty. Francis siya po yung nagpaaral sa akin pero nagpa-practice siya ng pagiging lawyer niya sa U.S. Ngayon, yung mga friends niya pong mga abugado, sila po yung mga binigay po sa akin na gumabay po sa akin dito sa Philippines. Alam n'yo yun, for free ipinagtatanggol ka nila."

Ano ang payo sa kanya ng mga abugado niya?

"Ituloy ko raw po yung kaso," sagot ni Venus. "Malaki raw po ang chance na [mabawi ko yung korona]. Pero yun nga, sabi nga, parang BCPI pa rin yung nagbibigay ng last decision. And since they are parang private organization, so parang they can do whatever they want. Pero yun nga po, we're still hoping na sana mabalik po sa akin yung title."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TRAUMA. Nagkaroon ba siya ng trauma dahil sa kontrobersiyang ito?

"Sobra!" sambit niya. "Siguro first few days after nung dethronement, alam mo yun, paggising mo umiiyak ka pa rin pala na may luha pa rin na tumutulo sa mga mata mo. Tapos halos bangungutin ka dahil palagi na lang yun ang iniisip mo. Tapos may mga taong nakakakita sa iyo na dati sinasabi, 'Uy, 'yan yung ano, yung Bb. Pilipinas-Universe.' Tapos nagpapa-picture. Ngayon, after ng nangyari, parang ang sinasabi na, 'Ay naku, na-dethrone 'yan kasi ganito, ganito.'

"At ang masakit pa po sa akin, parang oo nabulatlat na nga ang buhay ko, kayang-kayang ko yun since bata ako kaya kong harapin yung mga trials na darating sa akin. Ang mahirap lang po, nadamay pati yung nanay ko, yung buhay ng nanay ko kung anuman yung pinagdaanan niya noon. Hindi niya po ito kasalanan. At saka matanda na po siya, 59 po."

Ano ang naging reaksyon ng nanay niya?

"Sobrang naiyak po siya. Hindi nga raw po siya makakain. Hindi siya makatulog. Sabi niya, 'What more ikaw, na ikaw yung nasa sitwasyon?' Ako po, siya rin po yung inaalala ko kasi matanda na rin po siya. Nag-suffer na siya noon tapos ngayon may ganitong problema, pati ba naman siya kailangang mag-suffer?" saad ni Venus.


PEOPLE'S SYMPATHY. Sa paglabas niya sa telebisyon, marami ang nakaunawa at naawa sa kanyang pinagdadaanan. Ano ang pakiramdam na marami ang nakikisimpatiya sa kanya?

"Alam n'yo, sabi nga ng iba na hindi ka man mayaman, pero yung feeling na nandiyan yung mga tao para tumulong sa iyo. Sobrang overwhelming sa pakiramdam na hindi ko ma-imagine na ganun pala kalaki yung impact sa kanila. So, sobrang thankful po ako sa lahat ng sumusuporta atsaka po sa lahat ng gumagawa ng way para at least makatulong po sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gumaan ba ang pakiramdam niya sa paglabas niya sa telebisyon para ihayag ang kanyang damdamin?

"Sobra, sobra... kasi alam mo yun, hindi ka man makapagsalita ng kung anong gusto mong sabihin, may mga tao kasing parang ganun talaga yung sinasabi nila, e, 'Oo, tama nga yung sinasabi niya. Oo nga naman.' So, at least, sila yung naglalabas ng information. And I'm so thankful na sympathetic sila sa nararamdaman ko."

Malaki talaga ang kagustuhan ni Venus na maibalik sa kanya ang titulo at korona.

"Yun po ang goal ko talaga—ang maibalik ang title sa akin, ma-reinstate po ako. Kasi po yun talaga ang dream ko to represent your country in an international pageant at nagkataon na Miss Universe pa na super prestigious. Tapos bigla pang mawawala sa iyo, sobrang masakit po sa akin," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN