Huling linggo na ngayon ng afternoon series na Gumapang Ka Sa Lusak na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado. Dito rin sa Kapuso drama na ito namuo ang anumang relasyon meron sila ngayon.
Kung marami ang nag-aabang kung ano ang kahihinatnan ng pag-iibigan ng mga characters nila sa serye, gayundin naman, at mas lalo pa siguro, kung hanggang saan aabot ang romantic relationship nina Dennis at Jennylyn.
Bungad na tanong sa kanila ng Startalk hosts na sina Joey de Leon, Lolit Solis at Ricky Lo nang mag-guest ang dalawa ng live kahapon, June 12, ay kung ano ba talaga ang estado na nila?
Ayon kay Dennis, "Magkaibigan, pero habang matagal na nagsasama, mas lalong lumalalim yun. So, mas malalim na pagkakaibigan yun."
Magpatuloy pa kaya ang namamagitan sa kanila ngayong patapos na ang Gumapang Ka Sa Lusak?
"Hindi naman po ibig sabihin na nagtatapos na ang show, tapos na rin ang lahat," sagot naman ni Jennlyn.
Dugtong pa niya, "Hindi lang naman sa amin ni Dennis, marami kaming naging kaibigan. Marami kaming naging medyo ka-close na hindi naman namin gaanong ka-close noon. Hindi naman ibig sabihin na tapos na, tapos nang lahat."
Sinag-ayunan ni Dennis na naging mas close nga sila ni Jennylyn.
"Close talaga. Hindi lang naman isang buwan ang pinagsamahan namin sa show, halos every day kaming magkasama. Siyempre, kapag kasama mo ang isang tao, mas marami kang natutuklasan sa kanya. Yung mga hindi mo naman alam dati, bigla na lang parang maa-amaze ka or mapa-fascinate ka."
DISCOVERIES. Ano ang mga natuklasan nila sa isa't isa?
"Sa araw-araw, ang dami, e!" nakangiting sabi ni Dennis. "Sobrang dami... Yung hindi ko alam na kapag importante sa kanya ang isang tao, gano'n siyang mag-alaga. Ipinapakita niya talaga na talagang special."
Hirit ni Lolit kay Dennis, nagkaka-'buckle-buckle' raw ito sa pagsasalita dahil hindi pa raw kasi magsabi ng totoo.
Natatawa namang sagot ng actor, "Hindi, gano'n po talaga, 'Nay. Mararamdaman mo ang presence niya, kasi ipinararamdaman niya sa 'yo na importante ka sa akin."
Tinanong naman ni Ricky si Jennylyn kung ano ang mga na-discover nito sa leading man.
"Talagang maalaga si Dennis. Sa mga eksena, lalo na kapag medyo mahirap ang eksena, tubig, tissue, upuan. Kailangan nakaalalay siya palagi."
Naniniwala daw si Joey na magaling nga mag-alaga si Dennis dahil paganda nang paganda at paseksi nang paseksi si Jennylyn. Dugtong pa ni Joey, alam naman ng lahat na pareho silang single parents. Nakatulong daw ba sa pagiging malapit nila sa isa't isa ang situwasyon nilang iyon?
Sagot ni Jennylyn, "Opo naman. Malaking bagay po yun, kasi, marami kaming napag-uusapan. Marami kaming napagkukuwentuhan."
Magkalaro na ngayon ang anak niyang si AJ at ang anak ni Dennis na si Calix.
Kuwento ni Dennis, "Nakakatuwa, kasi nakikita mo kung paano ang interaction nila. Kakakita lang nila."
Ano naman ang masasabi ni Dennis tungkol sa isang panayam ng Startalk kay Carlene Aquilar kunsaan sinabi ng ina ni Calix na mas type niya si Jennylyn kaysa sa ibang naging girlfriend ng actor.
Ang sabi ni Dennis, "Siyempre, natutuwa ako na gano'n ang sinabi niya, walang problema. Masaya lahat. Masaya siya para sa akin. Natutuwa ako at na-appreciate ko yun. At least, suportado niya ako hanggang ngayon, di ba, kung ano ang gusto kong mangyari at magpapasaya sa akin."
As for Jennylyn, "Siyempre naman, masarap ang pakiramdam na gusto sa 'yo ng tao. Kahit sino naman."
Nakakapag-usap ba sila ni Carlene at ano ang napag-uusapan nila?
"Nagkaka-text kami, pero hindi pa naman kami nagkikita. Kamustahan lang. Tungkol sa baby."
PARTING WORDS. Ngayong magtatapos na ang kanilang serye, ano ang mami-miss nila sa isa't isa?
Para kay Jennylyn, "Siya lang naman ang nag-aalaga sa akin sa set. Maasikaso siya, wala akong masabi. At yun ang mami-miss ko kasi, parang ngayon ko lang na-experience yung ganoong pakiramdam na may taong sobrang nagmamalasakit."
Sa huli, hiningan ng Startalk ang dalawa kung ano ang message nila para sa isa't isa.
Ani Jennylyn, "Palagi kong sinasabi na maraming salamat sa pag-aalaga sa akin. At dahil palagi kang nandiyan para sa akin. Sa pagmamahal at saka sana hindi ka magbago."
Si Dennis naman kay Jennylyn, "Gusto kong sabihin na thank you, thank you sa lahat ng pag-aasikaso. Ipinakita mo yung totoo mo sa akin at sobrang na-appreciate ko yung lahat ng ginagawa mo. Sobrang thankful ako na nakatrabaho kita rito. Ikaw yung perfect na... wala na akong naisip na may makakagawa ng role na Rachel sa Gumapang... kung hindi ikaw lang. Salamat at sana, marami pa tayong pagsamahang project na magaganda."