Angelika dela Cruz on her brother's death: "I'm doing my best to be strong for my family."

IMAGE 0


"Wala ka namang choice, e. Tuloy ang buhay. Malungkot nga lang kami. Hindi nga lang kami magiging kagaya noon. Pero tuloy pa rin," says Angelika dela Cruz about moving on after her brother Edward's death. (Photos show some scenes from the wake of Edward last night, June 8.)


"Surviving, kinakaya naman."

Ito ang naging tugon ni Angelika dela Cruz nang kumustahin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at mga TV crew mula sa iba't ibang networks sa ikalawang gabi, June 8, ng burol ng kanyang kapatid na si Edward dela Cruz.

Ito rin ang unang pagkakataon na pinayagan ni Angelika ang media na ma-interview siya at makunan ang burol ng kanyang yumaong kapatid. Pero nakiusap ang aktres na isang interview na lang para sa lahat ng media dahil mahirap nga namang ulit-ulitin ang pagkukuwento tungkol sa malagim na sinapit ng kanyang kapatid.

Nasawi si Edward noong Lunes, June 7, dahil sa isang road mishap na naganap sa NLEX sa bandang San Simon, Pampanga. (CLICK HERE to read related story.)

THE SAD NEWS. Dahil ito nga ang unang pagkakataon na nagsalita si Angelika, kagabi lang nalinawagan ang lahat tungkol sa totoong nangyari kay Edward noong umaga ng Hunyo 7. Ikinuwento ng aktres, na halos wala nang boses, ang pangyayari na ikinasawi ng kanyang kapatid.

"Nagpunta siya ng Pampanga to visit his friend," simula ni Angelika. "Tapos noong pauwi na siya, na-flat-an siya ng gulong sa NLEX. Tapos, nandoon naman ang friend niya, dumating, pati ang highway patrol. Tapos, okey na yung gulong niya, pasakay na lang siya ng kotse nang mahagip siya ng truck."

Pagka-shock at hindi raw makapaniwala ang unang naging reaksiyon ni Angelika nang unang ibalita sa kanya ang nangyari sa kapatid.

"Hindi ako makapaniwala, e. Kasi, Daddy ko [Ernie dela Cruz] ang tumawag sa akin, 6:30 ng umaga. Sabi ko pa nga sa kanya, 'Daddy, ang aga mo naman. Alam mo naman na may taping pa ako, gusto ko pang umidlip.' Tapos sabi niya, 'Hindi, puwede ko bang makausap si Orion [Casareo, husband of Angelika]?'

"Sabi ko, 'Bakit Daddy, anong meron?' Then, sabi niya, 'Anak, may tumawag kasi sa akin. Naaksidente raw si Edward, patay raw.' Siyempre, napabangon na 'ko. Sabi ko sa kanya, 'Saang hospital?' Yung unang ibinigay nilang dalawang hospital, tinawagan ni Orion. Then, nag-ayos na ako just in case kung anuman ang mangyari, pupunta ako. Kung hindi totoo, diretso ako ng taping. Kung totoo naman, siyempre, mag-aasikaso ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, yung dalawang hospital, tinatanong niya [Orion] kung may dumating na car accident na DOA, wala raw. So, siyempre nabubuhayan ako ng loob, di ba? Tapos, yung third hospital, walang sumasagot. Yung fourth hospital, yun na...yun na yung sinabi niya sa akin na, 'He's gone.'"

THE DRIVER. Nang malaman daw ni Angelika na totoo nga ang impormasyon na natanggap ng kanyang Daddy, mabilis silang pumunta ng asawa niya sa Pampanga. Ang Daddy na raw niya ang nagsabi sa Mommy niya at dalawa pa nilang kapatid ni Edward na sina Erick at Mika.

Inabot na raw ng gabi sa Pampanga sina Angelika at Orion dahil hindi lamang ang katawan ng kapatid ang inasikaso niya kung hindi maging ang pagsasampa ng kaso sa driver ng truck na nakasagasa sa kapatid niya.

"Nakauwi ako sa Malabon from Pampanga, gabi na, e. Inuna ko muna si Edward," banggit pa ni Angelika.

Kinumpirma rin ni Angelika ang naunang report ng PEP na bukod kay Edward ay may iba pang nabangga ang driver ng truck pagkatapos. Pero ang kapatid lang niya ang nasawi.

Nagawa raw nilang maipakulong ang driver bago sila makabalik ng Malabon.

Kuwento ni Angelika, "Nakapag-file ako [ng reklamo]. Nakakulong siya as of now. Kaya lang, di ba, sa hindi ko maintindihang batas, may bail sa reckless imprudence resulting to homicide. Sa hindi ko maintindihang dahilan, may bail! Hindi lang si Edward ang naaksidente, pero si Edward lang ang namatay."

Kinumpirma rin ni Angelika ang report na may kasamang kaibigan ang kanyang kapatid nang mangyari ang aksidente, na tinamaan naman daw sa tuhod.

"Oo, e, alam ko, medyo delikado rin ang tuhod ng tao kasi basag, e. Hindi ko lang alam ang nangyari kasi shock kami. Shock talaga ang buong pamilya namin sa nangyari dahil hindi talaga namin inaasahan."

BEING STRONG FOR HER FAMILY. Tinanong ng PEP si Angelika kung nag-sink in na ba sa kanya ang lahat?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko masabi. Hindi ko masabi... Kasi kapag tinitingnan ko siya [Edward], ang thinking ko, kamukha ng kapatid ko, pero hindi siya. Naiiyak ako tapos mamaya, wala. Iiyak, tapos mamaya wala. Ganun siya, e."

Sinabi ni Angelika na kailangan niyang magpakatatag for her family bilang panganay sa magkakapatid.

"Daddy at mommy ko, hindi sila okay, obviously. Nawalan sila ng anak, siyempre masakit. I'm doing my best to be strong for my family. Kasi, saan naman sila kukuha ng lakas? Siyempre sa akin," aniya.

Ang child actress na si Mika ang bunso sa kanilang magkakapatid. Nakita namin na konting kibot lang ay umiiyak talaga ito.

Ayon kay Angelika, "Si Mika, bata yun, e. Siyempre, hindi niya naiintindihan kung bakit nangyari sa kuya niya yun. In time, maliliwanagan din ang bata."

Kaya gano'n na lang din ang pakiusap ni Angelika, lalo na sa media, na i-spare na ang kapatid na si Mika sa mga gustong mag-interview dahil ayaw na raw niyang madagdagan pa ang trauma ng bata; ganundin ang mga magulang niya.

REMEMBERING EDWARD. Wala raw maisip si Angelika kung may premonition sa kanya ang nakababatang kapatid bago ito pumanaw.

"Hindi ko kasi masabi kung premonition, pero before he died, madalas niya akong dalawin. Tapos, noong gabing yun na namatay siya, suot ko yung T-shirt na pangampanya niya, yung color violet na may Edward dela Cruz. So, paggising ko, yun ang suot ko," kuwento niya.

Ano ang mga katangian ni Edward na naaalala ni Angelika?

"Mabait siya, makulit. Palaging may kalokohan. Ang daming punchline. Malayo pa lang nakangiti na. May nakangiting kalokohan. Saka siya yung kapatid na tatawag na lang. Tagapagtanggol ko 'yan," sabi ni Angelika, at saka idinagdag na "Tol" ang tawagan nilang magkapatid.

Dahil close naman daw silang magkapatid, wala siyang maisip na dapat sinabi niya raw rito na hindi niya nasabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala akong ganong pakiramdam na sana ganito, sana ganyan, kasi alam niya. Close kami, e."

Sabi na lang niya, "Tol, magkikita pa tayong muli."

EDWARD'S ABORTED POLITICAL CAREER. Contrary sa mga unang nai-report na, bago mamatay ay naproklama na pala si Edward bilang pinakabagong konsehal ng Malabon. At ngayon ngang naiwan nito ang tungkulin na hindi pa halos nasisimulan, legally, maaari raw na humalili rito ang isang miyembro ng immediate family.

Anong plano nila sa bagay na ito?

"Kasi nga, yun pa ang nakakalungkot. Nanalo siyang konsehal, di ba? Nakaupo na, nawala pa. Actually, pinag-usapan nila. Kung sa puwede, puwedeng isa sa family namin ang pumalit. Siyempre, kung okey rin, alam ko, isa rin sa magde-decide ay ang aming Mayor."

Posible kayang siya ang humalili sa kapatid bilang Konsehal?

"Wala namang iba, e. Wala namang iba... Itutuloy ko kasi, pinaghirapan niya yun," sagot ni Angelika.

Sa puntong ito ay hindi na napigilan ni Angelika ang maging emosyunal.

Aniya, "Ayoko namang mapunta lang sa wala yung pinaghirapan ng kapatid ko. Kahit na may naririnig ako na yung mga ibang konsehal na natalo niya, meron daw nagpapaputok, nagse-celebrate kasi sila ang uupo. Masakit kasi, sana kahit konting respeto. Namatay na po yung kapatid ko. Sana, hindi muna yung sarili nila ang isipin kasi kung sa kanila nangyari yung nangyari sa amin, hindi naman kami ganoon, e. At saka, ibigay nila yung karapatan muna namin na ipagpatuloy yung pinaghirapan ng kapatid ko. Huwag muna nilang pagtangkaan. Huwag mula nilang pag-isipan ng masama."

Bago pa man kasi mapabalita noon na ikakasal siya, nabanggit na ng aktres ang plano niyang pagpasok sa pulitika sa kanilang lugar. Pero hindi nga siya natuloy at imbes ay si Edward ang tumakbo.

"Kasi yung brother ko, sumumpa na 'yan, e. Okay na siya. Nakapag-proclaim na siya. Yun nga, dapat nga, ako ang tatakbo, di ba? Kaya lang nag-decide ako na mag-concentrate sa anak ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Angelika, dapat sana ay pang-pamilya muna ang mga unang araw ng burol ni Edward. Pero wala na rin silang magawa dahil dinadagsa talaga ng mga tao ang burol, lalo na ng mga taga-Malabon. Kahit dalawang funeral rooms na ang sakop nila, hindi pa rin daw magkasya ang mga taong dumarating at nakikiramay.

"Sa sobrang daming tao, ang daming pila sa baba na ang gusto lang nila makita si Edward, binuksan na rin namin. Kasi, paano mo naman titiisin ang mga taong tumulong, di ba? Siguro sa kanila, kung mapagbibigyan tayo na ituloy ang nasimulan ni Edward, wala naman silang dapat ipangamba dahil nandito pa rin naman ako."

MOVING ON. Sa Linggo, June 13, alas-dos ng hapon ang libing ni Edward. Pinag-iisipan ng pamilya kung sa huling gabi ay ililipat nila sa mas malaking lugar for public viewing. After ng libing, wala naman daw silang choice but to go on with their lives.

"Wala ka namang choice, e," sabi ni Angelika. "Tuloy ang buhay. Malungkot nga lang kami. Hindi nga lang kami magiging kagaya noon. Pero tuloy pa rin."

In fact, ngayong araw na ito, June 9, walang choice si Angelika kung hindi ang mag-report sa taping na ng Pilyang Kerubin. Nagawa na ngang i-adjust ng bagong primetime series ng GMA-7 ang mga eksena sana ni Angelika bilang isa sa mga bida ng serye nang hindi siya makapag-taping last Monday. Pero dahil sa continuity at kailangan na talaga sa mga episode na ipalalabas, kinailangan na talaga niyang mag-report muna sa taping at magawan lang ng paraan na maaga itong mag-pack-up mamaya.

"Kakasimula pa lang ng Pilyang Kerubin, di ba? Alam ko naman na ayaw nila akong pag-teypingin dahil naiintindihan nila ang sitwasyon ko. Pero alam ko rin naman na wala rin namang choice. So, wala namang problema. Magte-taping siguro ako. Sasamahan na lang siguro ako ni Orion. Siyempre, kailangan mo pa rin, e. Kailangan mo pa rin ng masasandalan," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang mensahe na gusto niyang iparating, lalo na sa mga taong patuloy na nakikiramay at sumusuporta sa kanila?

"Sa lahat po ng mga kaibigan namin, kapamilya po namin. Sa lahat po ng mga taong nakikiramay, sa lahat po ng mga taga-Malabon, sa mga sumusuporta kay Edward, sa pagmamahal na ibinibigay sa kanya, maraming salamat po," pahayag ni Angelika.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN