Last Monday, June 7 ay second death anniversary ng action star na si Rudy Fernandez. Naging abala ang naiwang maybahay ni Rudy na si Lorna Tolentino sa paggunita sa kanya sa kinahihimlayan nitong museleo sa Heritage Park, Taguig City.
Ngayon pa lang daw ay nag-iisip na sila ng mga anak na si Ralph at Renz kung paano ise-celebrate ang 3rd death anniversary ni Daboy, sabi ni Lorna sa Startalk kahapon, June 12.
"Parang nag-iisip kami ni Ralph na gumawa ng audio-visual presentation para sa lahat ng mga friends niya. Mga pictures niya, maybe after the third year. Kumbaga, mahirap na kasi after ng third year, sa fourth, fifth, gagawin. Okey na sa akin na privately, mag-Mass na lang."
Fully constructed na ang himlayan ni Daboy sa museleo nila at doon idinaos ang misa para sa death anniversary. Binigyan din daw ni Lorna ng susi sa museleo ang mga close friends para makadalaw ang mga ito kahit wala sila.
Bukod kay Daboy, magiging huling hantungan din itong museleo para sa ibang kaanak, at ang mga puwesto ay isinasaayos na ni Lorna.
"[Para sa ] father, mother ni Rudy, brothers niya, yun ang isusunod ko. Yung mama ko, inire-request na rin niya yung lola ko, lolo ko to be there para Fernandez-Tolentino na talaga siya."
ABSENT MARK ANTHONY. Idinipensa ni Lorna ang muling hindi pagdalo ni Mark Anthony Fernandez sa ikalawang taong paggunita sa kamatayan ng ama.
"Ang alam ko, darating siya, pero sandali lang. Ang sabi kasi niya, para sa kanya, kumbaga, ang papa naman niya nasa lahat ng lugar. Naiintindihan ko, okey lang naman."
Up to this day ay untouched pa rin daw ang mga gamit ni Rudy sa bahay, maliban lang kapag kailangan itong gamitin or hiramin ng mga anak nila.
"Kapag may kailangan ang mga bata, since same sila ng size, so, 'Sige, diyan kayo kumuha sa Papa niyo or borrow the shoes, borrow the belt, jacket.' Binabalik din nila ulit."
Maingat din pala si Daboy sa kanyang memorabilia.
"Meron siyang mga gamit na nasa maleta niya na nakalagay at talagang sulat niya kung saang pelikula niya ginamit."
Ang mas lalo raw iniingatan ni Lorna ay ang mga sulat ni Rudy sa ama ni Lorna.
HAPPY TO BE SINGLE. "I feel in my heart talagang straight to heaven si Rudy. Kaya never siya yung nagpaparamdam. Basta sa dreams lang."
At ayon pa kay Lorna, nawalan man sila ng padre de familia, dumami naman ang mga kaibigan nila.
"Lahat kami, after Rudy, then, si Johnny [Delgado], di ba? So, pati ang mga bata, mas naging close ngayon. Mas naging close yung anak ni Pipo [Tirso Cruz III], ako, Sandy [Andolong], Amy [Austria], yung mga anak-anak namin, mas lalong naging close ngayon, lumalabas sila."
Hindi rin mawawala ang mga matatalik na kaibigan ni Daboy tulad nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla at Phillip Salvador.
"Sinabi ko nga kay Bong, na-touch ako sa kanya. Matagal kaming hindi nagkita. Hindi ako nakapag-campaign for him. But yung kumbaga, he was still there to really remember Rudy."
Pagkaraan ng dalawang taon, nakahanda na ba si Lorna to fall in love again?
"Palagay ko wala muna 'yan. Okey pa 'ko. Happy being single. At saka, naiinis nga ako kapag may gano'n. Parang, hello!" natatawa na lang niyang sinabi.
