Rochelle Barrameda and supporters to stage rally at DOJ for Ruby Rose

IMAGE 0


Rochelle Barrameda (left) with sister Ruby Rose Barrameda-Jimenez (right) when she was alive. "Mag-iisang taon na kasi mula nang makuha ang bangkay ng sister ko...wala pa ring justice for Ruby Rose. Miss na miss ko na ang kapatid ko at masakit pa rin na nawalan ako ng kapatid. Kahit na wala na kaming pera, kailangang i-keep up namin ang laban. Salamat na lang sa mga support ng mga taong naniniwala rin sa ipinaglalaban namin," Rochelle said.


Bukas, June 10, ay may magaganap na rally sa harap ng gusali ng Department of Justice (DOJ). Ang rally ay para kay Ruby Rose Barrameda-Jimenez, ang pinaslang na kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda.

Mag-iisang taon na bukas mula nang ma-recover sa karagatan ng Navotas ang bangkay ni Ruby Rose na nakasilid sa isang sementadong drum. Layunin ng rally na ito na hingin sa DOJ ang pag-usad ng kaso ni Ruby Rose.

Noong March 19 pa ng taong kasalukuyan ang huling hearing ng kaso at wala pang naka-schedule na susunod na hearing. Ayon kay Rochelle, nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong May 28 sa Lago del Rey event sa Camarines Sur, hindi raw makausad ang kaso dahil wala naman daw yung kakasuhan dahil hindi pa nga ito naaaresto.

Ang tinutukoy ni Rochelle ay ang asawa ni Ruby Rose na si Manuel "Third" Jimenez III, na pinapakasuhan ni dating DOJ Secretary Agnes Devanadera sa resolusyon na inilabas nito noong March 1, 2010. (CLICK HERE for related story).

Matatandaang sa Resolution ni Sec. Devanadera, pinatatanggal sa mga kinasuhan ng murder kay Ruby Rose ang businessman na si Lope Jimenez, habang pinapakasuhan naman ng Parricide si Third Jimenez.

Ngunit hindi pa raw maaresto si Third dahil wala pang inilalabas na Warrant of Arrest ang korteng in-charge sa kaso—ang Malabon-Navotas Regional Trial Court Branch 170.

Ayon naman sa Branch Clerk of Court na si Atty. Jesus Hernandez, hindi pa makakagawa ng Warrant of Arrest ang korte hangga't hindi pa nagpa-file ng Information o kaso ang DOJ Prosecuting Panel.

"We have to wait for the filing of Information by the Prosecution, before the court orders for the arrest of Third Jimenez," pahayag ni Atty. Hernandez.

ORDER SHOULD COME FROM CHIEF STATE PROSECUTOR. Nang makausap naman ng PEP ang isa sa mga miyembro ng DOJ Prosecuting Panel na si Senior Prosecutor Cielito C. Celi kaninang umaga, sinabi nito na hinihintay lamang nila ang utos na manggagaling mula sa opisina ng Chief State Prosecutor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kahit na kami ang in-charge na panel, we have to wait for the Chief State Prosecutor kung sino ang gusto nilang mag-file [Motion to Discharge Lope Jimenez at Motion to File Information against Third Jimenez]. As a courtesy, we have to wait for his order," ani Atty. Celi.

Pero aminado si Atty. Celi na hindi siya sigurado kung sinong Chief State Prosecutor ang inutusan noon ni dating Sec. Devanadera. Sa kasalukuyan, ang Chief State Prosecutor ay si Atty. Claro Arellano. Pinalitan ni Atty. Arellano ang dating Chief Prosecutor na si Atty. Jovencito Zuño.

"Hindi ko alam. I'm not sure whether at that time, nag-assume na siya [Chief Prosecutor Arellano] ng office. Wala kasing binanggit na pangalan doon, e. Ang nakalagay doon, 'ordering the Chief State Prosecutor.' Hindi ko alam kung ano ang assumption of office ni Chief Arellano at kung kelan naman naging effective yun [Sec. Devanadera's orders]."

Hindi rin daw niya masasabi kung sila ang uutusan ng Chief State Prosecutor para mag-file ng mga motion sa korte. Ang Chief State Prosecutor daw kasi ang bahalang mamili ng uutusan nitong mag-file ng Motion to Withdraw at mag-file ng Information.

"Kung kami ang uutusan niya, di gagawa kami ng Motion, tapos pipirmahan niya yun," dagdag pa ni Prosecutor Celi.

Iniisip din daw kasi nila, bilang Prosecuting Panel na in-charge sa kaso ni Ruby Rose, maaaring sa iba iutos ng Chief Prosecutor ang order ng dating Sec. Devanadera, lalo na ang pagwi-withdraw ng kaso laban kay Lope Jimenez.

"Kontra kasi sa legal wisdom at legal theory namin yung decision ni Sec. Devanadera, ang iniisip namin, baka puwedeng iutos nila ang pagwi-withdraw sa iba. Morally, magkaiba kami ng pananaw [ni Sec. Devanadera]. Legally rin," patuloy ni Prosecutor Celi.

THERE IS STILL A PENDING MOTION. Sa panayam naman ng PEP kay Chief State Prosecutor Arellano kaninang alas-4:30 ng hapon, sinabi nito na noong nagbaba ng Resolution si dating Sec. Devanadera ay hindi pa nga siya ang Chief State Prosecutor noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ni Chief Prosecutor Arellano, "Ang ibig kasing sabihin noon, [utos sa Resolution ni Sec. Devanadera] 'Office of the Chief State Prosecutor...' 'Tapos hindi pa kasi ako nag-assume noon, nung lumabas yung Resolution na yun, she's directing the panel, headed by Senior State Prosecutor [Theodore] Villanueva. Kaya lang ngayon, there is a pending Motion for Reconsideration, which is still pending in the office of the Secretary [of Justice].

"Because of the pending Motion for Reconsideration, hindi pa nila [Prosecuting Panel], ma-file yung mga motion [withdrawal of Information para kay Lope Jimenez at filing of Information para kay Third], that's according to Senior Prosecutor [Cielito C.] Celi."

Ang naka-pending na Motion for Reconsideration ay ang motion na nai-file ni Atty. Mario Aguinaldo, abogado ng mga Jimenez [Atty. Manuel Jimenez Jr. at Third Jimenez]. Nag-file ng Motion si Atty. Aguinaldo para mapawalang-kaso si Third. Ayon kay Atty. Aguinaldo, dapat na maabsuwelto si Third dahil inabsuwelto ni dating Sec. Devandera si Lope Jimenez base sa "inadmissible" statements o affidavit ng witness na si Montero.

"Kahit hindi lawyer, maiintindihan yun," katuwiran ni Atty. Aguinaldo. "Plus the Resolution of former Sec. Devanadera is not final and executory. Kaya nga may Motion pa kami."

JUSTICE FOR RUBY ROSE. Sa mangyayaring rally bukas, na suportado ng mga samahang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Gabriela at iba pang support groups, hihilingin daw ni Rochelle at personal na kakausapin sina Sec. Agra at Chief State Prosecutor Arellano para magkaroon na ng pag-usad ang kaso ng pinatay na kapatid.

"Mag-iisang taon na kasi mula nang makuha ang bangkay ng sister ko... wala pa ring justice for Ruby Rose," sabi ni Rochelle. "Miss na miss ko na ang kapatid ko at masakit pa rin na nawalan ako ng kapatid. Kahit na wala na kaming pera, kailangang i-keep up namin ang laban. Salamat na lang sa mga support ng mga taong naniniwala rin sa ipinaglalaban namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Buti na nga lang daw at may mga nagdagdag na puwedeng pagkuhanan ng kita ang pamilya nila.

"May mga pa-guesting-guestings, lalo na sa TV5, 'tapos kinuha pa akong marketing manager at endorser ng international cosmetics brand na Sorme. So, thankful na rin talaga ako kay God," banggit pa ni Rochelle.

Dagdag din ang pagkuha sa asawa niyang si Jimwell Stevens para sa GMA-7 primetime series na Langit sa Piling Mo nina Mark Herras at Heart Evangelista.

"Pilot daw ako dun. So, okey na rin kahit paano. Makakabalik sa showbiz," sabi ni Jimwell. Kasabayan ni Rochelle sa showbiz si Jimwell na lumabas na noon sa mga pelikulang Kahit Kailan (1997), Walang Katumbas ang Dugo (1998), at Banatan (1999).


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN