Ilang linggo pa lamang ang nakalilipas nang mamatay sa isang vehicular accident ang kapatid ni Angelika dela Cruz na si Edward, heto't panibagong pagsubok na naman ang kinakaharap ng kanilang pamilya.
Napukaw ang atensiyon ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa message ng aktres na si Jodi Sta. Maria sa kanyang Twitter account ngayong umaga, June 29: Ani Jodi, "Good morning guys. There will be a fundraising for Angelika Dela Cruz's brother who is suffering from Pneumothorax (collapsed lung). It's going to be on July 10, 2010 @ Barrakz Bar in Tomas Morato @ 8pm. Let us help her."
Isa sa malapit na kaibigan ni Angelika si Jodi.
Agad na tinawagan ng PEP si Angelika ngayon ding umaga at kinumpirma nito ang kalagayan ngayon ng adopted brother niyang si Erick, 19 years old.
Ayon kay Angelika, nangyari raw ang pagdaing ni Erick na hindi siya makahinga noong madaling-araw ng Biyernes, June 25.
Kuwento niya, "Akala namin heartburn lang. Kasi, sino naman ang mag-aakala, he's only 19, di ba? Pero yun nga, madaling-araw yun. So, tinanong ko siya, 'Gusto mo ba dalhin ka na namin sa hospital?' Umoo siya. Do'n ko na-feel na, iba na.
"Kasi yung kapatid ko na yun, hindi mo naman siya basta mapapapunta or masasabihang magpa-check-up. Dinala na nga namin siya sa St. Luke's Hospital ni Orion [Casareo, Angelika's husband]. Pagdating namin do'n, nagulat ako kasi critical case agad siya."
Ayon sa pagsusuri ng mga doktor, hindi na halos nagpa-function ang lungs nito at 20 percent na lang ang gumagana rito.
Sabi ni Angelika, siya na ang pumirma ng waiver upang maoperahan agad si Erick at butasan ang lungs nito upang makahinga ang kapatid.
"Hindi ko na ipinaalam kina Daddy [Ernie dela Cruz] kung ano ang nangyayari. Kasi, noong araw din na yun, isinugod din si Daddy sa St. Luke's dahil sa pneumonia naman. Kaya dalawa sila na binabantayan ko. Pero hindi alam ni Daddy na si Erick, inooperahan."
Pero habang kausap ng PEP si Angelika ay kasama na nito ang ama at nakalabas na ng hospital.
Ngayon ay inaayos naman ni Angelika na mailipat si Erick sa Lung Center kung saan specialty ng naturang hospital ang medical case ng kapatid. Sa Lung Center na rin ooperahan ulit si Erick para i-repair ang lungs niya.
STAYING STRONG. Dahil sa sunud-sunod na pagsubok sa kanilang pamilya, aminado si Angelika na pilit na lang siyang nagpapakatatag para sa kanyang pamilya. Aniya, may time na pag-uwi niya ng bahay ay do'n na lang siya umiiyak. But then, she knows na kailangan niyang maging strong para sa kanyang pamilya.
"Sunod-sunod lang talaga, pero wala naman akong magagawa, di ba?" sabi ni Angelika. "Siyempre, medyo hirap din kasi kakatapos lang ng nangyari kay Edward and marami rin naubos. Ako lang din naman ang nagwo-work."
Nagpapasalamat naman si Angelika sa mga kaibigan niya, tulad ni Jodi, na nandiyan para sumuporta at tumulong din lalo na sa kalagayan ng kanyang kapatid ngayon.
Tungkol naman sa naiwang posisyon ni Edward bilang konsehal ng Malabon City, patuloy pa rin daw inilalaban ng pamilya ni Angelika at supporters ni Edward na ang aktres ang pumalit dito.
Bukod kina Edward at Erick, ang isa pang kapatid ni Angelika ay ang child actress na si Mika dela Cruz.
