Barbie Forteza and Joshua Dionisio want to stay together as a team "forever"

IMAGE 0


"Ayaw ko rin pong magkahiwalay na kami. Siguro po, hanggang gusto po kami ng fans namin. Sana lang po may variation ang roles na ginagampanan namin, hindi po dapat laging love story, para po hindi naman magsawa ang fans namin," says Joshua Dionisio about his love team with Barbie Forteza.


Nakaharap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling entertainment press ang mga bida ng Pilyang Kerubin na sina Barbie Forteza at Joshua Dionisio sa Souvenir Room ng GMA Network Studios kamakailan. Naunang dumating si Joshua and a few minutes later ay dumating na rin si Barbie na galing pa sa kanila sa Biñan, Laguna. Sabay na silang in-interview ng press.

Noong June 7 nag-pilot telecast ang bago nilang soap sa GMA-7, ang Pilyang Kerubin. Napanood ba nila ito?

"Yes po," sagot ni Barbie. "Nagte-taping po kami, pero inihinto muna ni Direk Andoy [Ranay]. Nagpalagay siya ng malaking telang puti, doon po kami nanood. Kahit hindi pa po kami kasama [sa mga eksena], nakakatuwa po na nakapanood kami."

Pang-anim na team-up na nina Barbie at Joshua ang Pilyang Kerubin, pagkatapos ng Stairway to Heaven, "My Christmas List" episode ng Dear Friend, isang episode ng Maynila, First Time, at isang episode ng Claudine. Hindi pa ba sila nagsasawa na laging sila ang magkatambal?

"Hindi po, sana nga po forever," sagot ni Barbie. "Parang hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko kung hindi na si Joshua ang katambal ko."

Ayon naman kay Joshua, "Ayaw ko rin pong magkahiwalay na kami. Siguro po, hanggang gusto po kami ng fans namin. Sana lang po may variation ang roles na ginagampanan namin, hindi po dapat laging love story, para po hindi naman magsawa ang fans namin."

STYLE. Napansin ng press ang kanilang mga suot. Bakit parang nagmamadali silang maging binata at dalaga?

Paliwanag ni Joshua, "Kapag lang naman po may ganito, presscon o uma-attend kami ng isang showbiz function, 'saka lang po kami nakapostura. Kapag nasa house po ako o nagmo-malling kung minsan, naka-casual lang ako, kung saan ako comfortable. Sa akin naman po, okey lang kay Barbie ang mga isinusuot niya, bagay po naman sa kanya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi naman ni Barbie, "Sa house po, lagi akong naka-shorts and shirts. Minsan nga, loose pa, kasi po comfortable 'yon. Si Mama po ang sylist ko, siya po ang bumibili ng mga isinusuot ko. Gusto ko naman po si Kristen Stewart [Twilight]. Yun lang po, nasulat yung pag-attend ko ng Star Awards na naka-gown ako pero naka-rubber shoes naman. Hindi ko po alam na mapapansin 'yon."

WORKSHOP WITH PEN. Totoo bang nagwu-workshop sila ngayon sa vetran actor na si Pen Medina?

"Yes, po," sagot ni Barbie. "Nakakatuwa po kasi talagang personalized ang pagwu-workshop nila sa akin. Lalo po ako, lagi niyang sinasabi na every scene na gawin ko bilang si Charity, kailangan ko raw alisin si Barbie. Kailangang ang mapanood ay si Charity, tomboy kumilos, pilya, laging on the go.

"Matagal ko na pong gustong gampanan ang ganitong role, pero mahirap po pala, nakaka-challenge. Thankful nga po ako sa mga kasama ko sa eksena, tulad po ni Tito Eddie [Garcia]. Akala ko po nakakatakot siya, masungit, pero ang bait-bait po pala. First time ko lang po siyang nakasama at madalas din siyang nagbibigay ng pointers sa akin."

Ayon naman kay Joshua, "Salamat po kay Tito Pen sa pagwu-workshop sa akin. Kung 'yon po kasing mga ginampanan kong roles ay parang light lamang, dito po sa Pilyang Kerubin, kabaligtaran naman ako ng character ni Barbie. Masyado po akong seryoso kaya dapat pag-aralan ko rin 'yon."

So, paano sila sa set ngayong malayo pala sa personalidad ang characters na ginagampanan nila?

Joshua: "Off-camera naman kami ni Barbie, ganoon pa rin, kulitan, madalas ko siyang inaasar. Nakakatuwa lang po sa kanya, marunong siyang makipagbiruan, hindi po siya napipikon."

Barbie: "Hindi pa rin po kami nag-uusap nang maayos ni Joshua, biruan lagi. Nagseseryoso lang kami kapag sinabing basahin na namin ang script at mag-ready for the next take. Ganoon po kami ka-comfortable sa isa't isa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

TEENAGERS. Sa July 31 ay magiging ganap nang teenager si Barbie dahil she will turn 13 years old. May party ba siya? Ano ang birthday gift ang gusto niyang matanggap?

"Hindi ko pa po alam, baka po may trabaho ako, baka may taping," sabi niya. "Wala pa pong sinasabi ang parents ko. Gusto ko pong birthday gift, isang cell phone, 'yong medyo mahal na."

Si Joshua naman will turn 16 years old sa December 14.

May mga crush na ba sila?

"Noon pa po, crush ko na sina Heart Evangelista at Shaina Magdayao," sagot ng binatilyo.

Biniro tuloy si Joshua na tila idol niya si John Prats dahil pareho nitong naging girlfriends sina Heart at Shaina. Pero sino 'yong dinalhan niya ng flowers noong Valentine's Day two years ago? Si Eliza Pineda ba 'yon na sabi'y naging crush niya noong magkasama pa sila sa ABS-CBN?

"Hindi po," tanggi ni Joshua. "Hindi po n'yo siya makikilala kahit sabihin ko ang name niya kasi hindi po siya showbiz. Wala lang po, crush ko siya noon kaya dinalhan ko ng flowers, pero ni hindi po kami nagkausap. Pagkabigay ko ng flowers, umalis na rin ako. Hindi ko na po alam kung nasa Laguna pa rin siya hanggang ngayon."

Sabi naman ni Barbie, "Wala pa po naman ako talagang crush, pero idol ko po sina Richard Gutierrez at Dennis Trillo. Sa mga Kapuso na gusto ko, sina Marian Rivera po at si Ms. Jean Garcia. Si Ms. Jean po, noong sampalin niya ako sa Stairway to Heaven, pagkatapos po ng eksena, sorry siya nang sorry at siya pa ang naglagay ng yelo sa cheek ko. Gusto ko rin po si Ms. Sharon Cuneta."

Bilang teeners, mahilig ba silang mag-text sa isa't isa?

"Hindi po, sayang ang load!" biro ni Joshua. "Halos araw-araw naman po magkasama kami sa trabaho kaya hindi na kami nagti-text."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag ni Barbie, "Paminsan-minsan lang po. Iyon ay kung nagtatanong ako ng location namin at kung anong time kami dapat nandoon, kasi nga po malayo kami.

BACK TO SCHOOL. Start na ng school year, pareho ba silang papasok?

"Yes po, tuloy ang pagpasok ko," sagot ni Joshua. "Fourth year [high school] na po ako at tatapusin ko ang regular school ko. Gusto ko rin pong ituloy ito sa college."

Ayon naman kay Barbie, "This year po, magho-home study ako sa St. Michael School sa Biñan, Laguna. Mahirap po kasi malayo ang bahay namin. Baka nga po lumipat kami sa Quezon City, 'yong malapit po sa work ko. Naghahanap po kami ng house na kaya namin ang rent."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN