Archie Alemania defends ex-live-in partner Mickey Ferriols on rumored incident at The Fort

IMAGE 0


"Kilala ko kasi si Mickey, e. Matagal kaming nagsama niyan. Iinom 'yan pero hanggang sa kaya lang niya. Kasi nagda-drive siya ng kotse niya, e. Hindi siya iinom nang sobra-sobra," says Archie Alemania about ex-live-in girlfriend Mickey Ferriols (inset).


Hindi pa raw nakakausap ni Archie Alemania ang dating live-in girlfriend niyang si Mickey Ferriols tungkol sa balitang nagwala raw ang huli dahil sa sobrang kalasingan nito sa isang bar sa The Fort kamakailan.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Archie sa set ng Q Channel 11 gag show na I Laugh Sabado kahapon, May 26, sa Studio 5 ng GMA Network Center. Nasabi niya sa amin na nabasa lang daw niya ang nangyari kay Mickey sa isang tabloid at hinihintay raw niyang itong mag-open up sa kanya tungkol sa nangyari.

"The last time na nagkausap kami, wala naman siyang nabanggit na may nangyari sa kanya. Pinag-usapan lang namin ay ang tungkol sa anak naming si Brent. I was waiting nga na siya na ang mag-mention, pero wala naman siyang sinabi.

"Kaya naisip ko na wala naman sigurong masamang nangyari sa kanya. Kasi kung meron man, tumawag na sa akin 'yan. Masiraan nga lang siya ng kotse, tatawag kaagad 'yan, e. So siguro nga wala namang naging malaking problema," saad ni Archie.

THE FORT INCIDENT. Pero nagtanung-tanong pa rin daw si Archie tungkol sa naganap na insidente at napag-alaman niya na nagsimula raw ang lahat sa pustahan. Ayon sa kuwento sa kanya, may mga barkada raw si Mickey na nagsimula ng naturang pustahan.

"Ito yung nalaman ko kasi nagtanung-tanong lang naman ako," simula ni Archie. "Hindi ko alam ang buong istorya. May mga friends daw na kasama si Mickey sa bar na 'yon sa The Fort. Nagpustahan sila na hindi kayang ipasok ni Mickey ang dalawang guys na nasa labas ng bar. So si Mickey, parang na-dare siya, pinilit niyang ipasok ang dalawa nga sa loob ng bar.

"Parang nagkahilaan pa yata kaya doon daw nagkagulo. Hindi ko alam kung kilala ni Mickey at ng friends niya yung dalawang lalake. Basta nagkaroon daw ng hilaan papasok sa bar. Akala tuloy, si Mickey ang nangha-harass or nanggugulo. May mga nakialam na hanggang sa may nag-ayos na ng gulo nila. Wala naman daw nasaktan. Nagsimula lang sa isang harmless na pustahan. Parang katuwaan lang daw."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, "Wala naman daw nakulong o nadala sa presinto. Kung meron man, tumawag na sana si Mickey sa akin. Hindi ko na kasi alam kung sino ang mga barkada niya ngayon, e. Pero ang importante ay okey siya at walang nangyaring masama sa kanya.

"Pero kung may chance, itatanong ko pa rin 'yan kay Mickey para malinaw sa akin. Ang dami na kasing nagtatanong sa akin, e, hindi ko naman masagot nang tama kasi wala naman ako doon."

Ayon naman sa lumalabas na report, nakainom daw ng marami si Mickey kaya parang gumawa ito ng eksena sa naturang lugar.

"Gano'n daw ba?" balik-tanong ni Archie. "Kilala ko kasi si Mickey, e. Matagal kaming nagsama niyan. Iinom 'yan pero hanggang sa kaya lang niya. Kasi nagda-drive siya ng kotse niya, e. Hindi siya iinom nang sobra-sobra.

"Maaaring nakainom siya, pero nasa katinuan pa naman 'yon. Knowing her, iisipin muna niya ang anak niya bago siya mag-enjoy sa gimik. Hindi siya basta-basta iinom lang. I can say na hindi lasengga si Mickey."

STILL IN TOUCH. Ayon kay Archie, one year and four months na silang hiwalay ni Mickey pero tuluy-tuloy naman daw ang communication nila dahil nga sa anak nilang si Brent. Sabi pa ng comedian, mas okay daw ang relasyon nila bilang magkaibigan kesa noong nagsasama pa sila.

"Si Mickey na rin ang nagsabi no'n, e. Mas matino raw kami noong magkaibigan lang kami. Noong magkasama kasi kami, ang daming problema. Na-stress out kami pareho kaya mabuti na yung mag-part ways kami. Pero ngayon, masasabi ko na we're the best of friends. Mas nakakapag-usap kami ng maayos at matino," nakangiting sabi ni Archie.

Close din daw ang anak nila ni Mickey sa dalawa pang anak ni Archie from his previous relationship.

"Close silang magkakapatid. Kapag may time talaga, pinagsasama-sama ko silang tatlo para maglaro. Okey lang naman kay Mickey 'yon kasi eventually magkakakilala rin silang tatlo. Mabuti na 'yong mga bata pa lang sila ay magkakasundo na sila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin din ni Archie na may dine-date siya ngayon. Hindi na raw taga-showbiz dahil ayaw na raw niyang magulo ang mundo niya.

"Mas tahimik ang buhay ko kapag hindi taga-showbiz, e," sabi niya. "Noong maging kami ni Mickey, talagang lahat ng puwede nilang sabihing hindi maganda, naibato na sa akin. Kaya non-showbiz girl na lang ang gusto ko. Kita n'yo naman, walang nakakakilala. Tahimik ang lahat."

Alam din daw niyang may dine-date din ang ex niyang si Mickey.

"Oo naman, alam ko naman 'yon pero hindi na ako nagtatanong. Wala na kaming pakialamanan sa mga personal lives namin. Kung saan kami masaya, doon kaming dalawa."

I LAUGH SABADO. Natutuwa naman si Archie at nabigyan siya ng pagkakataon na makapagtrabaho sa GMA-7, lalo na sa I Laugh Sabado ng QTV-11. Kahit nga raw alam na may iba pa siyang show sa ABS-CBN ay pinayagan siyang maka-join sa cast ng show kung saan kasama niya sina Wally Bayola, Paolo Paraiso, Jan Manual, Gee Canlas, Janna Dominguez, at Alfred Marquez.

"Dagdag trabaho ito kasi alam yata nilang tatlo ang anak ko!" malakas na tawa ni Archie. "Natutuwa ako kasi nga kahit na may isa pa akong show sa Dos, kinuha pa rin nila ako. Masaya kami dito sa I Laugh Sabado kasi lahat kami nagkakasundo at makukulit kaming lahat. Komedyante kaming lahat dito. Kaya walang matinong kausap!

"Thank you sa QTV-11 sa trabahong ito. Tamang-tama dahil malapit na ang pasukan ng mga bata. May pandagdag-gastos na tayo!" hirit pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN