Magdiwang at magbigay pasasalamat sa mga biyaya ng buhay, yaman ng kalikasan at hitik na kasaysayan ng siyudad ng Davao!
Ang Kapamilya Karavan ay makikisaya sa makulay at makabuluhang pagdiriwang ng Kadayawan Festival, kasama ang mga nagniningningang na mga bituin ng ABS-CBN, sa Sabado, Agosto 21, 3:00 p.m., sa Gaisano Atrium, Davao City.
Tampok sa selebrasyon ang magkasintahang sina Angelica Panganiban at Derek Ramsay, at sina John Prats at Matteo Guidecielli, na pasisiklabin ang entablado sa kani-kanilang pagtatanghal.
Pagkatapos ng makapigil-hiningang pagtatapos ng Rubi noong nakaraang linggo, nasasabik si Angelica na bumisita sa mga probinsya, lalo na't ang kanyang pinakamamahal na kasintahan na si Derek ay handa siyang samahan. Naikuwento ng aktres na nais niyang lubus-lubusin ang pagkakataong makasama ang aktor ng Magkaribal.
"Sobrang nakaka-excite talagang sumama sa Kapamilya Karavan Davao, abangan niyo kami. Siguradong pasasayahin namin kayo," ani Angelica.
Nais naman ni John Prats, isa sa mga bida ng Banana Split, na tuklasin ang makasaysayan at mayamang kultura ng Davao. Ibinahagi ng actor na isa sa kanyang mga pangarap ang malibot ang 7,107 na mga isla ng Pilipinas.
"I hope after the Karavan, I can stay longer in Davao. Pero kailangan magtrabaho ulit agad. Anyway, I'll make the most out of my stay there. I'd like to know more about Davao," pahayag ni John.
Hango sa salitang Davaoeño na madayaw (mabuti at maganda), ang Kadayawan Festival na pinakaaabangang pista sa Davao ay pasasalamat sa kahitikan ng kalikasan.